Sara Duterte

[EDITORIAL] Post-Sara Duterte resignation: Ang trahedya at ang pag-asa sa edukasyon

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[EDITORIAL] Post-Sara Duterte resignation: Ang trahedya at ang pag-asa sa edukasyon

Nico Villarete

Hindi na puwedeng ipagkatiwala ang DepEd sa taong walang alam tungkol sa public education system, walang lakas ng loob na tumaya sa pagbabago, at walang vision upang tahakin ang tamang landas

Malinaw naman kung bakit nagbitiw si Vice President Sara Duterte mula sa Department of Education. Kung tutuusin, wala nang gaanong strategic value pa para kay VP Sara na magtiis nang apat pang taon sa DepEd bilang kalihim nito mula nang binaril ng Kongreso ang confidential funds niya para sa ahensiya.

Sa Davao naman, kailangang pangalagaan ang mga interes ng mga Duterte sa kanilang bailiwick. Kung sukatan ang mga huling rally ng kanyang ama na si dating pangulong Rodrigo Duterte, tila manipis na ang attendance. Opinyon ng ilang sources ng Rappler sa Davao, tila hindi na raw kasing kinang ang Duterte magic. Hindi rin daw malapit ang loob ng mga taga-Davao sa nakaupong mayor ng Davao na si Baste – na namana man ang pagkabrusko ng ama, ay hindi naman namana ang pagkasimpatiko ng matandang Duterte.

Ang malinaw rin: Lines have been drawn more clearly for 2025. It’s all about 2025.

Sara Duterte, Philippines, Students, Department of Education, Education

Pero, tila nagkaroon ng collective sigh of relief sa balita ng resignation. Parang nabunutan ng tinik ang marami. Maraming natutuwang guro, kahit na di nila ito ipapangalandakan. Sabi nga ng isang principal sa Bacolod, ito raw ay “liberating.” 

Sa panahon ng dating kalihim ng DepEd na si Liling Briones, lumabas ang survey ng PISA (Programme for International Student Assessment) na naglalagay sa Pilipinas sa ika-79 sa 79 countries na in-assess. Opo, kulelat. 

At halos walang naging impact ang dalawang taon ni Sara sa DepEd. Nitong 2022, walang makabuluhang pagbabago kung ikokompara sa 2018, ayon sa grupong nasa likod ng PISA, ang Organisation for Economic Co-operation and Development.

Sa madaling salita, nasayang ang dalawang taon. Sa halip, tampok sa kanyang termino ang  bigong paghingi ng confidential funds, ang fire sale o pagbebenta nang palugi ng mga DepEd laptops sa mga mall, at pagtatanggal ng visual learning aids sa mga silid-aralan. 

Ayon sa political analyst at Rappler columnist na si Antonio Montalvan II, nasa “backseat” daw ng utak ni Sara ang DepEd. Hindi daw niya nakuha ang gusto niyang posisyon sa Gabinete – and defense – kaya DepEd daw ang na-militarize niya. Nag-appoint si Sara ng mga dating heneral sa ahensiyang wala namang kinalaman sa seguridad ang tungkulin. Nag-appoint din siya sa top-level positions ng political appointees. (BASAHIN: [The Slingshot] Blunders and mess Sara left behind at DepEd)

At malamang ay nabunutan din ng tinik si Presidente Ferdinand Marcos Jr., at pati ang maybahay niyang si First Lady Liza Araneta Marcos, na hindi nakipagplastikan at nagbulalas ng sama ng loob niya laban kay Sara sa isang panayam. Ang sabi nga, matira matibay. 

Sabi ni Montalvan, “Plainly, simply, and palpably, Sara Duterte was not fit for the job.” Nag-appoint si Marcos ng incompetent na DepEd chief at ang buong bayan ang nagdusa.

Sana matuto na si Pangulong Marcos: huwag i-politicize ang mga napakahalagang posisyon at huwag mag-appoint dahil kailangang magbayad-utang sa mga kaalyado sa eleksiyon. Hindi na niya puwedeng isugal ang kinabukasan ng ating bayan, at ipagkatiwala ang DepEd sa kalihim na walang alam tungkol sa public education system, walang lakas ng loob na itaya ang pangalan para sa pagbabago, at walang bisyon upang tahakin ang tamang landas.

Nasa ICU ang edukasyon sa Pilipinas, at hindi na puwedeng sumablay si Marcos sa pagtatalaga ng taong malalim ang background sa edukasyon, makaka-navigate sa burukrasya nito, tatabas sa mga deadwood at korap dito, magmo-modernize sa pagtuturo, magpapagaan sa buhay ng mga guro, at makaka-address sa napakalalang kakapusan sa classrooms. 

Kung hindi ay pupulutin sa kangkungan ang Pilipinas sa international job market. Hindi na puwedeng tawaging brain drain kung walang brain na mede-drain palabas ng bansa, ‘di ba? At magiging bayan tayo ng mga mangmang – kung hindi pa tayo matatawag ngayon na bayan ng mga mangmang – dahil ang dating mga 15 years old noong 2018 na hindi nakaintindi ng binasang simpleng teksto ay 21 years old na ngayon. 

Uulitin namin: ang urgent ngayon ay i-overhaul ang DepEd. Kung nakangiti man si BBM dahil nabunutan siya ng tinik, aba’y kailangang siya naman ang maging tinik sa lalamunan ng mga taga-DepEd na nakaupo sa isang social volcano ng krisis ng edukasyon. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!