2022 Philippine Elections

[Editorial] Ang LSS ng Bagong Lipunan

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[Editorial] Ang LSS ng Bagong Lipunan
Hindi lang ito LSS – ito'y delayed PTSD para sa henerasyong nagtiis, nakibaka, at nagpatalsik sa ama ng Martial Law

Makapangyarihan ang musika. 

Ito ang lohika sa likod ng mga campaign jingles – halimbawa ang “Mambo, Mambo Magsaysay” ni dating pangulong Ramon Magsaysay, ang “Sha, sha, Shahani”ni Leticia Ramos Shahani at ang “Jajajamby” ni Jamby Madrigal. Ito’y mga mnemonic device na nagsisiksik ng pangalan at mensahe ng kandidato sa dalawang minutong kanta.

Pero walang naghanda sa atin sa throwback nitong Pebrero 8, sa campaign kickoff ng kandidatura ni Bongbong Marcos.

Sa entablado, tinugtog ang rock version ng “Bagong Lipunan.” Kung may malay ka na noong 1970s at 1980s, sapat ang himig ng rock version upang manumbalik sa ‘yo ang orihinal na martsa: “May bagong silang, may bago nang buhay, bagong bansa, bagong galaw sa bagong lipunan.”

Payak ang mensahe, paulit-ulit ang salitang “bago.” Sinulat ito ng National Artist na si Levi Celerio habang ang tugtog ay komposisyon ni Felipe Padilla de León noong 1973. Sa artikulo ng Interaksyon, tinawag itong isang “fascist song.” Tinugtog daw ito habang minamasaker ang mga magsasaka at tinotortyur ang mga aktibista. Ang panunumbalik daw nito sa anyo ng isang modern rendition ay katumbas ng isang “Neo-Nazi movement.”

Panunumbalik ito ng nakaraan na tila isang bangungot. Tinrigger nito ang mga emosyong akala natin ay nabaon na sa limot.

Suot ni Marcos Jr. ang pulang polo jacket na uso noong 1970s na laging suot ng amang si Ferdinand. Nagtalumpati siya at maririnig mo ang ama sa kanyang boses. Ang kanyang paulit-ulit na mensahe: pagkakaisa at panunumbalik. Walang pagsusuri, walang istratehiya, walang plataporma. Lumipad ang mensahe sa pakpak ng nostalgia at inaasam na pag-asa. Pagtatanghal ito na hitik sa simbolismo ng amang si Ferdinand. 

Basta sa ikauunlad ng bayan disiplina ang kailangan. Mabuhay si Ferdie, mabuhay si Bongbong. 

Sa isang iglap, natanto nating nabaligtad na pala ang mundo. Nagiging matalino ang bobo, nagiging masipag ang tamad. Nagdidilang-anghel pati sinungaling. Nagiging mapagbigay pati kurakot. 

Ano ang pinakabagong mensahe ng Commission on Elections sa desisyon nito sa disqualification case ni Marcos Jr.? Ang mali ay puwedeng maging tama. Hindi naman pala kailangang magbayad ng buwis, okey lang, basta hindi sinasadya. Kahit apat na beses nangyari. Napatalsik man sa puwesto ang isang dating chief justice dahil sa di-umano’y hindi pagdedeklara ng SALN, aba’y lusot naman ang isang Marcos. 

Hindi lang ito LSS (last song syndrome) – ito’y delayed PTSD (post-traumatic stress disorder) para sa henerasyong nagtiis, nakibaka, at nagpatalsik sa ama ng Martial Law. 

Hindi lang ito propaganda ng ilang dekada at disinpormasyon simula 2014 – inaspalto rin ni Presidente Rodrigo Duterte ang landas ni Marcos Jr. patungong Malacañang. Sinanay tayo ni Digong sa malnutrisyon ng impormasyon, madali na lang lunukin ang baliktad na mundo ni Marcos Jr: Magaling na pangulo si Digong, napapaligiran lang ng maling mga tao. Palpak si Len-len (Vice President Leni Robredo). Walang ‘sing husay ni Sara.

Paano nga ba tayo napunta sa mundong ganito? 

Tulad ng musika, makapangyarihan din ang salita. Sabi ng mga eksperto, ang pagsikat ng katawagang BBM ay bahagi ng rebranding na bumabaha ngayon tungkol kay Marcos Jr. Kapag tinatawag siyang BBM, kinalilimutan ng kanyang mga taga-suporta na anak siya ng isang diktador at hinubog sa imahe nito.

Dapat magising ang taumbayan sa ilusyong ito. Dapat tayong mahimasmasan na ang martsa ay isang mala-Hitler na anthem na simbolo ng revisionism at brainwashing.

Sa gitna ng gutom, kawalang-trabaho, at pagtakwil sa liberalismo ng mga Dilawan, nagpa-hypnotize tayo sa martsa ng Bagong Lipunan ni Marcos Jr.

Pero 36 taon nang nakalipas, kinaya nating magising. HIndi natin kailangang tiisin ang panibagong anim na taon bago matauhan. #WeDecide: Atin ang Pilipinas. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!