#AnimatED: Problema sa MRT? Rebolusyon ang solusyon!

Kung may mapagpipilian lang, hindi ang ganitong klase ng Metro Rail Transit (MRT) ang gugustuhin ng mga nagbibiyahe araw-araw. Pero kung susuriin, kinakatawan ng tren sa EDSA kung anong klase tayong mamamayan, ano-ano ang ating prioridad, at ano-ano ang ating pinabayaan. 

Tuwing naaantala ang serbisyo ng 17-kilometrong tren mula North Avenue sa Quezon City hanggang Taft Avenue sa Pasay, nagkakagulo ang Metro Manila. Bumabaha sa social media ang mga hinaing natin sa lahat ng problema ng buhay-siyudad. Lalong nakangangalit ang dati nang malalang trapik sa lansangan. Tinatanghali sa trabaho ang mga empleyado, umiinit ang ulo natin pagdating sa bahay, may nauunsiyaming interbiyu sa trabaho, may naantalang proyekto.

At susundan na ito ng litanya ng sino’ng may kasalanan. Katuwiran ng mga opisyal ng gobyerno, nakatali ang kamay nila dahil may bisa pa ang mga di-patas na kontratang pinasok ng mga nakaraang administrasyon sa mga kompanyang nagpapatakbo at nangangalaga ng MRT3. Hindi tayo makabuwelo, sabi nila, dahil limitado ang puwedeng gawin ng gobyerno sa ilalim ng mga kontratang ito, kahit na tuloy-tuloy ang paglaki ng populasyon ng Metro Manila at natural na darami rin ang pasahero ng tren.

Giit ng mga negosyante, malaki na ang naipuhunan nila sa proyektong ito, at marami pa silang balak gawin dito, basta lamang ibigay sa kanila ng gobyerno ang buong kontrol sa linya ng tren. Pero ang gusto ng gobyerno’y bawiin ang kontrol dito mula sa pribadong sektor. Paurong ang diskarte ng gobyerno sa panahong mas uso ang pagsasapribado ng mga pampublikong impraestruktura, sabi ng mga negosyante.

Ang bilang ng pasaherong hinahatid ng MRT3 ay halos doble ng dapat lang nitong ibiyahe – 600,000 ang pasahero nito araw-araw gayong dinisenyo itong 350,000 lang ang kapasidad. Kasalanan ito ng pamahalaan at mga negosyante, oo, pero may pananagutan din tayong mga pasahero na dapat ay nagwawala na dahil sa natatanggap na ganitong klaseng serbisyo. (READ: MRT and the violence of our mass transport system)

Nitong nakaraang linggo, lumihis sa riles ang isang tren sa may Taft Avenue station. May di bababa sa 38 na pasahero ang nasugatan, bumagsak sa isang kotse ang posteng nabangga ng tren, at nabulabog ang Kamaynilaan. Makaraan ang dalawang araw, tumirik naman ang isa pang tren sa may Santolan station dahil nawalan bigla ng kuryente. Sa aksidente sa Taft, nabistong hindi pinag-iisipan at hindi ligtas ang patakaran ng gobyerno sa pagsagip sa mga tumitirik na tren. Ipinaalala rin nito sa ating dati pa dapat nasimulan ang rehabilitasyon ng MRT. Na matagal na rin nating pinalampas ang kakulangan ng pamahalaan.

Nakakalimutan ba natin kung ano’ng nawawala sa atin kapag sumasakay tayo sa MRT ngayon? Wala tayong katiyakang makararating sa patutunguhan – isang batayang karapatan na sa ibang bansa’y pinahahalagahan. Ninakaw nito ang oras natin na dapat sana’y iginugugol sa paaralan, sa trabaho, sa pamilya, sa sarili – upang maging higit na kapakipakinabang tayong mga mamamayan. Bumababa ang ating pagkatao habang nakikipagsikuhan tayo para lang makasakay, at tinitiis natin ang lahat ng di sana natin gustong maamoy o makita dahil sa napakasikip na tren. Tumitigil na tayo sa paniniwalang may igaganda pa ang lipunang ating ginagalawan. 

Hindi ba dapat ay nagrerebolusyon na ang taumbayan? Ipinagmamalaki ng Malacañang na Asia's miracle ang Filipinas, pero merong kalbaryo ang mga mamamayan araw-araw? Pero nananahimik tayo, nagtitiis. Ito raw ang dahilan, ayon kay Transportation and Communications Secretary Joseph Emilio Abaya, na siyang may responsibilidad na pangasiwaan ang mass transport system ng bansa: “Personal na desisyon na” ng pasahero kung sasakay pa siya sa MRT. 

Ang nakalulungkot, nagagalit tayo sa pananaw ni Abaya, pero kung tutuusin, ganito rin ang ating paniniwala. Wala sa isip natin na obligasyon ng gobyernong bigyan tayo ng ligtas at maayos na sistema ng transportasyon. Hindi natin ito isinusulong bilang karapatan. Hindi natin ito ipinaglalaban.

May nabalitaan na ba tayong nagprotesta sa kapabayaan ng pamahalaan? Tinitiis natin ang ganitong kalbaryo araw-araw, samantalang napakabilis nating magkondena ng mga magnanakaw sa gobyerno, mga mamamatay-taong heneral, at nag-iiringang mga opisyal. Hanggang sa Facebook at Twitter na lang ba tayo mang-aaway? Magrereklamo tayo nang di naririnig ng kinauukulan? 

Bulabugin natin ang gobyerno! Huwag tayong titigil hangga't hindi ito bumibili ng karagdagang tren at kumukuha ng magagaling at matitinong railway managers. Dikdikin natin ang gobyerno para diinan din nito ang mga negosyanteng nanlalamang sa kontrata at serbisyo. 

Sabihin natin sa pamahalaang Aquino: sa ganitong sitwasyon kayo dapat bumabali sa patakaran at bumabalewala sa mga kasunduan. Kung ipinipilit nga ninyo ang mga bagay na ipinagbabawal ng Konstitusyon, hayagan ninyong kinakalaban ang pinakamataas na hukuman, at iniikutan ninyo ang batas sa paggugol ng salapi ng bayan, siguro naman kaya rin ninyong sumugal para maging ligtas ang mga karaniwang manlalakbay? – Rappler.com