#AnimatED: Tatanghod na lang ba ang LP kay Binay?

Sino’ng nag-aambisyong maging pangulo ang hindi maiinggit sa kanya? Kumakain ng alikabok ang mga kasunod niya sa surveys. Nakasisindak ang makinarya niya para sa eleksiyon. Mga eksperto sa iba’t ibang larangan (pati sa pagpapaguwapo), mga opisyal ng gobyerno, at mga negosyante ang nakaupo sa anino niyang Gabinete. Kasama sa trabaho niya ang makipag-ugnayan sa overseas Filipino workers na nagdidikta ng boto ng pamilya sa Filipinas. 

Higit sa lahat, aminado na ang partido – at pamilya – ng Pangulo na, sa ngayon, siya ang pinakamalakas na kandidato para sa Malacañang sa 2016.

Nasa kay Vice President Jejomar Binay ang lahat ng bentahe. Kaya puwede niyang ibenta sa mga mamamahayag ang hilaw na impormasyong bukas daw ang Liberal Party na ampunin siya bilang kandidato sa pagkapangulo. 

Kalkulado ito ni Binay; hindi siya kailanman naging tanga sa mga sinasabi o ginagawa niya basta’t may kinalaman sa ambisyon sa politika. Ano ba’ng mawawala kung ikalat niya iyon? Hindi ba’t kinagat naman ng media at ng madla ang “balita”? At paano naman nilang iisipin na nangangarap lang si Binay, samantalang mismong mga kapatid ni Pangulong Aquino ang nagsabing, oo nga, puwede, bakit hindi?

Nabaligtad ang mundo: Ang Bise Presidente na nasa maliit na oposisyon ang lumiligalig sa partidong nasa kapangyarihan. At ang kaya lang gawin ng mga tinyente ng LP ay iuntog ang mga ulo nila sa pader para makaisip ng paraang maihabol si Mar Roxas sa survey ratings ng ibang pumuposisyon para sa 2016. 

Alam ng Diyos, sinubukan na nila ang lahat! Siya ang pinamahala ng mga ayaw umusad na kontrata sa pagpapatayo ng mga kalsada, paliparan, at malalaking impraestruktura. Siya ang pinagdesisyon kung paano mapipigilan – at nang di na napigilan ay, paano ihihinto – ang madugong pag-atake ng mga rebeldeng Muslim sa Zamboanga. Siya ang pinamuno sa kinakailangang mabilisan nguni't masalimuot na pagsasaayos ng mga lalawigang nasalanta ng Super Typhoon Yolanda. Ipinuwesto siya sa kampanya laban sa malalaking kasong kriminal. Kamakailan, siya ang isinugo sa kampo ng New People’s Army para hingin ang pagpapalaya sa mga bihag nitong pulis.

Tumatakbo ang oras. Oo, may punto si Senate President Franklin Drilon, isang loyalista ng LP, nang sabihin niyang may panahon pa para pagandahin ang posisyon ni Roxas para sa 2016 – minsan nga, may nakakalusot na manalo isang linggo o isang araw bago mag-eleksiyon. Pero kung matino ang partido mo, hihintayin mo pa ba iyon?

Matuto sila sa nakaraan: Ipinagpilitan noon ni Fidel Ramos na iendoso si Jose de Venecia Jr, inakalang kaya niyang makapagmilagro para panalunin ang kandidato ng kanyang administrasyon. Ang resulta, naging pangulo si Joseph Estrada, napighati ang ilang bahagi ng bansa, at kinailangan siyang patalsikin dalawang taon pa lamang sa kanyang termino.

Ano bang inaayawan nila kay Binay? Malinaw naman ang dahilan. Kakambal na ng politikong ito ang mga paratang ng pangungurakot at tradisyonal na pamumulitika simula pa nang mapaupo bilang alkalde ng Makati. Kabikabila ang kaso ng korupsiyon at pagdududa sa mga umano’y tagong yaman ang kinakaharap nilang mag-asawa. Dalawang pinakamalapit niyang kaalyado ang nakakulong ngayon dahil sa umano’y pandarambong nang makipagsabwatan kay Janet Napoles. 

Sa mabibigat na isyu, nasa maling panig si Binay. Nag-atubili siyang suportahan ang pagpapatalsik kay Merceditas Gutierrez, ang Ombudsman na kulang sa kakayahan. Sinuportahan niya ang kompromiso ni Gutierrez sa dating military comptroller na si General Carlos Garcia, na inakusahang nagbulsa ng milyon-milyong piso para sustenahan ang magarbong pamumuhay ng kanyang pamilya.

At narito ang problema ng LP. Tila ba habang pinaiigting nila ang kaibahan ng dalawa – malinis si Roxas, marumi si Binay – bumabalik sa kanila ang laro ng pagkukumpara: taob si Roxas, patok si Binay.

Hindi ito lingid sa mga kapatid ni Pangulong Aquino. Matalas din sila sa politika, at kung ano man ang nakikita nila ngayon ay siyang nagtulak sa kanilang ipahiwatig ang suporta sa panginoon ng Makati.

Tatanghod na lang ba ang LP habang namamayagpag si Binay? Kung ayaw malaos ng partido ng administrasyon, ang unang dapat nilang gawin ay aminin na kailangan nila ng ibang manok sa darating na halalan – at ang manok na iyon ay maaaring wala sa kanilang hanay. Buksan nila ang kanilang pinto sa ibang tunay na may laban. Sa ganito at ganitong paraan lamang sila may maipantatapat kay Binay. – Rappler.com