Manila Bay rehabilitation

[EDITORIAL] Sagipin ang Manila Bay

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[EDITORIAL] Sagipin ang Manila Bay
Motto ba ng mga taga-DENR ang 'We squander as one?'

Gagawin nating puti ang buhangin ng Manila Bay dahil “ito’y mag-si-signify ng kalinisan.” Ito ang kaswal na paliwanag ni Environment Undersecretary Benny Antiporda sa pag-aangkat ng crushed dolomite boulders mula Cebu at pagtatambak dito sa Manila Bay.

May mga tawag sa Ingles diyan: “oblivious” o bulag sa realidad. “Insensitive” o walang pakialam sa dinaranas ng iba. 

Insensitive gumastos sa pagbu-beautify ng Manila Bay sa panahon ng pandemya. Tulad ng punto ng mga nasa social media, mali ang timing dahil ngayo’y panahon ng matinding paghihirap ng taumbayan. Namamalimos na ang mga drayber ng jeep na bahagya lamang naambunan ng cash aid ng gobyerno. Pero narito ang DENR, inuuna ang porma, hindi ang sustansya. Kunsintidor din ang Bureau of Mines na nagbigay ng permit para minahin ang dolomite sa Cebu.

Ito’y panahon ng pangungurakot sa Philhealth ng bilyon-bilyon. Hindi ba dapat lalo silang nag-iingat na ang pera ng taumbayan ay nauuwi sa wastong pagkakagastusan?

‘We squander as one?’

Ayon kay Philippines Resilience Institute Executive Director Mahar Lagmay, aanurin lang ng alon ang white sand matapos ang high tide o bagyo, at kailangan itong tambakan pana-panahon. Sa madaling salita, hindi ito sustainable. Mukhang nagtatapon ng pera ang DENR, literally, sa Manila Bay. 

Kung motto ng mga tiwali sa Philhealth ang “we steal as one,” sa DENR ang motto ba ay “we squander as one?” 

Tigilan na ang ‘optics’

Magpapanggap ba tayong malinis na ang Manila Bay dahil may white sand, o may higanteng isdang nahuli? Batid ng DENR na malayo pa sa pagiging malusog ang lagay ng bai.

Bakit optics ang tinututukan? Bakit hindi magdiin sa pagbabalik ng likas na balanse nito? May nakita nang sardines sa Manila Bay na magandang senyales. Pero ayon sa Oceana Philippines, anumang progresong nakamit sa nakaraang dalawang taon, makakasama lang ang crushed dolomite dahil hindi ito bahagi ng natural na ecosystem sa lugar.

Ayon sa mga eksperto, ang dinurog na dolomite ay maaring magdulot ng respiratory ailments at maaaring nakakakanser.

Kung gusto nilang linisin ang Manila Bay, tiyaking hindi patagong nagtatambak ang mga factory ng toxic waste dito. Linisin ang mga tributary ng Manila Bay. Tamnan ng puno at bakawan ang puwedeng tamnan sa paligid ng Manila Bay at ibalik muli ang mga habitat ng mga isda.

Political will ang dahilan bakit ibinoto ng mga Pilipino si Ginoong Rodrigo Duterte noong 2016. Pero bakit tila Imelda Marcos ang diskarte ng kanyang mga tao? Di ba’t beautification ang expertise ni Madame, kung saan itinago niya ang mga iskwater sa likod mga pininturahang pader? 

Dati nang itinuring ni Pangulong Duterte na tila waste basket ng mga bangkay ang Manila Bay nang binalaan niya ang mga hahadlang sa landas niya sa Kongreso na “I will dump you in Manila Bay and fatten the fish there.”

Hindi tapunan ng basura o bangkay ang Manila Bay. Hindi rin ito manunumbalik sa dating yaman kung walang matinong plano. 

Dito pumapasok ang iba pang tanggkang tambakan ang Manila Bay, tulad ng paliparang nais itayo doon na sisira sa mga coastline na tahanan ng mga isda, puno, at komunidad na mangingisda. 

Magkakabit ang bituka

Save Manila Bay. Sagipin natin ang bai na kumalinga sa ating mga ninuno bago pa dumating ang mga Kastila. Sagipin natin ito mula sa mga oportunistang proyektong negosyo tulad ng reclamation para sa mga condo, mall, casino, at airport. Ganun na rin mula sa mga ampaw na proyektong pagpapaganda.

Hindi kailangan ng Manila Bay na magmukhang malinis. Ang kailangan nito’y tunay na pagkalinga ng buong ecosystem na mga puno, tanim, ibon, isda, dalampasigan, at komunidad.

Higit sa lahat, dahil magkakabit ang bituka ng dalawang anyong tubig, kailangan ng Manila Bay na luminis ang Pasig River. Main tributary ito ng bai at pinanggagalingan ng 21% ng basura nito. (BASAHIN: MANILA BAY REHAB: Why the bay can’t be saved in 6 months)

Kailangan natin ng pinag-isipang plano para sa biodiversity at proteksyon ng ecosystem. Hindi pekeng puting buhangin. Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!