[EDITORIAL] Nasa DNA natin ang EDSA People Power

Talamak ang paggamit ng batas (lawfare) ngayon upang busalan ang dissent o pagtutol. Sa panahong binabansagang subersibo ang mga kritiko, mahalaga ang sikolohiya ng pagkabayani. 

“When the protector becomes the predator, where do you run?" ‘Yan ang tanong ng dating education secretary na si Brother Armin Luistro sa kagaganap lang na forum tungkol sa paggamit ng batas sa pagsupil ng malayang boses. 

Isang linggo na lang at mapapaso na ang franchise ng network na ABS-CBN. Para sa Rappler, isang taon na mula nang sugurin ng mga Duterte Die-Dards (DDS) ang aming opisina – kasama na rin ang panawagan online na bombahin kami. 

Kaya't higit kailanman, relevant ang EDSA People Power ngayon na magdiriwang ng ika-34 na anibersaryo sa Martes, Pebrero 25. Ipinaaalala nito sa ating mga Pilipino ang nananalaytay sa ating dugo: ang ipagtanggol ang karapatan, ang ipaglaban ang tama, at pangalagaan ang kinabukasan ng ating mga anak.

Dahil anong kinabukasan mayroon sa isang bansang dumadausdos sa otokrasya? Ngayon pa lang, naaapektuhan na ang mga negosyo at maging ang dayuhang pamumuhunan. Ano ang kinabukasan sa isang Martial Law reboot?

Ito na nga ang panahon upang pag-usapan ang “pushback.” Nasa DNA natin ang paninindigan. Nasa DNA natin ang EDSA. Simulan na natin ang ehersisyo ng pagtulong, pag-ayuda, pakikilahok at pagmamalasakit.

Nasaan ang mga tagapagtanggol? Tayo 'yun! #CourageOn – Rappler.com