FULL TEXT: Noynoy Aquino's message on Ninoy's 35th death anniversary

MANILA, Philippines – Former president Benigno Aquino III on Tuesday, August 21, led the commemoration of the 35th death anniversary of his father, the late senator Benigno "Ninoy" Aquino Jr. 

The Aquino family, their friends, and supporters attended a mass at Ninoy's grave at Manila Memorial Park in the morning and at the Sto. Domingo Church in Quezon City in the afternoon.

Supporters also tied yellow ribbons  around Metro Manila – a move reminiscent of 1983, when Ninoy's friends and supporters tied yellow ribbons along his supposed path from the airport to his Times Street home in Quezon City to welcome him.  But he never saw them as was assassinated upon disembarking from his plane at what was then the Manila International Airport on August 21, 1983. (READ: LOOK BACK: The Aquino assassination)

Here is the speech of former president Aquino as delivered in Sto Domingo Church:

Vice President Leni Robredo, Senators Kiko Pangilinan and Sonny Trillanes, Msgr. Gerry Santos and to all the reverend fathers who officiated the mass, to the other religious together with us today, sa mga bumubuo sa Purple Cross Movement, at sa dating mga kasamahan ko sa Gabinete na hindi ko na babanggitin. Alam niyo ho kasi ang tradisyon ay pinaka-senior ang unang binabanggit, baka may magalit po pag sinabi ang mga edad nila kaya di ko na babanggitin ang mga pangalan nila. Sa lahat ng nakiisa sa misa, lalong-lalo na po sa mga galing sa Caloocan at Quezon City sa pangunguna nina Egay Erice at saka ni Bolet Banal. At siyempre sa inyong lahat po, ang aking mga Boss, magandang hapon sa inyong lahat.

Sa Bro. Armin po, dating Kalihim ng Edukasyon, ang nagpadala ng imbitasyon. Alam naman po niyo, siya ang head ng De La Salle Systems at sanay na nag-uutos. Sabi po sa akin: “We wish to request a short message from you.” Siyempre po ako’y masunurin at pipilitin nating talagang maiksi ang sasabihin natin ngayon hapon. Pero habang pilit kong paigsiin, napag-isip ako, si Bro. Armin, na dating kasama sa Gabinete, sinasabi: Nung araw boss kita, napakahaba mong magsalita. Sana hindi ho ganun, Bro. Armin.

Kinana binaybay ko ang EDSA dahil papunta tayo sa Manila Memorial kung saan nagkaroon po ng misa para sa aking ama, at nakita ko po ang napakaraming yellow ribbon na talaga naman pong ikinabit at sinadyang iayos ang pagkakabit. Sa mga nagkabit po ng mga iyon, maraming, maraming salamat po sa inyo. At sana naman po, hindi kayo kasuhan ng littering bukas.

Ika-tatlumpu’t limang anibersaryo na po ito ng pagkamatay ng aking ama. Ang Batas Militar at mga kaganapang may kinalaman sa panahong iyon, ay tila dumidilim na sa alaala, lalo na para sa kabataan ngayon. Hamon po sa aking ibahagi ang mensahe na mauunawaan ng mga millennial at ng mga mas bata pa sa kanila.

Palagay ko magandang lagay ko sa isang istorya naman. Kunyari po nagkaroon ng pagkakataong makabalik ang aking ama dito sa mundo, at nagkaroon ng pagkakataon na makausap si Senator Leila De Lima, baka ganito po ang takbo ng kanilang usapan. “Leila, alam mo naman naging Senador ako.” Sasagot si Leila, “Ako rin po.” “Leila, nakulong ako pitong taon at pitong buwan.” Si Leila, “Ako dalawang taon naman pong nakakulong.” “Leila, alam mo bang ang nag-akusa sa akin ay Pangulong nakaupo.” Sasabihin ni Leila, “ako rin po.” “Leila, ako na-assassinate sa Manila International Airport.” Malamang sasagot si Leila nang: “Ay sana naman, di ako maganyan.” (READ: What if Ninoy Aquino met Leila de Lima? Noynoy jokes about their chat)

Nasabi ko na po noon, sa pagkamatay ng aming ama, tinanong ko: Paano ba ipagpapatuloy ang laban kung wala na ang pinuno? Taumbayan ang nagbigay ng sagot sa atin. Doon po sa aming tahanan sa Times, nakita ko ang napakahabang mga pila ng mga taong gustong makiramay. Inakala naman ng lola ko po na kung siya ay pupunta sa kabaong ng aking ama sa madaling araw, ay magkakaroon siya ng pagkakataong masolo ang aking ama. Ang gulat po niya nung makita niyang marami pa rin ang nakikiramay, nakapila; at hindi na po niya napigilan ang sarili at nagtanong. Bakit ngayong oras lang kayo nagawi? Ang sagot po sa kanya: Kakatapos lang po ng aming trabaho, ngayon lang po ang oras na makakapunta kami dito. Dito nga po sa Sto. Domingo, nung ako po ay lumalaki, tulad ng karaniwang Katolikong pamilya, kami po ay nagsisimba; at dito po sa Sto. Domingo ang una naming parokya. Dito rin po kung saan pagkalipat mula sa aming bahay ay binurol ang aking ama; dito rin po sa Sto. Domingo, palagay ko nakita natin ang umpisa ng huling kabanata sa pagbabalik ng atin pong minamahal na demokrasya.

Para doon po sa permiso na magamit ang Sto. Domingo at para sa kasalukuyang permiso na dito po tayo makapagmisa sa paggunita sa pagkamatay ng aking ama: maraming, maraming salamat po sa Rector ng Sto. Domingo, at sa ating mga kapatid na Dominikano.

Kayo na po ang tetestigo sa dami ng sumama sa paglibing na inabot ng higit 11 oras. Yung media noon, gumawa ng kanya-kanyang paraan para hindi mabanggit ang paglibing sa aking ama. Tanda ko pa nga po, may pahayagang binigyang pansin ang punong nakidlatan, nilagay sa front page kung saan may nasugatan daw pong nanonood sa prosisyon. Sa TV, radyo, at maski sa dyaryo, parang walang nangyari; kumbaga, gustong ilihim ang totoo.

Nung naisip ko po ito, naalala ko po ang Jesus Christ Superstar, at doon po may diyalogo si Hesu Kristo at Pontio Pilato. Nung inawit ng gumanap na Hesus ang linyang: “I look for truth and find that I get damned,” ang sagot ni Pilato: “Well what is truth? Is truth unchanging law? We both have truths. Are mine the same as yours?”

Ako po ay napapag-isip lang, tila sa kasalukuyang araw pati ang katotohanan ay isang napakahirap nang makamtan, sa Ingles, na tinatawag na “Commodity.” Bakit ko po pinasukan ito? Madalas po, sa ulat sa dyaryo, o napapanood sa TV, nakikita nating may nahuli at napatay sa gyera kontra droga. Madalas din nating mababasa o maririnig ang katagang “Nanlaban.” Ako lang po ay nag-isip lang: Pag ang isang tao po ay inaresto, kadalasan po, di lang po sa Pilipinas kundi pati sa ibang lugar, pinoposasan po ang tao na ang kamay niya ay nasa likod po, di ho ba? Di ho pinoposasan dyan sa harap. Bakit ginagawa ito? Dahil iyon po, pag pinosasan ka, kailangang kontrolado; pag ang kamay mo nasa likod, siyempre, mahirap pong kumilos. Tama po ba?

Kaya ako po’y nagtataka, lalo na pag sinabing: Heto ay nanlaban; nakipag-agawan ng armas, at tapos naobliga ang nagbabantay na siya ay barilin, kaya namatay. Pag-isipan lang po natin. Kung sinusunod yung tinatawag na S.O.P., pinosasan ang kamay sa likod, yung tao na inupo diyan sa sasakyan, nakasandal sa kanyang mga kamay, napakahirap pong ilapit ang kanyang dalawang kamay sa baril ng kanyang katabi. Tama ho ba?

Pag naagaw ho niya, lalong mas mahirap na ipihit ang kanyang katawan, para maitutok doon sa mga nagbabantay sa kanya. Sa madaling salita po, pag may nangyaring isang sitwasyon tulad nito, natural ho, obligasyon ng mga nagtuturo sa ating mga umaaresto, sampu ng kanilang mga hepe, na ipaalala ang Standard Operating Procedure. Gawin ito. Bawas ang panganib sa nagbabantay, buhay ang suspek na arestado. Kayo na po ang magsabi sa akin kung bakit wala tayong nakikitang nasesermonan, napapagalitan, napapa-retraining dito sa mga sitwasyon na tila madalas na “nanlaban,” at “nakipag-agawan.”

Diin ko na rin: May isang butihing Senador na itinutulak ang imbestigasyon para sa mga baril na natatagpuan sa mga crime scene, dahil pare-pareho daw po ang serial number ng mga baril na nakukuha. Gusto nating malaman paano kayang nangyari na ang bawat baril, may sariling serial number, nagkapare-pareho ang nakukuha bilang ebidensya.

Iba pa pong halimbawa sa katotohanan: Totoo po na nung taong 2014, nung bumaba ang supply at tumaas ang presyo ng bigas, kaliwa’t kanan po ang banat na inabot namin. Ngayon po, hindi lang po bumaba ang supply ng bigas, sinabi nga po ng NFA na naubos na. Ano po ba ang naririnig natin?

Palagay ko po, nasa simbahan tayo, hindi ko naman po ugaling makipag-away nang walang saysay, hanggang dito na lang muna ang sasabihin ko tungkol sa mga isyung ito. Maingat akong magkomento dahil trato sa atin ay kalaban. Pag nagmungkahi ako, baka panindigan na lang ng nakaupo ang nabitiwang salita, at mas mapasama pa ang taumbayan. Ako po’y dati nang nangaral na at nagbabala bago ang halalan. Ayoko naman pong magtunog na parang sirang plaka. Klaro sa akin na yung mga aral, depende din iyang matatanggap sa taong pinapa-alalahanan. May tamang panahon kung kailan handa siyang makinig.

Magandang halimbawa nito ang nangyari po sa isa kong pamangkin na simula pa lang sa pagkabata po ay talagang mahilig na pong kumain. Ugali po niya na pagkatapos maghapunan doon sa kusina, kakandong po siya sa kanyang ina, at lahat ng madampot ng kanyang mga kamay, isinusubo sa bibig. Nakita po ng aking ina at sinabi sa aking kapatid: “Yang anak mo, kinuha ang kalamansi; baka isubo.” Sagot po nung aking kapatid: “Mom, pabayaan mo siya, para matuto na hindi dapat sinusubo lahat ng naaabot.” Sinubo po nung bata, siguro mga dalawa o tatlong taong gulang palang siya noon, ang kalamansi ay kinagat, at natural po, nang-asim ang kanyang mukha. At simula po noon ay hindi na po matakaw na damputin lahat ng madadampot at maisusubo.

Ibig ko lang po iparating na: May panahon nga ho, kung kailan ang mga sinasabi mo ay maiintindihan na. Ngayon po, sabi ko nga ho, di ako magsasalita nang isang taon habang nanunungkulan yung pumalit po sa atin. Umabot na po tayo ng dalawang taon. Malamang matatanong ninyo, bakit hindi ka nga nagsasalita? May pagbabago ba? Wala pong pagbabago sa akin, pero iba na po siguro kung maranasan natin yung kanilang pamamahala. Ayoko na rin na sabihin nila na hindi maabot ang kanilang gustong maabot, ay dahil nakikialam tayo. Pinabayaan natin sila. May pruweba na tayo kung anong direksyon nila. Kayo na po ang magsasabi kung aling direksyon ang tama.

Aminin ko po sa inyo: Minsan nangarap ako na pagbaba ko sa puwesto, totohanang retirado na ako sa politika at at matututukan ko naman ang para sa aking sarili. 12 taong gulang pa lang ako nang mapataw ang Batas Militar. Dalawang taon na lang senior citizen na ako; halos buong buhay ko po, nasa publiko. Nakiusap ako sa taumbayan nung halalan: Iboto natin ang kandidatong siguradong magtutuloy sa ating sinimulan. Ang kampanya natin noon: Continuity. Inuumpisahan na nating mapitas ang mga bunga noon. Ang hangad natin, mas makapagtanim pa sana sa ngayon para sa susunod na salinlahi, nang sa gayon ay di hamak na mas marami at mas malalaki ang aanihin at mapipitas natin pagdating ng panahon. Pero alam naman po ninyo, hindi pinalad ang ating kandidato noong Mayo 2016.

Sa pagbaba ko sa puwesto, dumating ang mga inaasahan nating mga reklamo na walang katuturan. May isang reklamo pong hinain laban sa atin; ang sabi, wala daw kaming ginawa kaugnay ng pagkolekta ng buwis ng isang malaking kumpanya ng langis. Pero kalakip po ng reklamo ang dokumento ukol sa kasong nasa Court of Tax Appeals at sa Korte Suprema na patunay na may aksyon ang gobyerno. Iyon po ay kasama nung reklamong hinain. Sa madaling salita, ang nagreklamo sa akin ang mismong nagbigay pruweba na mali ang reklamo niya. September 2016 isinampa ang reklamo; natanggap natin ito, October 2017. Hinarap natin ang reklamo at sumagot sa mga paratang. Naglabas ng desisyon ang Ombudsman pabor po sa atin. Nagfile naman ng Motion for Reconsideration ang naghain ng reklamo. Dulo nito, tuluyang ibinasura ng Ombudsman ang reklamo nitong Marso 2018. Ang tinakbo ng kaso po, isang taon at kalahati; nariyan pa ang gastos sa mga abugado. Ngayon lang po ako nareklamuhan nang pormal sa akin pong buhay. Ang sabi sa akin ay mabilis-bilis na raw po ito.

Malamang may nagtatanong sa inyo. Ako ay tutol sa nangyayari, ano kaya ang magagawa ko? Sa susunod na taon po, may halalan; sa Ingles po, ang tawag sa halalan sa susunod na taon ay midterm elections. Nung ako po ay Pangulo, mataas ang kumpiyansa ko na magsalita para sa Pilipino. Ako po ay kumbinsido na nasa likuran ko ang taumbayan. Kaya naman tama ang aking tinatahak.

Sa midterm elections makikita kung suportado pa tayo ng taumbayan. Pag nagbasa ka ng media reports noon, ang dating na parang lamang na lamang ay ang oposisyon. May binansagang tatlong hari pa na mag-a-anoint ng mga tiyak na mananalo daw sa halalan. Alam natin ang resulta: 9 sa 12 na puwesto ang nakuha ng ating mga kasangga. 2 lang sa anointed ng 3 kings ang nanalo; pinaka-mataas na ang number 5, yung isa ay number 11. At yung isa naman po na hindi na-anoint ay number 12. Tayo po ay natuwa sa resulta; anlaki ng pasalamat ko sa aking mga Boss. Tumibay pa ang aking kumpiyansa na tayo po ay talagang nagsasalita para sa kanila.

Sa susunod na taon, 2019, midterm elections na naman. Dapat klaro ang mensaheng ipaparating natin, hindi lang sa halalan para sa pagka-Senador at iba pang mga posisyon, kundi para sa lahat ng mga puwesto.

Kung sang-ayon ka sa takbo ng bansa ngayon, iboto mo ang kakampi ng administrasyon. Pero kung di ka sang-ayon, wag mo lang iboto ang ating mga kandidato; ikampanya niyo pa sila; palakasin ninyo ang magdadala ng tinatawag na “checks and balances” sa gobyerno. Ano po ang silbi nito? Palagay ko po, makikinig, nakinig at kasalukuyang nakikinig ang administrasyon sa gusto ng taumbayan. Tingnan na lang po ninyo ang sa kaso ni Kian, kung saan hindi po nadaan sa limot; may mga ilang pulis pong pinapasagot sa kasalukuyan. (READ: Aquino: If you disagree with Duterte, vote for opposition in 2019)

Tandaanan po ninyo, tawag ko sa inyo: Boss. Dahil kayo ang Boss, kayo ang dapat masunod. Klaro po, nasa inyong mga kamay ang ating kapalaran. Nasa inyo kung gagamitin ninyo ang kapangyarihan na iyan.

Sa pagtatapos, baka may magtanong na naman sa akin sa araw na ito, kung buhay ang tatay ko, sasabihin pa ba niyang “The Filipino is worth dying for.” Naniniwala po akong ang magiging sagot niya ay: May duda ka pa ba?

Pinakita na ito nung EDSA, kung saan hinarap ng sambayanan ang armadong puwersa ng diktadurya. Ang tanging sandata ng taumbayan: paniniwala sa Diyos at tiwala sa mabuting hangarin ng kapwa. Nagtagumpay tayo noon. Wala ngang nakapag-isip na sa ganoong paraan magwawakas ang Batas Militar. Ginawa ito ng Pilipino nang mapayapa, at hinangaan tayo ng buong mundo.

Minsan na ngang nagpakita ng lakas ang taumbayan. Paniwala ko po, sa gabay ng Poong Maykapal, at sa tiwala at malasakit sa kapwa, sa tamang oras, muling maninindigan para sa tama at katotohanan ang sambayanang Pilipino.

Magandang hapon po. Maraming salamat po sa inyong lahat.

– Rappler.com