#AnimatED: Ang pulitikong pikon

Sa ika-limang State of the Nation Address napaluha ang mga kapatid na babae ni Pangulong Benigno Aquino III. Sa isang panayam sa radyo, nagbulalas ng sama ng loob si Ate Ballsy. Naaawa raw sila sa kapatid na tila’y “bugbog na bugbog na.”

Mga anak ng mga martyr ng kalayaan, hindi niyo pa ba napapagtanto na ‘di uubra ang pagsesentimyento sa Pinoy? 

Isang kabalintunaan na ang pamilyang icon ng demokrasya ay balat sibuyas sa pamumuna. ‘Di ba debate at banggaan ang diwa ng ganitong sistemang pulitikal?

Sana lang hindi “sense of entitlement” ang pinaghuhugutan ng ganitong aktitud.  Dapat ba, nagkakandarapa kami sa pagpapasalamat na ipinagpatuloy ni Noy ang nasimulan ng mga magulang? Dapat ba, huwag kaming ingrata sa paglilingkod niya sa sambayanan? Siguro nga. Hindi ba 'yan ang ginawa ng masang Pilipino sa loob ng apat na nakalipas na SONA, na pinatunayan ng namamayagpag na ratings? Ngayong sumadsad, bakit nag-uumapaw ang tampo? 

Sa kabila ng pagsaludo namin sa umaarangkadang ekonomya, hinahanap namin ang hanapbuhay para kay Pedro at Maria. Sa kabila ng paghanga namin sa pagsipa sa hibang na Punong Mahistrado, hinihintay namin ang pagsisisante sa tiwaling kawani ng gubyero at kotongerong pulis sa kanto. 

Batid namin na hindi naglaro ng piko o tumbang preso sa kalye ang mga anak ni Cory. Kaya’t di nila natutunan ang pangunahing leksyon ng lansangan: Ang pikon, talo. At kung gusto niyong maibalik ang tumataginting na approval ratings, di 'yan makukuha sa paiyak-iyak o veiled threats sa hudikatura. Subukan kaya niya ang statesmanship at teflon politics?

Ginang Ballsy, Pinky at Binibining Kris, tigilan na ang drama. Tulungan niyo na lang si Sangko na tanggapin ang mga bagay na di na niya mababago. Tulungan din siyang maglagom at buksan ang isipan na 'di siya laging tumpak. At higit sa lahat tulungan siyang kumpunihin ang sira upang pangalagaan ang nasimulang tama.

Napapanahon ang panalanging ito para sa mahal na Pangulo: God grant him the serenity to accept the things he cannot change, courage to change the things he can. And yes, God please, the wisdom to know the difference. - Rappler.com