Comelec

[EDITORIAL] Saan ka patungo Comelec?

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[EDITORIAL] Saan ka patungo Comelec?
Isang panawagan ang dumadagundong ngayon para sa commissioners: Maging matapang sa pagtataguyod ng integridad at independence ng Comelec

 

Nakaabang ang lahat sa susunod na desisyon ng Commission on Elections (Comelec), lalo na ang First Division nito na may hawak ng tatlong kaso ng disqualification ni Ferdinand Marcos Jr.

Narito ang maikling buod ng kontrobersiya: Isinapubliko ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon ang boto niyang idiskuwalipika si Marcos Jr. dahil sa “moral turpitude” o paglabag sa social standards ng isang komunidad. Ang siste, inunahan niya ang desisyon ng kanyang division, ang First Division, dahil hindi pa inilalabas ng ponente, si Commissioner Aimee Ferolino, ang desisyong lagpas na sa takdang 15 days ng Comelec rules (na sa totoo lang ay bihirang masunod.) 

Bakit ito ginawa ni Guanzon? Dahil siya’y nagretiro na noong Pebrero 2, at si Commissioner Marlon Casquejo ay lumipat na sa 2nd Division bilang presiding judge nitong Pebrero 3. Sabi ni Guanzon, sinadya raw ni Ferolino na madelay ang desisyon, “Para hindi na ma-count ang boto ko.”

Away insider lang ba ito? Hindi ito basta-bastang kaso. 

Tatlong dekadang kasaysayan ang nakaangkas sa tunggaliang Guanzon at Ferolino: kakambal ng magiging desisyon ng division ang pagsasakatuparan o pagkabigo ng pagbabalik ng mga Marcos sa Malacanang. Ito’y matapos wasakin ng patriarch nilang si Ferdinand ang demokrasya tatlong dekada na ang nakalipas, halos binangkarote ang kaban ng bayan sa korupsiyon at cronyism, at kinuba ang taumbayan sa utang panlabas. Ito’y sa kabila ng conviction ni Marcos Jr sa isang tax offense na tumataginting na ehemplo ng pagiging untouchable ni Junior.

Pero kahit higante ang ripple effect nito sa pampulitikang buhay ng bansa, chill lang ang kalalabas na chairman ng Comelec na si Sheriff Abas. Kaya’t tinuligsa siya ni Guanzon na “dapat ay nagpairal siya ng pamumuno” sa banggaang Guanzon vs Ferolino. 

Kailan ilalabas ni Ferolino ang desisyon? Pero ang mas malaking tanong: may kredibilidad pa ba ang magiging desisyon niya? 

Ano ang pangmatagalang epekto ng kawalan ng gulugod ng Komisyon sa pagtitiyak na mailabas ang desisyon sa takdang panahon, at nang sa gayon ay hindi ito paghinalaang naimpluwensiyahan?

Magsisimula na sa Pebrero 8 ang official campaign period. Higit kailanman, kailangan ng Comelec na ipamalas ang independence at pagiging influence-proof nito – lalo na pawang Duterte appointees (isang brod at tatlong taga-Mindanao) ang mananatili matapos magretiro ni Guanzon, Abbas, at Commissioner Antonio Kho Jr. 

Sabi naman ni Comelec spokesman James Jimenez, huwag maliitin ang kakayanan ng Comelec na maging independent. Bakit daw noong 2016, naisagawa ang maayos at malinis na eleksiyon kahit karamihan ng commissioners ay appointee ni dating president Benigno Aquino Jr.? 

Pero kakaiba ang nakataya ngayong 2022. Mas matindi ang gapangan, mas matindi ang suhulan, at mas matindi rin ang mga banta, kung pagbabatayan natin ang mga bulung-bulungan. Sana’y isang Comelec na hindi “duck and hide” sa kontrobersiya at magpapatupad ng rule of law ang masilayan natin sa mga susunod na araw at buwan.

May isa pang conspiracy theory na kumakalat: baka raw talagang agendang patagalin ang proseso hanggang umabot sa Korte Suprema at mahalal na ang front-runners ngayon – si Marcos Jr. at Sara Duterte. Saka raw iiral ang tunay na kulay ng mga Duterte appointee sa dalawang institusyon, at aangat ang bise sa presidente. Sa bandang huli, game plan daw ni Old Man Duterte ang masusunod. 

May mahabang kasaysayan ang Comelec sa pagtatanggol sa rule of law – mga Comelec tabulators na nag-walkout ang nagsilbing mitsa sa bloodless revolution na nagpatalsik ng diktador noong snap elections ng 1986.

Isang panawagan ang dumadagundong ngayon para sa Comelec commissioners sa gitna ng pinaka-polarized na eleksiyon sa ating buhay: Maging matapang sa pagtataguyod ng integridad at independence ng Comelec.

Mga commissioner, kayo ang inatasan ng Konstitusyon na pangalagaan at pangasiwaan ang isa sa pinakasagradong demokratikong proseso: ang pagpili ng susunod nating lider.

Nakasalalay sa inyo ang pag-iwas sa pag-aaklas at kaguluhan, at pagpigil sa pagdausdos sa diktadura. Sana’y huwag kayong patulugin ng inyong mga konsensiya hangga’t hindi ninyo naiaakay ang bansa sa tamang landas. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!