COVID-19

Matakot ka sa katok ng Tokhang, COVID edition

Rappler.com
Matakot ka sa katok ng Tokhang, COVID edition
Ito'y army na bihasa sa paggamit ng bala

Bakit sa pandinig pa lang, mali na?

“Sa tulong ng LGU (local government unit) at ng PNP (Philippine National Police), magbabahay-bahay kami at dadalhin namin ang mga positibong kaso sa isolation facilities.” ‘Yan ang sabi ni Interior Secretary Eduardo Año noong Martes, Hulyo 14.

Tokhang, COVID edition

Nang tanungin ng mga reporter kung ito ba’y ligal, hindi naman daw ito napag-usapan sa Inter-Agency Task Force (IATF), sabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra. Pero kabig niya, kung ma-apruba man ito, dapat ay barangay health workers at “hindi pulis” ang magpapatupad nito.

Noong Linggo, Hulyo 19, ipinamalas na naman ng pulis ang bagsik nito sa pamumuno ni “mañanita cop” Debold Sinas, ang hepe ng pulisya sa Metro Manila. Sinugod ni Sinas sampu ng iba pang opisyal ang isang compound sa Taguig upang i-evict ang pamilya ng isang retiradong pulis.

Teka, hindi lang pala positibo sa COVID-19 at drug user ang inooperasyon ng pulisya – pati eviction pinasok na nila! Take note, panahon ngayon ng pandemya. Bakit walang konsiderasyon sa pamilya ng kapwa pulis na hirap makahanap ng ibang matitirhan?

Mabalik tayo sa house-to-house ni Año. Sabi ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL), takaw-abuso ang plano. Pagpapatupad pa nga lang ng face mask rule, SOP nang ituring tayong kriminal.

Maraming tanong, pangunahin na ang pagtutukoy ng target. Para rin ba itong tokhang, na nakabatay sa sulsol ng impormante o barangay tanod?

Kukunin ba nila ang records ng pasyente sa barangay clinic, ospital, o testing facility? Hindi ba sakop ng privacy laws yan? Eh ang impormasyon ng mga tsismoso at malisyoso sa barangay, sapat ba ‘yan para sugurin ang tahanan mo? Hindi malayo.

Paano nila dadamputin ang isang umano’y positibo pero asymptomatic? Paano nila ma-a-assess ang sitwasyon ng isang sumasailalim sa home isolation – eh hindi naman sila health worker?

Higit sa lahat, paano nila ito gagawin nang hindi mahahawa? Hindi kaya ang mga pulis ang magsilbing super vector ng germs at lalo lamang mapabilis ang pagkalat ng COVID-19?

Na-i-imagine na namin ang reaksyon ng isang Nolasco Bathan, ang hepe ng Southern Police District na nang-snatch ng cellphone ng isang reporter noong Traslacion at dinelete ang video na nagdokumento ng police brutality. Tila uso ‘yan sa pulis dahil nang-snatch din ng cellphone ang mga kasamahan ni Sinas sa pag-e-evict nila sa Taguig.

Tulad ni Bathan at mga alipores ni Sinas, dadaanin din ba sa pambubrusko, paninigaw, pananakot, at pambabaliktad ang mga papalag sa house-to-house?

Sa totoo lang, bangungot isipin ang COVID house-to-house, at dagdag-stress sa mga sobra nang stressed na Pinoy.

Weaponization

House to house. Bukas na bukas ang pintuan para sa weaponization ng mga alituntunin ng pandemya. Hindi nga sila nangiming ipasara ang ABS-CBN sa gitna ng pandemya at busalan ang isang higanteng brodkaster na daluyan ng malayang pamamahayag. Kalimutan na ang mga media workers na madadagdag sa milyong wala nang trabaho sa panahon ng pandemya.

Sabi naman ng Commission on Human Rights, ito’y “susceptible to overreach.”

Taliwas ito sa garantiya ng Konstitusyon na may “karapatan ang mga tao sa seguridad sa kanilang mga tahanan” laban sa “unreasonable search and seizures of whatever nature and for any purpose.”

Tingin niyo magdadalawang-isip ang mga alagad ng batas na sumugod sa bahay ng isang kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte? Gayong may excuse sila na umano’y may COVID-19 ito at hindi sapat ang safeguards sa kanyang tahanan? Puwede na ring i-tokhang ang kritiko lalo na kung medyo pumalag.

Sabihin niyo sa amin na hindi ito mangyayari? Kung ganoon, bakit tinamo ni Winston Ragos ang 6 na bala sa katawan? Minalas-malas lang ang pulisya may nag-video ng pagpaslang sa dating sundalong may PTSD. Batay sa paratang ng NBI, tinaniman ng ebidensya ang bangkay ni Ragos para magmukhang nanlaban.

Bakit sinapit ng magsasakang lasing sa checkpoint ang maagang appointment sa langit? Umano’y nanlaban daw siya gamit ang karet. Tsk, tsk. Tila hindi kaya ng mga pulis patolang pakalmahin ang isang lasing nang hindi pinapatay.

Bakit naingudngod sa semento ang Español na si Javier Salvador Parra nang “nakipagtalo” ito sa pulis at “naging-arogante” sa pag-giit ng kanyang karapatan? Kinontra ni Parra ang P1,000 na multang ipinapataw sa kanya dahil hindi naka-face mask ang kanyang kasambahay na nagdidilig ng tanim sa loob ng nasasakupan ng kanyang property.

Bakit binitbit na parang baboy ang isang tindero ng isda sa Quezon City nang masita itong hindi naka-face mask?

COVID-19, giyera vs droga: iisang solusyon

Hindi namin ma-imagine anong lohika ang umiikot sa utak ng mga nagpapatupad ng giyera laban sa COVID-19. Salat ba talaga sila sa imahinasyon at hindi kayang maarok na hindi peace and order ang solusyon sa isang “unseen enemy?”

Mas lohikal na konklusyon ito: convenient excuse ang COVID-19 para pakitirin ang espasyo ng demokrasya lalo na’t papalapit na ang eleksyon.

Kumpletos recados na, ika nga. Andiyan ang Bayanihan Act to Heal as One para damputin ka sa excuse na may COVID-19 ka. Andiyan ang anti-terror law para pagmukhaing ligal ang pagtiktik, pag-aresto, at prolonged detention mo. Andiyan ang pagsasara ng ABS-CBN at pambubusal sa malayang pamamahayag para walang mag-re-report na nilapastangan ang karapatan mo!

‘Army trained to use bullets’

Pero pinatunayan na ng pakikibaka ng mga Pilipino sa isa pang diktador noong dekada sitenta hanggang dekada otsenta na nagigising din ang tulog, at dumarating din ang oras ng pagtutuos.

Sabi nga #WalangForever, lalo na sa mga abusado sa kapangyarihan. At kung magbabasa ka sa social media, marami nang nagising at nahimasmasan. Mga taga-social-media ang nagbansag ng “Tokhang COVID edition.” Sabi din nila, ito’y “army trained to use bullets.” Dagdag pa nila, “the sick are not criminals.”

Tandaan sana ng mga mapang-api na lahat ng tao ay may breaking point.

Habang sumisikip ang lubid sa leeg ng kalayaan, lalong lumalakas ang boses ng mamamayan. Habang gumagarapal ang pang-aabuso, lalong tumatapang ang mga Pilipino. #CourageON – Rappler.com

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!