healthcare workers

[Free to Disagree] Sabwatan ng mga doktor at drug companies

Sylvia Estrada Claudio

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[Free to Disagree] Sabwatan ng mga doktor at drug companies

David Castuciano/Rappler

Magkasalungat ang layunin ng drug companies na kumita nang malaki, at ang tungkulin ng mga doktor na magreseta ng pinakamura, pinakamabisa, at ligtas na gamot

Nitong mga nakaraang linggo, naglabas ng mga mahahalagang isyu ang Senate committee on health na pinangungunahan ni Senator Raffy Tulfo. Dapat bigyang pansin ang mga ito.

Bilang isang doktor, ikinatutuwa ko ito sapagka’t matagal ko na ring pinupuna ang mga isyu tulad ng bullying na nararanasan ng mga medical clerk, interns, fellows, at residente. Mahigit 40 taon na nang ako’y grumadweyt ng medisina. Kahit nung ako ay medical clerk at intern, sumusulat na ako ng mga artikulo sa pahayagan ng mga estudyante ng UP College of Medicine laban sa ganitong kultura.

Akala ko, may pagbabago na. Ngunit ayon sa expose ni Senator Tulfo, parang hindi bumuti ang sitwasyon, bagkus lumalala ito. Ang puna ko lang kay Senator Tulfo, sana itinuloy pa niya ang pag-imbestiga nito. Mahalaga sana na pinangalanan ang ilang consultant na nang-aapi sa mga residente at fellows, o mga residente na nang-aapi sa mga clerk at intern. Maganda sanang kasuhan ang ilang bully, kasama na ang mga institusyon na nagbubulag-bulagan sa pambu-bully.

Doktor at drug company

Isang mahalagang isyu pa ang inilabas ni Senator Tulfo – ang pagsasabwatan ng mga doktor at pharmaceutical companies. Kung may isang hakbangin na makakatulong sa propesyong medikal, ito ay ang pagreporma sa relasyon ng mga doktor sa pharmaceutical companies.

Sa aking pananaw, ang puno’t dulo ng problema ay magkasalungat ang layunin ng mga drug companies at ang tungkulin ng mga doktor. Hangad ng drug companies na magbenta at palakihin ang tubo nila. Tungkulin ng mga doktor na magreseta ng pinakamura, pinakamabisa, at ligtas na gamot.

Sa totoo lang, ang magaling na doktor ay nagrereseta lamang kung kailangan. Halimbawa, karamihan ng may sipon at ubo ay gagaling kung magpahinga ang may sakit at uminom ng maraming tubig. Kung hindi muna lumabas ng bahay ang taong may sipon at ubo, makakapagpahinga siya at hindi niya mahahawahan ang iba. HIndi kailangan ng antibiotics, pampatunaw ng plema o sipon upang gumaling. Karamihan ng ubo at sipon ay sanhi ng virus, at ang antibiotics ay walang epekto sa mga virus. Ang mga pampatunaw ng plema ay nakagagaang ng pakiramdam, pero walang epekto ang mga ito sa virus na sanhi ng sakit. Para sa simpleng mga sipon at ubo, sapat na ang likas na resistensiya ng katawan ng tao upang labanan at sugpuin ang virus. Kaya’t ang payo dapat ng doktor ay manatili muna sa bahay at magpahinga.

Nguni’t bilyon-bilyon ang kinikita ng drug companies sa mga gamot laban sa plema, baradong ilong, at ubo. At, dahil sa marketing ng drug companies na ito, hindi natutuwa ang maraming kumokonsulta sa akin kapag ayaw ko silang resetahan para sa simpleng sipon at ubo. Madalas ay akala nila ginagamot nila ang sakit, at kapag tumagal ito dahil di sila nagpapahinga, himihingi ng antibiotics sa doktor. Mabuti na lamang at marami ang pumapayag sa payo ko na magpahinga muna. Ayun, gumagaling naman.

Pero dahil sa marketing, maraming kababayan ang naniniwala na sayang ang pagkonsulta sa doktor kung hindi sila reresetahan. Ang magaling na doktor ay iyong nagrereseta. Malinaw naman siguro kung sino ang napapaboran ng ganitong pag-iisip, di ba? 

Patent

Paano pa kaya kapag kailangan talaga ng may sakit na uminom ng gamot? May mga batayang prinsipyo sa pagreseta ng gamot. May tamang gamot dahil ito ay mabisa at ligtas. At, para sa maraming gamot, alam nating safe at effective ito kapag ilang dekada na itong ginagamit. Samakatuwid, marami na ang uminom nito at gumaling, at kaunting kaunti ang nagka-side effects.

Halimbawa, ang paracetamol ay pumasok sa merkado noong dekada 1950. Samakatuwid, ilang dekada nang ginagamit ito at ilang bilyong ulit na itong inireseta at ininom. Habang merong ilang nakaramdam ng side effects (wala namang gamot na wala), napatunayan na  ito ay safe and effective para sa ordinaryong tao.

Ang problema ay maliit na lang ang kinikita ng kompanya na nag-develop at nag-patent ng paracetamol dahil nag-expire ang patent nito noong 2007.

Ano ang patent? Ito ay isang proteksiyon na ibinibigay sa drug company na nakaimbento ng gamot upang sila lamang ang puwedeng mag-manufacture at magbenta ng gamot na iyon sa loob ng ilang taon. Kadalasan ang patent ay tumatakbo nang 20 taon. Mahal  kasi ang mag-develop ng bagong gamot, at dapat din naman na hayaan ang mga drug company na mabawi ang kanilang puhunan.

Nguni’t kapag nag-expire ang patent, kahit sino ay puwede nang gumawa at magbenta ng gamot na iyon. At dahil marami na ang kumpetensiya, nagmumura na ang gamot.

Generics

Dito pumapasok ang konsepto ng generics at branded. Ang bawa’t gamot ay may non-proprietary name, o ang  pangalan ng sangkap na panlaban sa sakit na tinataglay ng gamot. Ang mga eksperto ang nagbibigay ng non-proprietary names sa mga sangkap na ito. Ang brand name naman ay ang pangalan na ibinibigay ng drug company sa gamot.

Sa simpleng paliwanag, ang generic ay ang mga gamot na gawa na ng ibang kompanya na kapareho ang sangkap ng orihinal. Siyempre, iba ang brand names ng mga ito. Malamang, kahit pareho lamang ang sangkap, mas mura ang mga kopyang generic.

Para higit na maliwanag: Halimbawa, nakatuklas ako ng epektibo at ligtas na kemikal na kapag ininom ay tiyak na mapipigilan ang kagustuhan ng ilang consultant na mam-bully ng residente. Binigyan ng mga eksperto ang sangkap na ito ng non-proprietary name na “sylvia.” Sa loob ng 20 years, ako lang ang puwedeng gumawa ng gamot na ang sangkap ay sylvia. Dahil gusto kong maging mabenta ito, binigyan ko ang gamot ng brand name na “pataybully.” Siyempre, mahal ang benta ko nito dahil ako lang ang may produkto. 

Kapag nag-expire ang patent ko sa sangkap na ito, maaari nang gumawa ang ibang kompanya ng sangkap na “sylvia” at ibenta ito. Nguni’t iba-iba ang brand name na ibibigay nila sa kanilang produkto – halimbawa, “alisbully,” “bulilyaso,” “pataykangbullyka.” Kung maparaan ang kompanya, maaari nitong dagdagan ang sylvia ng ibang sangkap, tulad ng sugpo flavor, at ibenta ang gamot na ito sa brand name na “sugpobully.”

Ang paracetamol ang non-proprietary name na laman ng iba’t ibang brand ng sangkap na ito na gawa ng iba’t ibang kompanya simula na mag-expire ang patent ng orihinal na kumpanya noong 2007. Ang tip ko sa mambabasa: kung naghahanap kayo ng paracetamol ay sabihin sa pharmacy na nais ninyong bilhin ang pinakamurang generic ng paracetamol.

Idaragdag ko lang na ang mga gamot na expired na ang patent, malamang ay mga gamot na napatunayan nang ligtas at epektibo. At least 20 years na ang mga gamot na ito sa merkado. Twenty years nang minomonitor kung mabisa at ligtas.

Marketing

Sa larangan ng generics, kalakaran ng drug companies na impluwensiyahan ang doktor na ireseta ang mga brand name nila, kahit hindi naman ito ang pinakamura sa merkado.

Pero simula pa lamang ito. Kapag patented pa ang gamot, higit na malakas ang lobby ng mga kompanya sa mga doktor na ireseta ang produkto nila.

Maaari kasing may ilang patented drugs na puwedeng ireseta para sa isang partikular na sakit o kondisyon. Tungkulin ng doktor na alamin alin sa patented drugs na ito ang pinakamabisa at ligtas. Dapat ding alam ng doktor kung alin sa mga pagpipilian ang tama para sa isang pasyente, batay sa partikular na kalagayan ng pasyente.

Pero hindi ito ang madalas na nangyayari. “Maingay” ang marketing ng drug companies. Free sample dito, free conference dito, free ballpens, t-shirts, visors, mugs, at kung ano-ano.

At hindi ito ang mga pinakamasahol na paraan. Minsan, may blowout sa mamahaling restaurant, concerts, junket sa abroad.

Reporma

Suwerte ako. Halos sa simula ng aking career bilang doktor, libre ang serbisyo ko, at ang karamihan ng pasyente ko ay mahirap. Iba ang pinagkukunan ko ng suweldo. Hindi ko hinarap ang problema ng iba na kailangang maghanap-buhay sa pamamagitan ng kanilang clinical practice.

Pero palagi akong conscious sa problema. Iba-ba ang mga doktor – may maayos, may hindi. May hindi pumapayag sa mga junket. May mga doktor na tinatanggap ang free sample ng mga gamot na tama naman na ireseta, at ibinigay ang ito sa mga pasyente nilang mahihirap. Marami sa kanila ay hindi gumagamit ang free ballpens, t-shirts, o mugs dahil alam nilang kapag may nakakitang ginagamit nila ang mga ito ay aakalaing ineendoso nila ito. May mga opisyal ng ospital na nakiki-bargain sa ilang drug company na babaan ang presyo ng gamot na bibilhin ng kanilang ospital habang sinusunod ang listahan ng Department of Health ng mga esensiyal na gamot.

Ngunit mayroon ding hindi na nag-aaral at nakikinig na lang sa sales talk ng my drug rep. May mga nagpapa-sponsor sa drug company sa conference, bitbit pa ang asawa, pero hindi naman dumadalo sa mga lecture, bagkus ay nagtuturista. May mga conference kuno na, sa totoo lang, ay luho lang ng doktor ang inaatupag.

Ang pinakamahirap isipin ay wala naman sa aming inosente. Ako mismo na malayong-malayo sa larangan na ito ay guilty, dahil may mga kumperensiya akong dinadaluhan na sponsored ng drug company. MInsan kasi, maganda naman talaga ang topics at may matututuhan.

Ngunit alam ko na, kung gaano kalaki ang marketing budget ng drug companies, ganun din naman ang patong sa presyo ng mga gamot na ibinebenta nila – mga gamot na madalas ay hindi na tuloy abot-kaya ng pasyente.

Malaking gawain ang ayusin ang sitwasyon na ito. Kailangan ang tamang edukasyon para sa mga doktor at publiko, ang pagmamatiyag ng marunong na pasyente sa doktor, ang pag-monitor ng gobyerno sa drug companies, ospital, at mga indibiduwal na doctor.

Ngunit gaano pa man kalawak at kahirap ng gawain, malaki ang ganansiya nito. Bababa ang presyo ng gamot at maseseguro na ang pinakamahusay na gamot ang irereseta sa bawat pasyente. Higit sa lahat, lalong tataas ang dangal ng isang propesyong minamahal ko. – Rappler.com

Si Sylvia Estrada-Claudio ay isang doktor ng medisina, doktorado ng pilosopiya sa sikolohiya, at propesor emerita sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman.

1 comment

Sort by
  1. ET

    Salamat kay Dr. SE Claudio sa kanyang nakakainspire na artikulong ito. Sana may maisulat din siya tungkol sa “pag-monitor ng gobyerno sa drug companies, ospital, at mga indibiduwal na doctor.” Puwede idagdag rin ang tungkol sa “Pharmally scandal.”

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!