divorce in the Philippines

[EDITORIAL] Napapanahon na ang divorce bill lalo na para sa inaabusong mga esposo

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[EDITORIAL] Napapanahon na ang divorce bill lalo na para sa inaabusong mga esposo

Nico Villarete

Kapag warak na ang kasal, tungkulin ng estadong magbigay ng exit door sa mag-asawa at mailayo sa war zone ang mga anak

Maliit lang daw ang lamang ng mga pabor sa pagsasaligal ng divorce law laban sa hindi pabor: 51% against at 41% in favor.

Maraming argumento sa pagpapasa ng isang divorce law: tayo lang ang bansang walang divorce maliban sa Vatican. Siyempre naman, Vatican ‘yun. Hindi argumento rito ang FOMO, o maging in o gaya-gaya. Pinapatunayan ng maraming karanasan sa buong bansa na mas nakabubuti sa buhay ng mga mamamayan ang magkaroon ng divorce.

Sabi nga ni lawyer Mel Sta. Maria, bakit kinikilala ng mga lokal na korte ang divorce ng mga Pilipinong ikinasal sa ibang bansa? Bakit hindi ito ipahintulot sa mga mag-asawang kapwa Pilipino?

Sa isang interview, sinagot ng women’s advocate na si Beth Angsioco ang tanong na, “Will legalizing divorce not break more marriages?” Sabi niya, sa kabaligtaran, kung alam ng esposong maaari silang iwan sa pamamagitan ng divorce, baka lalo nilang pag-ingatan ang relasyon. 

Kung #walangforever hindi ba mas mamahalin ng mag-asawa ang bawa’t isa?

Pero sa ganang amin, ang pinaka-compellling na argumentong napapanahon na ang divorce sa Pilipinas ay ito: kailangan ng mga babaeng biktima ng domestic abuse ang rekursong ligal na divorce.

Sabi pa ni Senadora Risa Hontiveros, may mga Pilipinang halos mapatay na ng sarili nilang mga asawa pero hindi sila makakalas sa kasal dahil sa laki ng gastos ng pagpapa-annul.

Dagdag pa niya, “Bigyan natin sila ng oportunidad na mahalin at magmahal muli.”

Sa lipunan natin ngayon, tumitindi na ang awareness sa mental health. Tungkulin ng gobyernong gawing kaiga-igaya ang buhay ng mamamayan – pangunahin diyan ang paglalayo sa mga bata sa exposure sa trauma ng mararahas na relasyon na maaaring makasira ng katiwasayan ng pag-iisip. 

Sabi nga ni Hontiveros: Let us give Filipino families the chance to let go of toxic relationships.

Pumunta naman tayo sa Mababang Kapulungan kung saan muntik-muntikan nang hindi mapasa ang divorce bill pero nakalusot naman. Malaki ang papel ng takot sa Katolikong simbahan sa naging boto ng mga mambabatas. Ang sagot ng artistang si Richard Gomez ang naglalarawan dito: “Laws must abide by the religious customs of the majority.”

Minsan, puwersa ng pagbabago ang Simbahan tulad ng nangyari sa EDSA People Power, pero ilang beses ding naging puwersa ito ng pagkabansot ng ating political life – halimbawa, ang pagtutol nila sa Reproductive Health Law noon na napasa noong 2012 matapos ang 14 na taon.

Nakasaad sa ating Konstitusyon ang separation of Church and State. Hindi dapat nakabatay ang pagpasa ng batas sa bendisyon ng mga obispo.

Pero bumoboto ang ilan laban sa divorce bill dahil sa takot sa mga pari. Sabi nga ni Albay Representative Edcel Lagman, “We do not vote against a measure because of fear, we should legislate based on courage and empirical issues.”

Mismo. Dapat pangunahing batayan ng pagsusulong ng isang batas ang pagkilala sa mga problema ng lipunan at paglalatag ng solusyon dito.

Kapag warak na ang kasal, tungkulin ng estadong magbigay ng exit door sa mag-asawa at mailayo sa war zone ang mga anak.

Sabi ni Senate President Chiz Escudero, siya ay boboto batay sa “consience.” Yes, please, pairalin ninyo ang inyong konsiyensiya at hindi vested interest sa pulitika. Isipin ‘nyo naman ang inyong mga kababayan na makikinabang sa panibagong umaga matapos iwan ang bigong relasyon. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!