EDITORIAL CARTOON: Ang palalong Pangulong Aquino

Magaling na aktres man, hindi mabuting halimbawa si Nora Aunor. Minsan sa buhay niya, siya ay nagdroga. Ito ang malinaw na mensahe ni Pangulong Benigno Aquino III nang kumpirmahin niya ang matagal nang bulong-bulungan sa sirkulo ng mga artist. Tinanggal niya ang Superstar ng Philippine cinema sa listahan ng National Artists na kanyang ipoproklama dahil hindi raw magandang mensahe ang kanyang ibibigay kung pararangalan ng estado ang isang dating adik.

Wala siyang pakialam kung ang listahan para sa National Artist Award ay nagdaan sa mahigpit at tatlong hakbang na proseso, binuo ng piling-pili at di-matatawarang mga alagad ng sining, kasama ang mga nabubuhay pang National Artists. Wala siyang pakialam na hindi lingid sa mga huradong ito ang patakarang dapat ipuwera ang mga nahatulan ng korte, pero inilista pa rin nila ang aktres dahil alam nilang hindi siya nagkaganoon.

Kung babalikan ang diwa ng parangal na ito at bibigyang respeto ang mga taong mas may kaalaman at kakayahang magdesisyon sa ganitong bagay, dapat sana'y hindi na ginagalaw ang listahang ipinadadala sa Malacañang. Kung meron mang makaiintindi nito, dapat ay ang pangulong ito – ang kanyang ina, si Corazon Aquino, ang natatanging presidente mula noong panahon ni Marcos na hindi nagdagdag-bawas sa listahang isinulong ng artistic community.

Pero ang nangyari, nabulungan ang Pangulo ng “honors committee” ng Palasyo tungkol sa kasong droga na kinaharap noong araw ni Nora Aunor. Kabalintunaang pinanatili niya ang komiteng ito samantalang ito’y imbensiyon ng sinundan niyang pangulo, ang babaeng binibintangan niya ng lahat ng mali’t kasamaan (at nagkataong sumikat dahil kamukha ni Nora Aunor). Nagbintang ang Pangulo base sa maling impormasyon. Ayon sa abogada ng aktres, naihabla siya pero hindi nahatulan, at sumailalim na sa rehab halos isang dekada nang nakararaan. Pero hindi aamin ng mali ni hihingi ng paumanhin ang Pangulo na sinabi niyang “na-convict at naparusahan” si Nora Aunor.

Sige, pag-usapan natin ang pagiging mabuting halimbawa, dahil wala rin naman maipagmamalaki ang Pangulo sa usaping ito.

Pag-usapan natin ang pagrespeto sa prosesong itinakda ng batas. Isinauli ng Pangulong ito ang listahang binuo ng Judicial and Bar Council para sa hukom na ilalagay sa Sandiganbayan dahil lang hindi niya gusto ang mga pangalang nakalista. Inireklamo niya ring “hindi parehas” ang listahan ng JBC dati para sa mga iuupo sa Korte Suprema dahil hindi nakasama rito ang minamanok niyang miyembre ng Gabinete. Lumalabas na meron din siyang grupo sa Palasyo na umaanino sa JBC, ang kanyang judicial committee, katulad ng pagkakaroon ng honors committee para sa National Artist Awards. 

Pag-usapan natin ang kampanya laban sa droga. Sino ba naman ang sasalungat sa paglaban sa ilegal na gamot? Pero nakakatawa yatang ang pag-initan dito ay ang aktres na dapat ay hinuhusgahan ayon sa galing at hindi sa pagdodrogang matagal na niyang itinigil. Kung seryoso si Aquino sa kampanyang ito, dapat ay tinitiyak niyang may gamit para sa operasyon ang mga ahente ng gobyerno; na hindi kakarampot ang pondo ng anti-drug agencies; na hindi nila ipagmamalaking P5 bilyon ang nasasakote nilang ilegal na droga sa isang taon dahil P300 bilyon ang sindikatong dapat nilang nilalansag; na, pinakamaganda pa, susuyurin niya ang ranggo ng kanyang Liberal Party at didikdikin ang mga kaalyadong maaaring may koneksiyon sa mga sindikato sa probinsiya.

Pag-usapan natin ang pagiging adik. Pinuno siya ng isang bansang may smoking ban sa lahat ng opisina ng gobyerno. Pero hindi niya mabitiwan ang paninigarilyo, at dahil dito’y malakas ang loob ng ibang opisyal sa Palasyo na walang pakundangang ibuga ang kanilang secondhand smoke sa mga empleyadong hindi makapagreklamo. Sabi nga ng ilang netizens: mas mabuti ba siya kaysa sa isang dating drug user na nagbago na?

Pag-usapan natin ang kalipikasyon. Sa pilian ng National Artist, humakot si Nora Aunor ng isa sa pinakamaraming boto – patunay na ang kanyang kontribusyon sa larangan ng pelikula ay kinikilala ng mga eksperto sa iba’t ibang larangan. Masasabi nating pagkatapos ng henerasyon nina Nora Aunor, matatagalan pang magkaroon ng aktor na katulad niyang karapat-dapat na maging Pambansang Alagad ng Sining. Pero si Noynoy Aquino, na sa pagkakataong ito’y umabuso sa pribilehiyo, ano ba ang bitbit niyang kalipikasyon sa pinakamakapangyarihang puwestong ito, di ba’t ang pagiging anak lamang ni Cory Aquino?

Wala sa katwiran ang Pangulo sa lagay na ito, kung tutuusin ay higit siyang palalo. Hindi namin maiwasang isipin na madali sa kanyang gawin ito kay Nora Aunor dahil hindi sila magkapantay sa lipunan – galing ang aktres sa sektor na masyadong mahirap, ang sektor na ibebenta na lang siguro nila ang boto nila sa eleksiyon, o maaaring madaling magpapatawad at lilimot sa pagsira ng Palasyo sa pangako nito noong 2012 na “seryosong ikokonsidera” ang aktres para sa parangal dahil sa kanyang galing at kasikatan.

Mag-ingat, Ginoong Pangulo. Hindi natin masasabi kung pagod na ang mga tao na pagbigyan ang iyong mga kapritso. – Rappler.com