EXPLAINER: Handa na bang magbukas ng klase sa Agosto 24 ang Pilipinas?

Sa kabila ng pandemya – habang mas bumibilis ang pagdami ng taong tinatamaan ng coronavirus disease, at unti-unti pa lamang nagbubukas ang ekonomiya – iginiit ng Department of Education (DepEd) na handa ang Pilipinas na magbukas ng klase sa Agosto 24.

Distance learning ang magiging sistema. Sa halip na pisikal na klase kaharap ang mga guro sa mga paaralan, tuturuan ang mga estudyante sa pamamagitan ng printed modulesonline learning, at mga leksiyon sa TV o radyo.

Maraming tutol sa desisyon ng DepEd na ituloy ang school opening. Ayon sa mga magulang at estudyante, naaapektuhan ng lockdown ang kanilang kabuhayan at hindi nila kakayanin ang gastusin. Marami ring pamilyang walang access sa kompyuter o internet. May mga batang ang magulang ay hindi sapat ang kaalaman para tumayong guro sa tahanan.

Ayon sa December 2019 data ng DepEd, 67% lamang ng mga Pilipino ang may access sa internet.

Paano ang natitirang 33%? Ayon sa DepEd, bibigyan ng printed modules ang mga walang access sa internet.

Batay sa datos nitong Hulyo 7, humigit sa 18 milyong estudyante mula sa pampubliko at pribadong paaralan na ang nakapagpatala. Mahigit sa kalahati lamang ito ng 27 milyong estudyante noong nakaraang taon.

Handa na nga ba ang Pilipinas na magbukas ng klase sa darating na Agosto 24? Panoorin ang video. – Rappler.com

Animation by David Castuciano

Bonz Magsambol

Bonz Magsambol is a multimedia reporter for Rappler, covering health, education, and social welfare. He first joined Rappler as a social media producer in 2016.

image