Duterte health

Ipalabas si Duterte sa isang live press conference

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

Ipalabas si Duterte sa isang live press conference
Kailangan ng bayang malaman kung may nagmamaneho, o train wreck ba tayong rumaragasa sa karimlan

Umabot na tayo sa ganito. Meron na tayong Presidenteng masahol pa sa nakakulong sa tore.

Paano naging “new normal” ang “remote control presidency” na naka “perpetual isolation?” Nitong Agosto 27, nagmuni-muni si Presidential Spokesman Harry Roque tungkol sa pagdaraos ng isang press conference.

Bakit kamo natin pinag-uusapan ang isang press conference? Balita na pala ngayon ang magdaos ng press conference? Di ba’t bahagi ‘yan ng trabaho ng isang Commander in Chief?

Dati ‘yon, iba na ngayon.

Sa panahong limang buwan nang hindi nakakausap ng mga reporter sa isang live interaction ang Pangulo, newsworthy o kabali-balita ang makita natin siyang LIVE.

Paano tayo umabot sa ganito?

Ang totoo, tila ang bayan ang “proverbial frog in slowly boiling water.” Palaka tayong unti-unting nasanay sa kumukulong tubig. “Unti-unti” ang operative word. Hindi tumatalon ang palaka/Pinoy dahil nasanay na siya.

Sa loob ng 4 na taon, natutunan nating tumingin sa kanang direksyon dahil may nakahandusay na bangkay sa kaliwa. Kahit pa umabot na sa tinatantyang 27,000 ang mga biktima, mas ginusto natin ang bersyon ng Pilipinas na pinamumunuan ng “mahal na Presidente.” Sa bersyon na iyon, hindi mahalaga ang human rights dahil may pagpapahalaga naman sa “human lives.”

Noong 2016, sinabi ni Ginoong Duterte sa isang panayam kay Maria Ressa na mahalagang katakutan ng taumbayan ang pinuno nito.

Kaya’t marahan tayong sinanay ni Duterte na matakot. Kapag hindi niya nagustuhan ang tabas ng dila mo, banned ka sa Malacañang tulad ni Pia Ranada.

Kapag nabuwisit siya sa paghahalungkat mo sa human rights record niya, kalaboso ka tulad ni Leila de Lima. Gagawan ka pa ng mga fake video.

Kapag independyente kang hukom, maaari kang mapatanggal sa puwesto at buburahin ang pangalan mo sa bulwagan ng mga Supreme Court Chief Justices tulad ni Maria Lourdes Sereno.

Kapag nairita siya sa iyo at binanggit ang online publication mo sa SONA tulad ng Rappler, tatanggalan ka ng lisensya, tatambakan ng labing-isang kaso, at mahahatulan kang guilty ng cyber libel tulad ng CEO nitong si Ressa.

At hindi proteksyon ang paghingi ng paumanhin, na huli nang napagtanto ng ABS-CBN. Habang nagpapakumbaba ka, lalo kang uupakan. Bago ipasara ang higanteng network, kinaladkad ang mga executive nito sa House of Representatives. Kinastigo, kinwestyon ang nasyonalidad, kinwestyon ang pamamahayag, at sinumbatan ng lahat ng sama ng loob. Pinagbalakan pang i-take-over ang headquarters nito upang gamitin ang mga equipment sa government broadcast.

Matapos sampalin sa isang pisngi, ibinigay ng network ang kabilang pisngi upang ipasampal din. Pero hindi umubra ang taktika ng ABS-CBN kay Duterte.

Mukhang maling diskarte ito, Ginoong Carlo Katigbak (ang president ng ABS-CBN). Dahil ang mga sanggano, lalong sumisidhi ang pagiging sadista kapag pinakikitaan ng panlalambot.

Pero bakit ba natin binabalikan kung papaano tayo nakondisyon ni Ginoong Duterte?

Kinondisyong walang LIVE?

Dahil ngayon, kinokondisyon na tayong huwag siya makitang nakikipagtalastasan sa media. Masisisi ba tayo ni Harry Roque kung maghinala tayong may masidhing pagtatangkang i-isolate ang boss niya – matapos siyang madulas at amining naka-“perpetual isolation” si Digong?

Idagdag ito sa hindi mamatay-matay na bulung-bulungan: matindi raw ang sakit ng Pangulo at inilipad sa Singapore. Syempre kinailangan ng super powers ni Bong Go upang masilip nating buhay pa ang Presidente.

Sa katunayan, ang tanging pagkakataon lamang ng taumbayan na makitang live ang Pangulo ay kung nasa mood si Bong Go mag-live sa Facebook.

Bakit pinutol ang access ng media sa Pangulo sa panahon ng pandemya? Bakit walang doktor na tumatayo sa entablado at naglalahad ng buong katapatan sa estado ng kalusugan ni Digong?

Bakit wala nang direktang interaksyon ang mga mamamahayag sa Pangulo? Hindi si Harry Roque ang inihalal na presidente ng bayan at habang si Go naman ay inihalal na senador, hindi naman siya ibinotong dakilang alalay. Hindi sila ang kailangan nating masilayan.

Kailangan ng bayang direktang makausap at makapanayam ang Presidente dahil kailangan ng bayang malaman kung 100% in-control ang nagmamaneho, o kung train wreck ba tayong rumaragasa sa karimlan.

Dito pumapasok ang pundamental na kasunduan, ang “social contract” sa pagitan ng opisyal na inihalal at ng bayan. Kapalit ng mahusay na pamumuno, serbisyo at pagmimintina ng “social order,” binibigyan natin siya ng otoridad sa ating mga buhay, kaban ng bayan, at mga panlipunang institusyon.

“Ang tunay na kaaway ng administrasyong ito ay hindi ang oposisyon kundi ang uncertainty o kawalang katiyakan.” ‘Yan ang punto de bista ng batikang abugadong si John Molo na nagsabing “to protect Duterte, disclose his state of health.”

Muli’t-muli, babalik tayo sa prinsipyo ng transparency. Kapag maraming sikreto, lalong umuugong ang balita, lalong umaandar ang imahinasyon.

Tingnan natin ang napakaunlad na bansang Japan, kung saan nag-full disclosure ang nagbitiw na si Prime Minister Shinzo Abe. Kailangan daw niyang magpagamot at balakid ang treatment sa pagganap niya sa tungkulin. Hindi nayanig ang lipunang Hapones, at inaasahang itutuloy ng kanyang tagapagmana ang Abenomics. Lumakas pa nga ang palitan ng yen laban sa dolyar.

Ipinapaalala namin sa pamahalaang Duterte: anuman ang sakit ng Pangulo, magiging kalakasan ito kung magiging tapat at bukas. Hindi ito kahinaan kung malinaw ang proseso ng pagsalo sa kanyang mga tungkulin. Mayroon siyang competent at matalinong Bise Presidente.

Ang mahalaga, alam nating mga pinamumunuan ang katotohanan. Ang mahalaga, malinaw sino ang timon. Ang mahalaga, hindi tayo nag-o-operate sa kadiliman.

Walang sing-halaga ito sa ating mga mamamayang lugmok sa pandemya at bagsak na ekonomiya, at umaasang makababangon sa pinakamabilis na paraan.

Pero paano mangyayari ang mabilis na recovery kung unreachable ang Presidente kahit sa Malacañang Press Corp? Nakikita nga natin siyang nagbibigay ng mga utos sa gabinete, hindi naman tayo makahingi ng paliwanag direkta mula sa kanya. Paano matataguyod ang kumpyansa?

May ibang plano ba maliban sa maghintay ng vaccine sa harap ng pandemic curve na lalong paakyat? Alam ba niya kung saan napupunta ang badyet para sa paglaban sa COVID-19? Pasasalamatan ba niya ang mga health workers o sasabihan sila na karangalan ang “mamatay para sa bayan?” Bakit pasalamat siya ng pasalamat sa Russia at Tsina? Napakaraming tanong ng taumbayan.

‘Time to engage’

Kailangang malaman ng taumbayan na hindi patagong china-chop-chop ng cordon sanitaire ni Duterte ang kapangyarihan.

Isaksak sana sa kukote ng mga alipores ni Duterte na palagian nang nagbibigay ng palpak na payo: intriga at tsismis ang produkto ng mga sikreto.

Kaninang umaga nang Agosto 31, sa isang recorded broadcast mula sa Jolo, ginamit ng Pangulo ang imortal na linya sa Bibliya: “A time to kill, and a time to heal; a time to break down, and a time to build up.”

Very poetic, Mr President, pero bago ‘yan, this is the time to engage. Ito ang panahon na maging present ka sa buhay naming mga Pinoy. At hindi ‘yan makukuha sa pareko-recording. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!