[EDITORIAL] Pakinggan ang taghoy ng mga magulang

Eto na naman tayo, nagluluksa, nagtatanong ng “bakit” – tuwing may malalagas na buhay ng kabataan sa paraang walang kakuwenta-kUwenta.

Eto na naman tayo, nagtataka paano naging tanda ng pagmamahalan ng kapatiran ang panggugulpi.

Eto na naman tayo, maluha-luha sa galit habang nanonood ng umiiyak na magulang na iniinterbyu.

Eto na naman tayo – hindi pa ba pagal ang utak at diwa sa mga problema ng bayan – kailangan pa ba nating dagdagan?

Lumitaw na naman ang halimaw ng hazing – at ngayon ay mismong sa Philippine Military Academy pa nangyari.

Hindi ba’t institusyon ang PMA kung saan pinapanday hindi lang ang disiplina kundi respeto at dangal?

Anong marangal sa hazing? Asan ang respeto sa kapwa na esensyal sa mga magiging opisyal ng sandatahan ng bayan?

Mula pa 1954 ang kaululang ito pero narito pa rin, pana-panahong nanunumbalik. Bakit?

Nakaugat ito sa kultura ng pyudalismo at machismo – na dapat sundin ang lalaking nasa poder – ang master-servant dynamic na itinanim sa puso ng Pinoy ng ilang siglo ng kolonyalismo at pinanatili ng media, pulitika, at komunidad.

Sa editoryal ng Rappler na “Kapatiran ng kamatayan” hinimay natin ang gayuma at silbi sa lipunan ng fraternity. “Andyan ang sikretong ritwal, ang blood compact ng barkadismo, ang shared experience ng tortyur. Lahat ng barbarong aspeto nito’y nakaugat sa isang machong kulturang nagpapahalaga sa kapatiran ng kalalakihan. Dahil kapatiran din ito ng pagbabakuran ng kapangyarihan.”

At ano ang napapala ng sumasali? “Para sa mga sumanib sa fraternity at sorority, dala nito ang pangako ng koneksyon, trabaho, at maging mga pwesto sa gobyerno,” ayon sa editoryal.

At imbes na ituwid ang isang kabaluktutan, pinapanatili ito ng mga tulad ni Bato dela Rosa at Oscar Albayalde sa pagsasabing "hinubog" sila ng hazing.

Hindi kami nagtataka, Senator Bato. Ganitong psychological profile nga siguro ang kailangan upang ipatupad ang madugong gyera laban sa droga kung saan tinatantyang 20,000 ang buhay na kinitil.

Ganitong utak pulbura nga siguro ang kailangan upang i-kampeon ang pagtugis sa mga aktibistang estudyante at guro sa mga pamantasan.

Ito rin ang utak pulburang pinagsumikapan ng mga sundalong burahin sa kanilang mga hanay – at mukhang bigo dahil nagtago lamang pala sa belo ng propesyonalismo.

Kung nagtagumpay sana ang PMA na puksain ang hazing – at ang blind obedience at peer pressure na pinagmumulan nito – sana’y kasama pa natin si Darwin Dormitorio – na tanging pinangarap ang maging PMA graduate.

Magiging bahagi ng istatistika si Darwin sa kinalaunan. Tulad nina Horacio Castillo III, Anthony Javier, Christian dela Cruz, Ariel Inofre, Guillo Servando, Marc Andre Marcos, Marvin Reglos, EJ Karl Intia, Menardo Clamucha Jr, Elvis Sinaluan, Chester Paolo Abracia, Cris Anthony Mendez, Roland Cequiña, Mark Rodriguez, Marlon Villanueva, Rafael Albano, Edward Domingo, Dominante Tunac, Ace Bernabe Ekid, Alexander Miguel Icasiano, Oliver Estrella, Mervin Sarmiento, Mark Roland Martin, Joselito Hernandez at si Lenny Villa noong 1995. May 9 pang namatay bago si Lenny. Andyan din ang unang biktima na si Gonzalo Mariano Albert noong 1954. At marami pang tulad nila na 'di nabalita. 

Mistula silang karakter sa pantasya – ang kabataang inihulog sa bundok upang mapatahimik ang dragon. 

Pero sigaw natin: hindi sacrificial lambs sina Darwin sa altar ng barbarismo!

At ngayon, nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibalik ang ROTC, na minsan nang pinutol dahil sa pagkamatay ni Mark Welson Chua. Magiging tulay pa ito upang ma-transplant ang hazing sa mga high school.

Tinatanggap ba ng mga fraternities ang pagkamatay sa hazing na necessary evil? Kung hindi’y bakit ito nagpapatuloy?

Wala sa kamay nating taga-labas ang kasagutan. Magsisimula ang pagbabago sa loob ng mga organisasyong ito sa mga pamantasan at mga eskwelahan ng pulis at militar.

Iwaksi niyo ang hazing – maglakas-loob na bumalikwas sa sistema ng initiation at tortyur – at marahil, may pag-asa pa tayo bilang bayan.

Samantala, tuloy-tuloy ang patak ng luha ng mga magulang ng mga biktima ng hazing. Pakinggan natin ang kanilang taghoy. – Rappler.com