Mga dapat gawin kung ikaw ay inosente pero nasa drug list

Basahin ang Ingles na salin ng istoryang ito: On a drug list and innocent? Here's what you should do

 

MAYNILA, Pilipinas – Bunga ng agresibong kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa ilegal na droga, libu-libong tao na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot ang sumuko na at naghahanap ng pagkakataong magbagong-buhay.

Ayon sa pinakahuling datos ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas (PNP) noong Agosto 31, 627,358 tao na ang sumuko sa ilalim ng Project TokHang.

Sa proyektong ito, nagbabahay-bahay ang mga pulis sa mga gumagamit at nagtutulak ng ilegal na droga at hinihimok silang sumuko sa mga awtoridad. Binibigyan din sila ng pagkakataong magbagong-buhay.

Ilan sa mga binisita sa kanilang mga bahay ay napabilang sa mga watch list, o listahan ng mga taong minamanmanan ng mga awtoridad. Ngunit pinagtatalunan pa rin ang proseso sa pagkalap ng impormasyon sa mga umano'y gumagamit at nagtutulak ng ilegal na droga – binabatikos ng iba ang paggamit ng tip o impormasyong galing sa mga di kilalang tao at hindi pa napatutunayang totoo.

Kung inosente ka at napabilang sa drug list, ano ang dapat mong gawin? Kumuha ng tulong ng isang abugado, alamin ang iyong mga karapatang legal, tandaang hindi ka maaaring piliting pumunta sa istasyon ng pulis nang walang arrest warrant, at panagutin ang mga pulis.

Tulong legal

Ayon kay Arpee Santiago, isang abugado mula sa Ateneo Human Rights Center, mas maiging humingi ng tulong mula sa isang abugado kung nahaharap ka sa ganoong sitwasyon.

"Ang aking payo ay kumuha ng abugado," sabi niya sa Rappler. "Kumuha agad ng isang abugado, kasi mukhang walang magagawa ang isang taong nasa listahan, inosente man o hindi, kundi kusang sumuko."

Makatitiyak kang hindi malalabag ang iyong karapatang-pantao kung mayroon kang tulong-legal. Kahit walang kaso, maaaring bigyan ng mga abugado ng payo ang isang indibidwal ukol sa mga dapat at hindi dapat gawin, depende sa sitwasyon. 

Ang pagkakaroon ng isang abugado, lalo na para sa mga naaresto o iniimbestiga, ay nakapaloob sa Republic Act 7438.

Diin ni Santiago, makatutulong itong mailigtas ka sa mga kasalukuyang nangyayari laban sa ilegal na droga.

"Napakaraming namamatay na hindi natin alam kung sino ang may gawa," sabi niya. "Lahat ng mga ito ay may kinalaman sa droga."

Ayon sa pinakahuling datos ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas noong Agosto 31, di bababa sa 1,507 na ang napapatay ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa labas ng mga lehitimong operasyon ng mga pulis. Kung isasama ang 929 na napatay sa mga lehitimong operasyon kontra-droga, idagdag pa ang 10 pulis na napatay rin, aabot na sa di bababa sa 2,446 ang napatay sa kampanya laban sa ilegal na droga, ayon sa PNP. (BASAHIN: 'Nanlaban sila': Duterte's war on drugs)

Sa istasyon ng pulis

Ang paghingi ng serbisyo ng isang abugado ang ginawa ng isang 26-anyos na call center agent nang malaman niyang napabilang siya sa drug watchlist ng isang presinto sa Maynila. Ang malala pa ay kinilala siyang nagtutulak umano ng bawal na gamot.

Ayon kay Santiago, takot si Miguel* na maging target ng mga napapatay dahil sa droga kung hindi siya matanggal sa listahan. Ngunit di malinaw ang proseso upang mapatanggal sa listahan ang pangalan.

Nang tumanggi siyang pirmahan ang "surrender form" sa istasyon, pumayag ang pulis at sinabi na lamang kay Miguel na sagutan ang "personal data sheet" na humihingi ng iba't ibang detalye, tulad ng kanyang pangalan at pangalan ng kanyang mga magulang. Hindi ito pinirmahan ni Miguel, ngunit bumalik siya sa istasyon kasama si Santiago.

Ayon kay Santiago, matagal silang nag-away ng pulis tungkol sa impormasyong naging basehan ng pagkakasama ng pangalan ni Miguel sa listahan.

Nalaman nilang "negatibo" pala si Miguel. Ibig sabihin, mali ang paunang impormasyong kanilang nakalap.

Sapagkat tatagal umano ng 3 buwan bago mawala ang pangalan ni Miguel sa watch list (sinabihan silang nasa mga matataas na opisyal na ang listahan), sinabi ni Santiago sa pulis na sila ang mananagot kung may mangyari man kay Miguel.

"Nakuha ko ang personal na katiyakan mula sa pulis at intel officer na negatibo si Miguel, at susundan nila ang proseso upang matanggal siya sa listahan," sabi ni Santiago.

"Sinabi ko rin sa kanila na sila ang mananagot kung may mangyari kay Miguel. At muli, tiniyak nila sa amin na magiging ligtas siya."

Alamin ang iyong karapatan

Ngunit ang prosesong dinaanan ni Miguel upang maging ligtas ay maaaring hindi naranasan ng ilang napabilang sa listahan. Dahil sa agresibong kampanya kontra-droga ng kasalukuyang administrasyon, halos lahat ay walang magagawa kundi sumunod.

Ipinaliwanag ni Santiago na may posibilidad na susuko na lamang ang isang indibidwal, inosente man o hindi, upang mapanatag lang ang kanyang pag-iisip.

"Takot ang lahat na manganib ang kanilang buhay. Dahil sa takot na ito, maaaring pumayag na pumirma na lamang ang isang tao sa surrender form para mapanatag ang kanyang loob," sabi niya.

"Hindi ko sinasabing palagi itong nangyayari. Ngunit malaki ang posibilidad na ito ang nangyayari. Sangkot man sila o hindi, takot sila."

Ngunit hindi ito ang dapat na nangyayari sapagkat may mga batas at prosesong dapat sundin.

Matatagpuan ang ilan sa mga prosesong sa Know Your Rights: A Citizen Primer on Law Enforcement, na inilathala noong 2008 ng PNP at ng Hanns Sidel Foundation.

Halimbawa, kung ikaw ay inimbita sa istasyon ng pulis para sa ilang katanungan, mahalagang naroon ang isang abugado na maaari mong pagtanungan. Hindi ka maaaring piliting pumunta sa istasyon ng pulis nang walang arrest warrant, liban na lamang kung ikaw ay nahuli sa akto ng paggawa ng krimen.

Kinakailangan ding ipaalam ng pulis sa mga suspek na kanilang inaaresto na sila ay may karapatang:

Ayon kay Santiago, batid niyang may mga grupo – tulad ng ilan mula sa Ateneo Law School – na kumikilos upang mabigyan ng tulong legal ang mga indibidwal kahit wala pang kasong naisasampa laban sa kanila.

"Kami sa Ateneo Law School, naghahanda kaming magbigay ng legal na tulong," sabi niya.

"Mayroon na kaming mga katanungang nakukuha. Sa hinaharap, may ilan sa aming pupunta at magtatanong kung ano ang nangyari." – Halaw ni Katerina Francisco/Rappler.com 

*Pinalitan ang pangalan para sa kanilang proteksyon