Editorial Cartoon: Pasakit na blackout

 

Kasama ba kayo sa mga pinahirapan ng 4 na araw na blackout dahil kay Typhoon Glenda (Rammasun)? Minalas ba kayong nasa probinsiya ng Quezon o nasa Bicol region, kung saan Hulyo 19 na naibalik ang kalahati ng panustos na kuryente? O hindi nga binagyo ang lugar ninyo pero may tiyak pa ring oras ng blackout araw-araw? Isa ba kayo sa maraming nag-tweet o nag-Facebook message sa Meralco pero nabuwisit lang sa sagot nila – iyan ay kung sumagot man sila?

Lalala pa ang sitwasyon.

Pumangalawa man ang Filipinas sa mga bansa sa Asya sa bilis ng pag-angat ng ekonomya noong 2013, tila naman hindi nito alam ang gagawin sa sektor ng enerhiya. Bago pa pumalo si Typhoon Glenda, ipinahayag na ng pamahalaan na nasa yellow alert ang buong Luzon. Ibig sabihin, nangungunti na ang panustos na kuryente, at katunayan ay mas mababa na ito kaysa kampante nating mapupunan. Sa Mindanao nga, noong isang taon pa papatay-patay ang kuryente, at dumalas pa nitong nakaraang tag-araw. May pagkakataon noong Pebrero na nagkaroon ng malawakang blackout sa halos buong Mindanao dahil may napatid na linya. Noong Marso, may sunod-sunod na mga araw na 6 na oras ang blackout na dinanas ng mga taga-Mindanao.

Magiging pahirapan ang power supply hanggang 2016, sa pagbaba sa puwesto ni Pangulong Benigno Aquino III. Mismong si Energy Secretary Jericho Petilla ang nagsabi nito, kaya nga lang ay iginiit niyang hindi magkakaroon ng power failure – hindi kukulangin, hindi babagsak. Maitanong nga natin: Ano ang pinagkaiba ng “kawalan ng panustos ng kuryente” (lack of power supply) at ng “kakulangan sa kuryente” (power failure)? Sabihin ninyo iyan sa mga tahanan, komunidad, opisina, pabrika, bangko, at iba pang sektor na nagpapatakbo ng ekonomya – para sa kanila, walang pagkakaiba ang dalawang iyan.

Oo’t malalim ang pinag-ugatan ng sitwasyong ito: luma na ang mga planta natin ng kuryente; madalas na silang kinakailangang isara para isaayos. Kaya paghagupit ng bagyo, una talagang tatamaan ang mga ito. Pero ano ang ginagawa ng pamahalaan at ng pribadong sektor para ihanda ang sektor ng enerhiya para sa panahon ng kalamidad? Tatanggapin na lang ba natin na ang pagkawala ng kuryente tuwing may bagyo ay kasing “normal” ng may namamatay dahil nadaganan ng puno o dahil nalunod? Sino ang naninigurong ang sektor ng enerhiya, katulad ng mga tagaresponde ng pamahalaan, ay handa rin sa anomang sitwasyon ng kapahamakan at kalamindad?

Ang masaklap, itong problema natin sa kuryente ay parang kotseng putok ang gulong pero hindi puwedeng itigil sa pagtakbo habang kinukumpuni. Sa isang banda, kailangang asikasuhin ang mga nag-ugat nang problemang dulot ng pagpapabaya, burukrasya, at kawalan ng kakayahan at pananaw ng pamahalaan. Sa kabilang banda, kailangan ding agad na tugunan ang mga problema sa oras ng kagipitan – tulad ng plantang biglang nasisira sa lakas ng Storm Signal No. 3. 

Hindi magkakaroon ng tiyak na panustos ng kuryente kung hindi ito tatrabahuhin ng mga kinauukulan. Hindi bababa sa 5 taon ang kailangan para makapagtayo ng isang planta ng kuryente. Ang nakadidismaya pa – ayon kay Petilla, 165 na hakbang ang daraanan ng negosyanteng gustong magtayo ng planta bago maaprobahan ang kanyang proyekto. Ayaw tuloy gumalaw ng mga mamumuhunan. Pinanonood muna nila kung may mangyayari ba sa sinasabing mga reporma sa sektor; hindi sila maglalabas ng pera kung hindi sila siguradong may sapat na pangangailangan ang mga mamimili. 

Sabi ni Petilla, tinitingnan ng kanyang kagawaran na maglabas ng bagong patakaran: hihilingin sa distribution utilities – mga tagapamahagi ng power supply mula sa planta – na ihayag kung gaano ang kakailanganin nila sa susunod na 5 taon. Sa gayon, magkakaroon ng idea ang mga mamumuhunan kung gaano kalaki ang tutustusan nila, bago pa man sila tumawad. Ganito naman dapat ang kalakaran, kaya nakapagtatakang ngayon lang naisip ito ng mga tagapagdesisyon sa gobyerno.

Hindi ngayon lang lumabas ang mga problema sa sektor nga enerhiya. Kahit nga ang mga lugar na sinalanta ni Super Typhoon Yolanda noong Nobyembre 2013 ay namuti nang ilang buwan ang mga mata bago nagkaroon ulit ng kuryente. Pero ang taong hindi nakatupad sa pangakong iilawan agad ang Visayas, hayun at nakaupo pa rin sa Kagawaran ng Enerhiya. Sige, hindi niya naman kasalanan ang lahat. Kung tutuusin, sa dalawang paraan tayo pinahihirapan ng sektor ng enerhiya: kapag may kalamidad at nagba-blackout, at kapag tinataasan pa ang presyo ng kuryente gayong pangalawa na sa pinakamahal sa Asya ang kuryente sa Filipinas.

Iyong unang pasakit, may mga bahagi itong wala na sa kontrol ng gobyerno o ng pribadong sektor. Pero ang ikalawang pasakit, pinaghalo-halo itong pagkukulang sa regulasyon, sabwatan ng mga lumalaro sa industriya, at mga depekto sa batas at sistema – mga problemang mareremedyuhan kung gugustuhin lang ng mga may kinalaman. Alin man sa dalawang kalbaryong ito, maawa kayo, alisin ninyo sa mga Filipino! – Rappler.com