[EDITORIAL] Ang anino ng backhoe sa Ampatuan massacre

Pahupa na ang tuwa sa hatol ni Judge Jocelyn Solis Reyes sa Ampatuan masaker. Tila nahimasmasan na ang marami at bahagyang nanumbalik ang agam-agam ng mga kamag-anak ng pinaslang. May dalawang pangunahing akusadong nakalaya sa kabuuang 65 na pinawalang-sala, habang nasa 80 mga suspek ang nakatakas sa pagkakaaresto at pagkakakulong. 

Bitin na tagumpay? Walang dudang isang malaking tagumpay ito para sa hustisya. Nakakulong na ang notoryus na magkakapatid na Ampatuan, lalo na si Datu Unsay na ‘di lamang kasama sa pagpaplano – namuno siya sa walang habas na pamamaril sa mga sibilyan at media. Sa kwento nga ng isang saksi, ginawang contest nina Unsay at mga alipores niya ang pamamaril. 

Totoong “malaking Pamasko” ito para sa mga pamilya na 10 taong nanindigan at sumubaybay. Ito'y sa gitna ng pananakot at tangkang panunuhol upang manahimik sila. 

Pero tanging pinatunayan ng trial of the decade na kailangan ng tiyaga at pagsubaybay ng mga pamilya at media upang makamit ang hustisya. Sa kabila ng isang dekadang pagbabantay, hindi ito naghatid ng closure para sa pamilya ng pang-58 na biktima.

Impunity is here to stay. Dahil ang malungkot na katotohanan ay ito: walang binabago ang hatol sa kalakaran ng hustisya sa bansa. Marami pa ring mga kasong mareresolbang pabor sa mayaman at makapangyarihan kahit guilty. Marami pa ring inosenteng mahihirap na mabubulok sa bilangguan. 

Ayon sa 2018 World Justice Project Rule of Law Index, kasama sa mga kulelat ang Pilipinas (pang-102 sa 113) sa mga bansang may epektibong sistemang hudikatura.

Palagian pa ring gagamitin ang batas upang iharass ang mga kritiko at kalaban sa pulitika ng mga nasa kapangyarihan. 'Yan ang tinatawag na weaponization of the law.

Hawak pa rin sa leeg ng mga warlord ang pulisya at ilang piling sundalo. Kaya't nananawagan ang National Union of Journalists in the Philippines na managot ang estado sa mga krimen ng sarili nitong kapulisan. (BASAHIN: How the Ampatuans commanded the police to carry out massacre)

Hindi bumuti ang sitwasyong 10 taon matapos ang Ampatuan massacre – sa katunayan, nakaukit na sa bato bilang polisiya ang pagtugis at pagpatay sa mga pinaghihinalaang maka-Kaliwa o umano'y durugista. Tinatantiyang 27,000 na ang biktima ng extrajudicial killing, habang mismong kapulisan ay tinatantiyang nasa 5,050 ang mga insidente ng pagpaslang.

10 taon matapos ang Ampatuan masaker, dinala nga sa korte – at nakulong habambuhay – ang karamihan ng may sala. Pero mismong ang 10 taong itinagal ng kaso ay sintomas ng hindi malusog na hudikatura. Sabi ng Integrated Bar of the Philippines, “delay breeds corruption, and despair." Kung inosente nga ang ilan sa 56 na pinawalang-sala, 10 taon na silang nakatunganga sa kalaboso.

10 taon matapos ang masaker, ang repormang dapat na magtitiyak na hindi na ito mauulit ay nananatiling isang taghoy. (BASAHIN: Use Ampatuan conviction to push for reforms vs culture of impunity)

Huwag nating kalimutan na ang mga Ampatuan ay produkto rin ng padrino at dynasty politics ng bansa. 

Sino ang enabler ng mga Ampatuan? Lumobo ang kapangyarihan ni Andal Ampatuan Sr sa ilalim ni Gloria Macapagal Arroyo na kumunsinti at nakinabang sa paghahari nito sa Maguindanao at impluwensya nito sa ibang pulitiko sa ARMM. 

Namayagpag ang mga warlord tulad ni Andal Sr dahil sila ang nagtiyak ng mga boto para sa katulad ni Arroyo sa panahon ng eleksyon. At bilang pagtanaw ng utang na loob, pinabayaan silang magtayo ng mga private armies – kunwari’y sibilyang volunteer group pero armado. Pinabayaan silang kontrolin ang kapulisan at mang-impluwensya ng ilang heneral.  (BASAHIN: [ANALYSIS] What the Ampatuan massacre verdict did not – and could not – address)

‘Yan ang anino ng backhoe ng Ampatuan massacre. Tulad ng backhoe na naglibing sa mga pinaslang, nakalibing na rin ang reporma – sa larangang pulitikal at hudikatura – na sana’y magtitiyak na hinding-hindi na ito mauulit. 

Totoong pansamantalang naulanan ang bansang uhaw sa hustisya. Pero tingnan niyo si Sajid Ampatuan – hindi lang nakabalik sa pulitika bilang alkalde matapos makapag-bail, nakapang-isnab pa siya ng korteng nagpatawag sa kanya. Marami ring nabilaukan na ang dating abogado ng mga Ampatuan – ang tagapagsalita ng Palasyo na si Sal Panelo – ang pumupuri sa desisyon. 

Pekeng pag-asa? Matapos ang eleksyon nitong Mayo, nagbalikan ang mga gahaman, kawatan, at mass murderers sa sistemang nagkubli at nagpayaman sa kanila. Parang mga anay sa haligi, nakasilong sila sa lilim ng pekeng pag-asang nilikha ng hatol. – Rappler.com