women's rights

[EDITORIAL] Babaeng Pilipina 2021: #ChooseToChallenge

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[EDITORIAL] Babaeng Pilipina 2021: #ChooseToChallenge
Ituwid natin ang kasinungalingan laban sa mga babae online, one post at a time

Ngayong Lunes, International Women’s Day, ang panawagan ng mga kababaihan sa buong mundo ay #choose to challenge

Ano ba ang ibig sabihin ng #choosetochallenge?

Piliin nating kuwestiyonin ang malupit na giyera laban sa mga komunista dito sa Pilipinas – lalo na kung ang target ay mga noncombatant na aktibista, lider manggagawa at mga tagapagtanggol ng human rights. ‘Yan na nga ang nangyari nitong Bloody Sunday, Marso 7, 2021, dalawang araw matapos sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa militar at pulis na “patayin, tiyakin patay talaga, at tapusin kung buhay pa” ang mga komunista. Pero hindi engkwentro ang nangyari, at hindi mga komunista ang 9 na pinatay, kundi mga aktibista.

Piliin nating i-expose ang misogyny saan man natin ito makita: sa trabaho, sa paaralan, at higit sa lahat, sa ating mga tahanan. Kailangan nating imulat ang ating mga ama, kuya, at kamag-anak na lalaki na hindi katanggap-tanggap ang pa-macho. Hindi cool ang medyo bastos. Hindi “lambing” ang magbiro ng sexist joke at maliitin ang kababaihan. Tandaan nating mindset ang kalaban natin dito, at magsisimula ang pagbabago sa atin – kapag hindi natin pinalalampas ang pang-aalipusta, kahit gaano kaliit, ng mga babae.

Piliin nating maintindihan ang kultura ng misogyny sa social media. Alam niyo ba na sa mga mamamahayag na kritikal sa administrasyong Duterte, mas biktima ng brutal na online trolling ang mga babaeng journalist tulad ni Maria Ressa, Pia Ranada, at Inday Varona? Alam niyo bang kalalabas lang sa kulungan ng mamamahayag na si Lady Ann Salem dahil sa kanyang hanapbuhay? Alam niyo ba na nakakulong pa ang isang mamamahayag sa Tacloban na si Frenchie Mae Cumpio? Pareho silang kinasuhan ng illegal possession of firearms and explosives at iniuugnay sa kilusang komunista.  (BASAHIN: State-led and coordinated: ICFJ dives into online attacks vs Maria Ressa)

Piliin nating batikusin ang mga enabler ng misogyny kahit sa hanay ng mga kapwa babae, lalo na ang mga babaeng pulitiko na sumasakay sa issue ng women’s rights. Takot silang banggain ang pambabastos ng kababaihan ni Duterte dahil nakikinabang sila dito sa pulitika. I-expose natin ang oportunismo at kaipokritohan ito. Ilantad din natin ang pagtataksil sa kababaihan ng mga tulad ni Mocha Uson at Lorraine Badoy na ibinenta ang kaluluwa para sa impluwensya.

Piliin nating i-call out ang Presidente nating misogynist kapag binabastos niya ang mga kababaihan tulad ni Bise Presidente Leni Robredo. Walang karapatang makialam si Duterte sa personal na buhay ni Robredo at ng iba pang public servants, at wala itong kinalaman sa paggampan ng sinumpaaan nilang tunkgulin. At lalong walang moral ascendancy ang babaero, bastos, at sexist na Presidente na nagbirong sana’y nauna siyang mang-rape ng isang missionary, at nag-order sa militar na “barilin sa vagina” ang mga babaeng rebelde.

Piliin nating imulat ang mga mata ng mga Pilipino na bahagi ng dictator’s playbook ang misogyny. Sa ganitong konteksto natin basahin ang pagkukulong kay Senadora Leila de Lima, isang political prisoner, at 4 na taon na sa detensyon nitong Pebrero 2021. Ginamit ang misogynistic na atake laban sa kanya upang wasakin ang kanyang reputasyon, at kakambal ng lawfare, ito ang nagpapanatili sa kanya sa kulungan.

Choice. Pagpili. Sa araw ng kababaihan, isipin natin ang mga hakbang na abot-kamay natin. Makapangyarihan ang mga hakbang tulad nito at kayang baguhin ang agos ng kasaysayan. Noong Marso 8, 1909 naganap ang unang women’s march para sa karapatang bumoto sa New York. Ito ang ehemplong nagbigay lakas sa maraming henerasyon ng kababaihan sa buong mundo.

Sa Myanmar, nangunguna ang kababaihan sa kilusan laban sa takeover ng militar laban sa partidong ibinoto ng bayan. Isang babae ang unang nagbuwis ng buhay sa ngalan ng kalayaan sa Myanmar. Sa Saudi Arabia naman, nanguna ang mga babae sa pagbibigay ng karapatang magmaneho sa kababaihan – kahit nangangahulugan ito ng pagkakakulong. 

Tulad ng COVID-19, isang virus ng kamalayan ang misogyny at sexism, at matagal nang infected ang mga Pilipino. Ituwid natin ang kasinungalingan laban sa mga babae online, one post at a time. Huwag nating palampasin ang stereotypes, labanan natin ang bias laban sa mga babae, palawakin natin ang pagkakapantay-pantay sa workplace, at parangalan natin ang mga tagumpay ng mga babae. #ChooseToChallenge. #CourageON. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!