Philippine economy

[EDITORIAL] Ostrich mentality sa panahon ng recession at pandemya

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[EDITORIAL] Ostrich mentality sa panahon ng recession at pandemya
Narito ang 5 laos na diskarteng nakakawalang-inspirasyon

May isang ostrich na kumaripas ng takbo sa Quezon City noong isang linggo na ikinatuwa ng social media. Ito pala ang ‘saktong metaphor para sa ekonomiya at tugon ng Pilipinas sa pandemya. Swak na swak ito sa bansang natataranta at ‘di alam saan papunta.

Dalawang araw ang nakalipas, inanunsyo ng gobyerno na recession na dahil sa dalawang quarter na pagbagsak. Umurong ang ekonomya ng 16.5% – bagay na tumalo pa sa ibinagsak ng ekonomiya noong panahon ng Martial Law. 

“Our economic managers have their priorities wrong.” Ito ang hatol ng limang economic analysts (ilan sa kanila dating taga-budget department).

Pamilyar ka ba sa idiom na “running around like a headless chicken”? Hindi lang ito kaso ng mga tulirong manok. Hindi lang madaling mataranta, mahilig pa itong magbaon ng ulo sa lupa.

Ostrich diskarte #1: Para nating pinapatay ang sunog gamit ang isang timbang tubig. ‘Yan ang visual na ginamit ni JC Punongbayan, ang analyst ng Rappler sa ekonomiya, sa lampang fiscal rescue package na nagkakahalaga lamang ng P140 bilyon na ipapatupad ng economic team. (Bilang paghahambing, nagpanukala ang House of Representatives sa pamumuno ni Albay Representative Joey Salceda at Marikina Representative Stella Quimbo ng P1.3 trilyong stimulus package. Pero nireject ito ng mga finance officials, ayon kay Acting Socioeconomic Planning Secretary Karl Chua, ito’y “hindi fundable.”)

Napailing ang mga eksperto. Sabi nila kailangan ng paketeng “maikumpara sa ibang bansa.” Dagdag pa ni Punongbayan, walang lugar ang fiscal conservatism ni Finance Secretary Carlos Dominguez ngayon. 

Ostrich diskarte #2: Sa press conference ng mga pinunong pananalapi ng bansa, tila recitation pa rin ng Build, Build, Build infrastructure spending ang namayani. Nakasalang ito bago pa ang pandemya.

Sinabi rin ng 5 eksperto sa artikulo nila sa Rappler, “test trace and treat” muna bago infrastructure spending. Sinong gagamit ng kalsada kung naka-lockdown ang mamamayan? Pero obsessed si Dominguez sa kanyang blueprint na circa pre-COVID. Hay. 😒 

Ostrich diskarte #3: Spin, spin, spin. Sabi ni Roque “hindi lang tayo ang humaharap sa krisis” sa buong mundo. Totoong tinamaan lahat halos ng bansa, pero makikitang pinakamalala ang kaso ng Pilipinas at malayo sa ibinaba ng ibang bansa sa Southeast Asia. Nasa 5.32% ang contraction ng Malaysia, nasa 1.8% ang Thailand at 12.6% ang Singapore. Ang layo ng Pilipinas sa 16.5%. (Tingnan ang graph ng SEA sa artikulong ito.)

Maaagap na naapula ng Vietnam ang pagpasok ng virus sa kanilang bansa sa kabila ng panganib ng pagiging kapitbahay ng Tsina, ang pinagmulan ng virus. Imbes na spin, dapat ay act, act, act. Pero nahiya si Health Secretary Francisco Duque III at si Pangulong Rodrigo Duterte sa Tsina noong katapusan ng Enero at hindi kaagad ipinagbawal ang pagpasok ng mga flights mula Tsina.

Ostrich diskarte #4: Nasaan ang agresibong paggastos ng economic aid tulad ng wage subsidies at zero interest loans para sa mga negosyo at manggagawa? Paano makakabangon kung bangkarote na ang mga negosyo?

Ostrich diskarte #5: At syempre pa, hindi lang tayo nangunguna sa Southeast Asia pagdating sa pag-urong. Itinuturing na tayong Asia’s largest hot spot ng coronavirus, kung saan nakapagtala tayo ng higit 6,000 sa araw na ibinalik ang lockdown. 

Pero sabi nga ng mga health workers at doktor na humingi ng muling paghihigpit, masasayang lamang ito kung lumang diskarte pa rin. 

Ang problema, mukhang hindi nakaamba ang Department of Health na pangunahan ang opensiba laban sa COVID-19 gamit ang honest-to-goodness contact tracing at mass testing. Ngayon pa lang, ang dami nang nagrereklamo sa maniobra ng mga datos. Mismong mga senador, hindi bilib sa datos ng DOH.

Bakunahan ang ekonomiya

Nasaan ang malinaw na “contagion proofing” ng ekonomiya? Sabi ni Dominguez, “We’ll keep our powder dry for next year.” Pero aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo?

Habang naghihintay ng bakuna sa COVID-19, bakunahan na ang pananalapi. Panahon nang mag-re-strategize ng ekonomiya at simulan na ang pagbawas ng dependence sa consumer spending. 

Pero ang kagyat: sagipin natin ang mga negosyo at manggagawang tumitirik na ang mata. Lumobo na ang unemployment sa all-time high na 17.7% nitong Abril, ang pinakamataas on record. Tumataginting na 7.3 milyon ang nawalan ng trabaho dahil sa pandemic. 

Sino ang sasalo sa magkakasakit, magugutom, tuliro at nagpupuyos na taumbayan? Ang mga ostrich ba sa gobyerno? – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!