[EDITORIAL] #AnimatED: Michael Yang – ang crony ni Digong

Mukhang mayroong isang klase ng pagkakaibigan sa Palasyo na hindi matitinag ng intel report, kahit na iniuugnay nito ang kabarkada ng Presidente sa droga.

Narito ang timeline. 

Ano ba ang ipinakain ni Michael Yang sa Pangulo na minahal siya nito na parang matalik na kaibigan? Ayon sa mga report, may sleep-overs pa si Duterte sa bahay ni Yang noong siya’y mayor pa. Mabilis pa sa alas-singko ang pagdepensa sa Intsik, at sa harap pa ng national television.

Kung ano man ang bonding na pinagdaanan nina Digong at Michael Yang ay hindi mahalaga, dahil bilang presidente, ika nga ni Erap, dapat “walang kaibigan, walang kumpare, at walang kama-kamag-anak.” 

Ano ang padron na lumilitaw pagdating sa mga kaibigan ng Pangulo?  

Nariyan ang dating special assistant to the President, ang Boy Friday ni Digong na si Bong Go. Mismong si Go ang pabirong umaamin na ang kanyang “campaign manager” ay walang iba kundi ang Pangulo ng bansa. 

Nariyan din si Dennis Uy, na nag-donate ng P30 milyon sa kampanya ng Presidente at sa huling bilang ay bumli ng 36 na kompanya mula nang naluklok sa kapangyarihan si Digong.

Maraming katangian ang Pangulong mahirap lunukin: ang pagiging misogynist, ang balahurang pananalita, ang kakarampot na paggalang sa buhay ng tao na bumabalot sa giyera kontra droga, ang pambabastos sa Diyos at mga relihiyon, ang pagkiling sa mga Intsik at paglalagay sa Pilipinas sa panganib ng Chinese debt trap.

Ang lumilitaw sa pagkanlong kay Yang ay ito: na hindi rin malayong umusbong ang crony class sa ating bansa na kasing-bagsik ng cronyism na umiral sa panahon ni Marcos.

Ano ba ang cronyism? Ito ang pagtatalaga sa mga kaibigan sa posisyon ng kapangyarihan kahit hindi sila kuwalipikado. 

Mula Day 1 ng kanyang pamumuno, sinabi na ni Duterte na siya’y nagbabayad-utang. Mukhang ito ang operational word sa Pangulo – utang na loob. Mga kaibigan at pinagkakautangan ng loob ang inilagay niya sa gabinete. Kaibigan ang pinoprotektahan sa kabila ng sumbong ng isang whistle-blower na dating anti-drug cop na may track record.

Marangal ba ito? Hindi, kung ikinokompromiso nito ang dangal ng pinakamataas ng lider ng bansa.

Kung si Marcos mayroong Danding Cojuangco, Roberto Benedicto, Antonio Floirendo Sr, at Juan Ponce Enrile – mukhang may Yang at Dennis Uy naman si Digong.

Mukhang huli na nang hikayatin ang Pangulong panindigan ang campaign promise na tanggalin ang katiwalian sa gobyerno. Mukhang huli na nang sumbatan siyang tuparin ang “rule of law” tulad ng pangako niya nang siya’y nanumpa. Huli na nang ipaalala na 'di pa nga kumpirmado ay inilalabas na niya ang "narco list" sa ngalan ng pagpapakitang-gilas laban sa mga pinaghihinalaang drug lord. 

Dahil kung mayroong isang malinaw na signpost ng pagdausdos sa diktadurya, ito ang pagsulpot ng mga mapagsamantalang negosyanteng parang langaw na umaali-aligid at bumubulong-bulong sa diktador. – Rappler.com