Estudyanteng taga-Mimaropa, wagi sa paligsahang 'Iispel Mo!'

MANILA, Philippines – Nagwagi ang kinatawan ng Mimaropa sa ikalawang taunang Pambansang Paligsahan sa Ispeling na pinamagatang "Iispel Mo!" na ginanap sa Unversity of the Philippines (UP) Diliman nitong Huwebes, Nobyembre 30. 

Nanguna sa 14 na kalahok si Hermarie Beatriz Albuera ng Adriatico Memorial School sa Calapan, Oriental Mindoro, matapos niyang makakuha ng 91 puntos.

Hindi naging madali ang paligsahan, ayon kay Hermarie. "Minsan po ay [may mga salitang] kailangan ng mga gitling. Nakakalito po."

Pinakanahirapan daw siya sa mga salitang hango sa iba't ibang wika sa bansa na hindi Tagalog, tulad ng "sutukil" (pagkain sa Cebu) at "khutbah" (sermon sa relihiyong Islam).

"Matiyaga po si Beatriz," sabi ng kanyang tagapagsanay na si Anselma Pulhin. "Nandoon 'yung confidence sa sarili niya, tatag ng kalooban, at kanyang matiyagang pag-aaral."

Para sa susunod na taon, dagdag ni Pulhin, "Pipilitin po nating maging mas magaling pa rin ang ating magiging kalahok...dahil nais po nating mapanatili ang gold medal sa aming rehiyon, Mimaropa."

Nag-uwi ng P35,000 na gantimpala at sertipiko si Albuera, pati ng tropeo para sa kanyang rehiyon. Ang tagapagsanay na si Pulhin naman ay tumanggap ng P7,000 at sertipiko.

Sa "Iispel Mo!" nagtatagisan ang mga mag-aaral sa Grade 6 mula sa mga rehiyon sa bansa. Ito ay isinasagawa ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at Kapisanan ng mga Superbisor at Guro sa Filipino (Kasugufil). 

IISPEL MO! Eksena sa kategoryang madali ng Pambansang Paligsahan sa Ispeling. Litrato ni Michael Bueza/Rappler

IISPEL MO! Eksena sa kategoryang madali ng Pambansang Paligsahan sa Ispeling.

Litrato ni Michael Bueza/Rappler

Layunin ng naturang spelling bee na linangin ang kahusayan ng kabataang Filipino sa pagsulat, sabi ni Purificacion Delima, full-time commissioner ng KWF. 

"Mahuhusay ang mga bata at kalahok natin," sabi ni Dr Benjamin Mendillo, puno ng Sangay ng Salin ng KWF. "Iyong mga mag-aaral natin ngayon ay talagang nag-aaral nang mahusay sa wikang Filipino."

Sabi naman ng National Artist na si Virgilio Almario, tagapangulo ng KWF: "Natutuwa ako, impressed ako sa kanilang antas ng kakayahan sa paggamit ng Filipino sa ispeling. Sana ay magpatuloy pa sila sa kanilang pagiging conscious sa paggamit ng standardized Filipino."

Pumangalawa sa spelling bee si Jackie Fernandez ng Alfredo Marañon Sr Elementary School sa Sagay City, Negros Occidental, bilang kinatawan ng Western Visayas. Nakakuha siya ng 87 puntos. Nakatanggap siya ng P25,000, sertipiko, at plake para sa kanyang rehiyon.

Naglaban sa pambasag-puntos o clincher round para sa ikatlo at ikaapat na puwesto sina Keisha Zelene Carpo ng Ilocos Region at Kyle Christian Cloma ng National Capital Region (NCR), matapos nilang makalikom pareho ng 84 puntos. 

Sa pampitong salita nabasag ni Carpo – mula sa Samson-Bengzon Elementary School sa Lingayen, Pangasinan – ang tabla para makuha ang ikatlong gantimpala. Napanalunan niya ang P15,000, sertipiko, at plake. 

Kabuoang puntos matapos ang 3 kategorya sa #IispelMo. Magkakaroon ng pambasag-puntos (clincher) para sa ikatlo at ikaapat na puwesto. pic.twitter.com/u53avV4eQx — Michael Bueza (@mikebueza) November 30, 2017

Si Cloma naman ng Highway Hills Integrated School sa Mandaluyong City ay nag-uuwi ng P10,000, sertipiko, at plake.

Nasa ikalimang puwesto si John Mark Franco, kinatawan ng Bicol mula sa Naga City. Nakakuha siya ng 83 puntos at nakatanggap ng P5,000, sertipiko, at plake.

Nakabatay sa KWF Ortograpiyang Pambansa at UP Diksiyonaryong Filipino ang mga salitang ginamit sa paligsahan.

May 10 salita sa bawat 3 kategorya. Dalawang puntos ang katumbas ng bawat tamang sagot sa kategoryang madali, 3 puntos sa kategoryang katamtaman, at 5 puntos sa kategoryang mahirap. Magkakaroon ng clincher round kapag may nagtabla sa pangkalahatang puntos.

Araw ni Bonifacio

Taun-taong ginaganap ang "Iispel Mo!" sa pagdiriwang ng kaarawan ni Andres Bonifacio.

"Mahalaga kasi na binibigyan natin ng diin sa araw na ito hindi lamang ang ispeling kundi mismo iyong pakikibaka ng ating bayani, si Gat Andres Bonifacio, [laban] sa kabuktutan. Kailangan natin ng pagtutuwid nito gamit ang edukasyon," sabi ni Mendillo.

"Magwawagi tayo sa giyera ng kahirapan kung tayo ay magkakaisa gamit ang wikang pambansa, sapagkat ang Filipino ay wika ng karunungan, wika ng kaunlaran," dagdag niya. – Rappler.com

Michael Bueza

Michael Bueza is a researcher and data curator under Rappler's Research Team. He works on data about elections, governance, and the budget. He also follows the Philippine pro wrestling scene and the WWE. Michael is also part of the Laffler Talk podcast trio.

image