Philippine Independence Day

[EDITORIAL] Reality check: May kalayaan ba sa panahon ni Marcos Jr.?

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[EDITORIAL] Reality check: May kalayaan ba sa panahon ni Marcos Jr.?

Guia Abogado

Merong forever, at pagmamahal sa bayan ay puwedeng panghabambuhay

Malaya naman ang mga Pilipino, kaya bakit natin aaksayahin ang walang-pasok na Lunes sa tanong na ito? I-test natin ‘yan.

Palatandaan ng isang malayang demokrasya ang kalayaang bumatikos. Pero bakit may mga political prisoner pa rin katulad ng dating justice secretary na si Leila de Lima at ang mamamahayag na si Frenchie Mae Cumpio?

Mahigit anim na taon na sa kulungan si De Lima, at kamakailan ay nabigo ang pakay niyang makamit ang pansamantalang kalayaan nang ibinasura ang petition niya for bail. Ito’y sa kabila ng pagbawi o pag-recant ng mga susing witness laban sa kanya tulad ng dating acting chief ng Bureau of Corrections na si Rafael Ragos at ang umano’y drug lord na si Kerwin Espinosa. 

Sa katunayan, na-acquit na naman si Espinosa sa ikalawang kaso ng drug trafficking charges dahil salat sa ebidensiya. Bakit mailap ang hustisya kay De Lima?

Si Cumpio naman, na tatlong taon na sa kulungan ay humaharap sa terrorism charges na tinaguriang “trumped up” ng kanyang organisasyong Altermidya Network.

May kalayaan ba ang bayang pinaghaharian ng impunity at weaponization ng batas?

Pero maari mo namang sabihin na marami nang nagbago, tulad na lang ng extrajudicial killngs. Wala nang tokhang, di ba? (Ang tokhang ay isang state-sponsored anti-drug trafficking campaign ni Rodrigo Duterte na bumiktima sa mahihirap at umano’y “latak” ng lipunan.)

Mali. Patuloy na nangangamba ang mga pamilyang paboritong target ng drug war ni dating presidente Duterte. Ayon kay Carmen (hindi niya tunay na pangalan), ina ng sinalvage na 21-taong-gulang na si Rolly, akala niya, tapos na ang patayan. Mali ang akala niya.

Habang hindi naman natin puwedeng sabihin na hindi tayo malaya – lalo na ngayon na tapos na ang termino ni Duterte at tila mahaba ang pisi ni Marcos Jr. – hindi rin masasabing lubos tayong malaya.

Ayon sa “Freedom in the World 2023” report ng Freedom House, nag-improve ang kalayaan sa bansa.

Sa report, binigyan ang Pilipinas ng overall global freedom score na 55/100, at binigyan ang bansa ng rating na “partly free.” Nakakuha rin ang Pilipinas ng 25/40 na marka sa political rights at 30/60 para sa civil liberties. 

Pasang-awa, puro borderline. Bahala ka na lang kung malasin ka at mailagay sa cross-hairs ng kinauukulan. At kailan pa naging katanggap-tanggap ang borderline?

Iwan natin ang datos at tanungin ang sarili: panatag ba ang iyong loob kung ang anak o kapatid mo’y sasama sa rally? Hindi, di ba, dahil mabagsik ang anti-terror law.

Panatag ba ang loob mo kung ang anak o kapatid ay gagala sa lansangan ng isang maralitang pook? Aba’y hindi rin – dahil kung hindi man siya matokhang, andiyan ang takot mo na makukursunadahan siya ng mga dumidelihensiyang pulis patola.

Ngayong Independence Day, binalikan namin ang interview ng reporter na si Lian Buan sa sociology professor sa University of the Philippines na si Josephine Dionisio. Ang pamagat ng kanilang podcast ay “Love of Country: Is dissent patriotic?

Sabi ni Dionisio, ang pagmamahal sa bayan ay hind lamang pagbili ng barong tagalog, pagtayo ‘pag tumutugtog ang Lupang Hinirang, at pagmemorya ng Panatang Makabayan.

Sabi niya, ang love of country ay nangangailangan ng isang “shared imagination” ng isang mas mabuting kinabukasan, na bunga ng dayalogo at debate.

Tulad din ‘yan ng sinasabi ng Nobel Peace Prize laureate at Rappler CEO na si Maria Ressa, na kailangan natin ng “shared facts” upang matahak ang “shared truths” upang mapagsikapan ang “shared values.”

Sabi ni Dionisio, sa kasaysayan, ang nasyonalismo ay kakabit ng “acts of defiance” tulad ng pagbatikos at paghingi ng pagbabago. Dagdag pa niya, “Every day that you encounter injustice, call it out.” Pangalanan daw ang kawalan ng hustisya tuwing nakikita at nadarama natin ito.

Ang hirap nga mahalin ng bayan, pero hindi ‘yan excuse para huwag mahalin ang bayan.

Nang tinanong si Dionisio saan huhugutin ng mga Pilipino ang “love of country,” sabi niya, “Hugutin ito sa pagmamahal sa sarili.” Ayon daw sa UP sociology professor na si Randy David, “self-esteem is to national pride.” 

Ipa-paraphrase namin ang sinabi niya: “Hanapin at tanggapin ang mga bagay na gusto mong mahalin at tanggapin sa ating sarili, at mula doon ay humanap ng inspirasyon na mahalin ang mga nameless, faceless na kababayan.”

Meron daw forever, at pagmamahal sa bayan ay puwedeng panghabambuhay. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!