Israel-Hamas war

[EDITORIAL] Israeli-Hamas war: Iisa lang ang panig ng kapayapaan

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[EDITORIAL] Israeli-Hamas war: Iisa lang ang panig ng kapayapaan

Nico Villarete

Sa tindi ng impluwensya ng US bilang Super Power, nakapagtakda na sana ito ng neutral na landas kung saan ito ang mamumuno sa daan tungo sa kapayapaan

Namamatay ang isang bata tuwing 10 minuto sa Gaza Strip, ayon kay World Health Organization Director General Tedros Adhanom Ghebreyesus. Kaya nga tinatawag niya itong isang “children’s graveyard.” 

Karugtong niyan, sabi ni Amnesty International chief Agnes Callamard, ang  “double standard” ng mga gobyerno ang “mas malaking banta sa human rights” ngayon.

Noong kalagitnaan ng Oktubre, nagtungo kaagad si American President Joe Biden sa Tel Aviv sa isang show of support para sa Israel, matapos ang teroristang atake ng resistance group Hamas noong Oktubre 7.

Noong Oktubre 20, sinabi ni Biden na kritikal sa US security ang suporta para sa Israel at Ukraine habang humihingi siya sa American people ng $14 billion para sa Israel. Ayon kay Biden, pakikibaka daw ito ng mga demokratikong bansang lumalaban sa kapitbahay nilang layon silang lipulin.

Pero iba ang reality on the ground, Ginoong Biden. One-sided war ang Israeli-Palestinian conflict. Sa tindi ng imbalance ng lakas militar, walang existential “threat to democracy” na dulot ang Hamas sa Israel maliban sa imahinasyon ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu at Biden. 

Ayon sa Al Jazeera, hindi bababa sa 11,078 Palestinians ang namatay na sa Gaza simula Oktubre 7. Lagpas-lagpasan na ang death toll ng higit isang buwang atake sa Gaza kung ikukumpara sa death toll sa giyera sa Ukraine na may 22 buwan na ang tagal.

Sabi pa ni Ghebreyesus, “Nagsisiksikan sa mga corridor ng mga ospital ang mga injured, may sakit, at naghihingalo. Nag-uumapaw din ang mga morgue. Pangkaraniwan ang mga surgery na walang anesthesia.” Dagdag pa niya, “Tens of thousands of displaced people [are] sheltering at hospitals.”

Mahaba na ang kasaysayan ng pakikialam ng Estados Unidos sa Gitnang Silangan – pero malinaw pa sa sikat ng araw sa disyerto ang mishandling ngayon. Sa tindi ng impluwensiya ng US bilang Super Power, nakapagtakda na sana ito ng neutral na landas kung saan ito ang mamumuno sa daan tungo sa kapayapaan.

At ayon sa Al Jazeera, may dalawang naratibo sa US media: ang isa’y nakikinig sa nangyayari sa mga lansangan ng Gaza, habang ang mainstream media ay nabibilaukan sa pagkukuwestiyon sa linya ng State Department kundi man tahasang dinadala ang Pro-Israel na mensahe.

Matindi na rin ang reaksyon ng Arab world sa walang patid na patayan sa Gaza. Kabi-kabila ang rally laban sa kalunos-lunos na pambobomba sa mga Palestinian. 

Kumibo na rin si Jordan Queen Rania, na nagsasabing “shocked and disappointed” ang mga tao sa Arab world at Jordan sa “double standard” ng West sa tindig nito sa giyera sa Gaza.

Pero kung nagugulantang ang mga Arabo, tila walang napasulpot na inisyatibo ang Arab countries upang wakasan ang sigalot maliban sa pagkondena sa masaker. Ito’y sa gitna ng masasalimuot na vested interest ng mga Arabong bansa, kasama na ang hangaring ipreserba ang diplomasya sa US at Israel.

Uulitin ng Rappler ang panawagan nito noong isang linggo: kailangang magkapit-kamay ang buong mundo upang wakasan ang pinakamalupit na giyerang nagaganap na pumapatay ng libo-libong sibilyan, at magtalaga ng ceasefire doon.

Dapat nang gamitin ng Estados Unidos ang pera at impluwensiya nito hindi para kumunsinti, kundi pakalmahin ang war lust ng alyado nitong Israel.

Sabi ng Jewish-American professor na si Jason Stanley, humaharap daw ang mga anak ng mga Jew sa pamanang double identity: habang biktima sila ng mass killings sa Auschwitz, tumanghod lamang ang mga Jew sa mass killings ng Palestinians sa ngalan nila.

Hindi lang mga Jew sa Amerika ang dapat humarap sa salamin – lahat ng bansang nagmamahal sa kalayaan at kapayapaan ay dapat magdemanda ng katapusan sa giyerang ito.

Iisa lamang ang panig sa labanang ito – ang panig ng kapayapaan, ang panig ng katotohanan laban sa propaganda, at ang pagiging makatao sa harap ng poot. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!