Gawad Julian Cruz Balmaseda tumatanggap na ng mga lahok

Ito ay isang press release mula sa Komisyon sa Wikang Filipino.

MANILA, Pilipinas – Tumatanggap na ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ng mga lahok sa Gawad Julian Cruz Balmaseda 2016. Ang nasabing gawad ay para sa mga natatangi at makabuluhang ambag ng mga estudyante, iskolar, manunulat, at guro sa pagpapaunlad ng wikang Filipino.

Ang dedlayn sa pagsusumite ng mga lahok ay sa Nobyembre 27, 2015.

Noong 2015, nagwagi si Marlon S. Delupio, gradwadong estudyante ng UP Diliman para sa kaniyang disertasyon na pinamagatang, Sakdal: Kasaysayang Pangkalinangan ng Isang Kilusang Panlipunan, 1930-1938. Si Delupio ay tumanggap ng tropeo at P100,000.00.

Ang gawad ay naglalayong maghikayat at magpalaganap sa pamamagitan ng insentibo, mga grant, at publikasyon – sa Filipino at iba pang mga wika ng Filipinas – ng mga akdang orihinal, kabilang ang mga teksbuk at sangguniang materyales sa iba’t ibang disiplina.

Ang gawad ay ibinibigay bilang parangal sa pinakamahusay na tesis at disertasyon na isinulat gamit ang wikang Filipino para sa agham pangkalikasan, agham panlipunan, ng matematika, at iba pang kaugnay na larangan.

Ang gawad ay ipinangalan sa isa sa mga nangungunang makata, mandudula, kritiko, at iskolar sa wika na si Julian Cruz Balmaseda. Pagkilala rin ito sa kaniyang dakilang ambag sa saliksik sa diskurso ng wika at kulturang Filipino.

Ang magwawagi sa timpalak ay magkakamit ng P100,000, plake ng pagkilala, at opsiyon na mailathala ang tesis o disertasyon batay sa proyektong Aklat ng Bayan ng KWF.

Ang paggagawad ay idaraos naman sa Enero 28, 2015, na ika-121 pagdiriwang sa kaarawan ni Julian Cruz Balmaseda.

Para sa dagdag na detalye, tumawag sa telepono bilang (02) 733-7260 o sa (02) 736-2525 at hanapin si Evie Duclay o si Andoy Glory, o magpadala ng mensahe sa komisyonsawikangfilipino@gmail.com. – Rappler.com