Faith and Spirituality

[EDITORIAL] Huwag magpagamit sa mga scammer sa likod ng relihiyon

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[EDITORIAL] Huwag magpagamit sa mga scammer sa likod ng relihiyon

Nico Villarete

Pero ano ang common denominator sa mga kultong ito? Laging accomplice ang mga pulitiko o kasangkapan ang political system sa pag-ooperate ng labas sa batas.

Parang ang layo sa bituka ng problema ng mga kulto. Pero tulad ng kasabihan, ang sakit ng kalingkingan, sakit ng buong katawan.

Ilang linggo na ring pinag-uusapan ang Socorro Bayanihan Services Incorporated (SBSI) sa Senado –  ang religious group na inaakusahan ng mga dating miyembro ng child marriages, forced labor, paramilitary training ng mga musmos, kung saan kahit walong taong gulang ay tine-train.

Namamalimos ang mga miyembro nila dahil sa hirap ng buhay. Hindi sila pinapayagang magpaospital ‘pag may sakit. May pagkakataong ang nagpapa-anak sa mga buntis ay mismong ang pinuno ng grupong si Jey Rence Quilario aka Señor Agila – ang reincarnation daw ng Santo Niño – na hindi medical professional. Hindi raw nila kailangan ng propesyonal na alagang medikal dahil naroon naman ang kanilang “Panginoon.”

Sinampahan na ng National Bureau of Investigation ang grupo ng mga reklamong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act, kidnapping and serious illegal detention, practicing child marriage, child abuse and exploitation.

Sounds familiar? Ganito rin umano ang modus ng Kingdom of Jesus Christ ni Pastor Apollo Quiboloy – self-proclaimed din na anak ng Diyos – na nagsamantala sa mga minors at kababaihan. Hindi lang namalimos ang mga miyembro ng Kingdom of Jesus Christ sa Pilipinas at abroad, ang mga may itsurang miyembrong babae ay napipilitan o namamanipulang maging “spiritual wives” ni Quiboloy. Nasa “most wanted list” ng FBI ng Estados Unidos si Quiboloy dahil sa sex trafficking.

Ganito rin ang charisma ng “Divine Master” ng Philippine Benevolent Missionaries Association ng Dinagat Islands na si Ruben Ecleo Sr. Nanggaling daw ang kapangyarihan niyang manggamot sa “Divine Father.” Itinuring siyang local hero at naupo siyang mayor hanggang sa kanyang pagkamatay. Ang anak niyang si Ecleo Jr. – na itinuring na reincarnation ni Kristo – ay inaresto dahil sa pagsakal sa asawang si Alona at namatay sa kulungan noong panahon ng pandemya.

Maraming insight o leksiyong dulot ang mga kulto sa atin bilang isang lipunan – mga bagay na mabilis nating dinidismiss at sinasabing “hindi kami ganyan.”

Sumasang-ayon kaming may mga pagkakataong hindi makatarungan, o “loaded,” na tawaging kulto ang isang grupo. Maraming religious practices ang nasa laylayan ng katinuan pero dahil kinalakhan natin ay hindi natin kinukuwestiyon. Hindi na tayo lalayo sa halimbawa: sa mga Katoliko, nariyan ang transubstantiation (na nagiging aktuwal na katawan ni Kristo ang ostia kapag binasbasan sa Misa), at ang virgin birth (ipinagbuntis at ipinanganak ni Santa Maria si Kristo nang nanatiling birhen).

Nariyan ang mga tradisyon ng pagpapapako sa Krus tuwing Kuaresma (na to be fair ay hindi inendorso ng Simbahan), at ang pagpapaa at pakikipagsiksikan upang makapahid ng tuwalya sa imahe ng Nazareno, na sumasalungat sa lohika, pero never, never, nating tinawag na mala-kultong aktibidad.

Pero may dalawang bagay na ipaglalaban naming sapat na dahilan upang tawaging kulto ang isang grupo: ang labis na pag-kontrol sa buhay ng mga miyembro na mapaniil sa kalayaan, at ang pang-aabuso sa tiwalang ibinigay ng komunidad. 

Sa madaling salita, kapag tinatapakan ang karapatang pantao sa ngalan ng pananampalataya, may hibo ito ng pagka-kulto. Kapag inaabuso ng mga pari ang mga taga-parokya sa ngalan ng otoridad niya bilang tao umano ng Diyos, ginagamit niya ang cult power ng kanyang simbahan. Kahit na Katoliko pa ang konteksto.

Mahalagang bigyang pansin din ang panukalang batas laban sa religious violence, na mag-oobliga sa religious groups na magkaroon ng accountability.

Ayon sa sociologist at professor na si Jayeel Cornelio, ang religious violence ay “physical, emotional, mental, and spiritual violence inflicted upon people in the context of a religious space and justified using a religious language.”

Hindi dapat exempted ang mga higanteng relihiyon sa ganitong pagsusuri at pagninilay-nilay: mapa-Katoliko, Protestante, o Iglesia ni Cristo. Ganoon din sa mga relihiyon sa labas ng Judeo-Christian na tradisyon. (Halimbawa, apektado ng prohibitiion sa child brides ang relihiyong Muslim.)

Maraming porma ng kawalang-katarungan sa lipunan natin, at ang religious violence ay isang karahasang hindi natin inaasahang mangyayari sa atin, pero madalas nangyayari. Lalo pa’t ang karaniwang biktima ng religious violence ay mga taong gipit, kapit sa patalim, at naghahanap ng kaayuda o kahulugan sa buhay.

Pero ano ang common denominator sa mga kultong ito? Laging accomplice ang mga pulitiko o kasangkapan ang political system sa pag-o-operate ng labas sa batas.

Sa kaso ng Socorro cult, miyembro nila ang dating mayor at maging mga pulis. Ang environment  department ang mismong nagbigay sa kanila ng permit noong 2004 – nang ito’y isang lingkod-bayan pang NGO – para i-conserve at idevelop ang 353 hectares ng protected area sa Barangay Sering, Socorro.

Sabi ni Senadora Risa Hontiveros, ang unang nag-expose sa kulto, kung sinuspinde lamang ng DENR ang permit ng SBSI, napigilan sana ang child abuse. Nagsimula kasing pormal na mag-imbestiga ang DENR noon pang 2019 pero walang naging aksiyon.

Ayon sa mga report, inutusan din ng Socorro cult ang mga miyembro nito na iboto ang Sara Duterte-Ferdinand Marcos Jr. tandem noong eleksiyon. Hindi ito kaiba sa practice ng block voting ng isa pang makapangyarihang grupo – ang Iglesia ng Cristo. 

At siyempre, sinong tatalo sa lakas ng kapit ni Quiboloy na ang BFF ay ang longtime mayor ng Davao na si Rodrigo Duterte? Ang network ni Quiboloy na SMNI o Sonshine Network, puntahan ng mga pulitiko upang manligaw ng boto sa Mindanao ilang dekada na. Nang naging Presidente si Digong, sumikat din si Quiboloy sa pambansang antas.

Si Ecleo Sr., naging alkalde; ang asawang si Glenda’y naging congresswoman; habang ang anak na si Ecleo Jr. – na isa umanong shabu addict – ay nahalal na mayor at congressman. Hindi birong sabihing nagmistulang mga diyos ang mga Ecleo sa isla ng Dinagat, kung saan naipanalo ng mga miyembro ng clan ang 10 puwesto sa gobyerno noong 2022.

Hindi malayo sa bituka ang mga kulto, malapit sila sa sentido, at bihasa sa pagsasamantala ng mga kahinaan, pagnanais, at pangangailangan nating tumingala sa isang Diyos – kahit sila’y diyos-diyosan lamang.

Kailangan natin ng batas na puputol sa kalabisan at maglalagay sa lugar sa impluwensiya ng mapagsamantalang mga kulto, maliit man o mainstream.

Sana’y magsilbi itong babala sa lahat ng mga sumasampalataya sa mga kulto na iwaksi ang blind faith. Huwag magpagamit sa mga scammer sa likod ng relihiyon. – Rappler.com

1 comment

Sort by
  1. ET

    I agree: “Kailangan natin ng batas na puputol sa kalabisan at maglalagay sa lugar sa impluwensiya ng mapagsamantalang mga kulto, maliit man o mainstream.” I hope Rappler will update us on the actions of our Senators and Congressional Representatives on this issue especially those connected with some of these religious organizations which may be also called as “cults.” It will be interesting to read about this in Rappler and watch those deliberations in both FB and YouTube.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!