[EDITORIAL] Kapag tinatarget ng gobyerno ang isang OFW

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[EDITORIAL] Kapag tinatarget ng gobyerno ang isang OFW
Saan kumukuha ng kapal ng apog ang mga taga-POLO upang isiping isusuko na lang ng Taiwan si Linn Ordidor dahil hiniling nila ito?

“Bayani” ang OFW kapag nagpapadala ng salapi at bumoboto – pero kapag kritikal sa pamumuno – insekto na silang dapat tirisin.

‘Yan ang pinatunayan ng karanasan ng caregiver sa Taiwan na si Linn Ordidor, na sinugod ng mga alagad ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa kanyang pinaglilingkuran upang kastiguhin at brasuhin na mag-issue ng apology.

Hindi pa nakuntentong dinelete na ni Linn ang maaanghang niyang post laban kay Pangulong Rodrigo Duterte sa social media – pinetisyon pang mapadeport siya mula sa Taiwan. Dahil lang hindi nila nagustuhan ang tabas ng dila niya.

Sinsero ba talaga ang pamahalaan ‘pag sinasabi nitong “unsung heroes” ang mga OFW? O palagatasan lang sila ng remittances na nagsisilbing haligi ng ekonomiya? Todo-papuri lang ba ang mga pulitiko sa kanila sa panahon ng eleksyon dahil susi sila sa pagluklok sa poder kay Ginoong Duterte?

Pero mapapaisip ka talaga sa naging hakbang ng mga taga-POLO sa Taiwan. Hindi lang OA at gigil, malinaw na lagpas-lagpasan ito sa kanilang mandatong maglingkod sa mga kababayan nating nagsusumikap kumita sa ibang bansa. Malinaw na pang-aabuso ito ng kapangyarihan.

Dahil hindi kriminal si Linn Ordidor at walang korteng nagsabi na may nilabag siyang batas. Ang tanging naging “kasalanan” ni Linn ay maging pranka at matibay ang paninindigan. “Kasalanan” niyang may malasakit siya sa Pinoy at taos ang pagmamahal niya sa bayan.

At ang pinakamalaking “kasalanan” niya? Wala siyang bilib kay Duterte at sa paraan nito ng pagpapatupad ng giyera laban sa coronavirus. Wala siyang bilib sa kampanya laban sa droga na ikinamatay ng tinatantyang 27,000 katao.


Saan kumukuha ng kapal ng apog ang mga taga-POLO upang isiping isusuko na lang ng Taiwan si Ordidor dahil hiniling nila ito? (Hindi na namin tatanungin kung saan sila natuto ng diplomasya.)

At saan kaya sila nahawa sa kabastusang idemandang labagin ng Taiwan ang sarili nitong batas para pagbigyan ang kapritso ng mga pinuno ng Pilipinas?

Nitong Mayo Uno ay ipinagdiwang ng buong mundo ng Araw ng Paggawa. Nitong Linggo, Mayo 3, ay ipinagdiwang din ang World Press Freedom Day. Damayan natin ang mga manggagawang tulad ni Linn na biktima ng panunupil ng kanilang malayang boses at malayang pamamamahayag.

Tulad ng mga netizen na kritikal sa gobyerno at ipinatawag ng National Bureau of Investigation. Tulad ng artist-writer sa Cebu na pinag-initan dahil sa kanyang satire posts. Tulad ng nagtitinda ng isda na kinaladkad sa kalye dahil hindi naka-face mask at ngayo’y tila na-trauma sa walang saysay na pagkakaaresto.

Paano na ang 31,363 na naaresto sa pagiging “pasaway” sa gitna ng lockdown? Paano na ang mga LGBTQ+ na pinilit maghalikan at magsexy dance sa harap ng mga kabarangay? Paano na ang binaril? Ito ba ang hustisya sa gitna ng pandemic – ang makatikim ng pisikal at mental na tortyur, o mamatay?

Kapag tinatarget ng gobyerno ang mga Linn Ordidor, senyales ito ng krisis sa kalayaan na katumbas ng pandemic. Ayon sa dating mahistrado ng Korte Suprema na si Antonio Carpio, “nanganganib na maisakripisyo ang ating mga kalayaan sa altar ng public order.” 

Kapag tinatarget ng gobyerno ang mga “bayani ng bayan,” ipinapakita ng mga pinuno na wala silang pakialam sa pagtatanggol ng mahihirap at busabos. Sa halip, nangingibabaw sa kanila ang pagsamba sa konsepto ng “public order.”

Kapag tinatarget ng gobyerno ang mga OFW, para na ring tinarget ang kanilang mga pamilyang magugutom at mawawalan ng masasandalan. 

Gobyerno pala ni Ginoong Duterte ang mismong uupak sa pinakamarurupok. Gobyerno mismo ang magpapaluhod sa walang kalaban-laban. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!