media industry

[EDITORIAL] Sanlibo’t isang laslas mula sa ‘Eat Bulaga’ at Tito, Vic, and Joey

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[EDITORIAL] Sanlibo’t isang laslas mula sa ‘Eat Bulaga’ at Tito, Vic, and Joey

Nico Villarete

Ito ang pagkakataon ng mga manonood na sabihing, 'We deserve better'

Sanlibo’t isang tuwa. 

‘Yan daw ang ligayang dulot ng Eat Bulaga sa loob ng higit sa 43 taon (mula June 1979) sa ilalim ng mga TV station na RPN9 at GMA7. 

Mabuti pang tawagin na rin nating sanlibo’t isang LASLAS.

Ayon sa peministang kolumnista ng Rappler na si Ana Santos, kung si Donald Trump daw ang global symbol ng white/upper class privilege at sexism, ang trio nina Tito, Vic, and Joey naman daw ang Philippine equivalent ni Trump.

43 taon din itong toilet humor, panlalait sa may kapansanan, sa bakla, sa pangit, at sa kababaihan (to name a few).

Sanlibo’t isang laslas sa psyche ng kabataang manonood ang mga gumigiling na babaeng kakarampot ang saplot habang lalo pang sinesemento ang loyalty ng viewers gamit ang giveaways at papremyo. (To be fair, ginagawa ito ng lahat ng noontime at game shows, pero ang nagpasimuno ng template ay Eat Bulaga.) 

Dahil household name at walang sintaas ang ratings – hindi matatawaran ang ambag sa dumbing down ng mga Pilipino at pagsayad ng standards natin bilang isang bansa sa kung ano ang “entertainment.”

Indikasyon ng matinding impluwensiya nina Tito, Vic, and Joey o TVJ ang pagkapanalo sa Senado ni Tito Sotto kung saan na-legitimize ang konserbatibong pananaw niya sa reproductive health (RH). Hinarang niya ang budget para sa implants at minalisya ang social welfare secretary noon na si Judy Taguiwalo na itinutulak daw ng kalihim ang RH dahil “na-ano ka lang” – pasaring sa kanyang pagiging isang single mother.

Andiyan din ang kaso ni Pepsi Paloma noong 1982, ang “softdrink beauty” na umakusa kina Vic Sotto, Joey de Leon, at ang Bulaga co-host na si Richie D’Horsie Reyes ng panggagahasa. Inakusahan din si Tito Sotto na nanutok daw ng baril upang paatrasin si Paloma sa mga akusasyon (napapirma ni Sotto si Paloma sa isang affidavit of desistance na hindi raw ito totoo).

Hindi man inamin ng TVJ ang akusasyon ng panggagahasa (na noong panahon na ‘yun ay kamatayan ang hatol), umapir sila sa national TV na nakaluhod at humihingi ng paumanhin. Indikasyon ng tindi ng pagkawasak ng buhay ni Paloma ang pagpapatiwakal niya noong 1985.

Sa kabila ng mga uso at nawala sa uso, sa maraming parada ng co-hosts/girlfriends, at sa kabila ng matinding kontrobersiya tulad ng Paloma isyu, hindi pa rin natinag ang paghahari ng Eat Bulaga sa telebisyon.

Hindi sumasayad na ratings at nahihimasmasang publiko ang dahilan ng pag-alis ni Tito, Vic, and Joey sa Eat Bulaga. Ito’y internal na bangayan ng grupo ng convicted rapist na si Romeo Jalosjos na may-ari ng TAPE productions at ng grupo ni Tony Tuviera na binitbit sina TVJ at iba pang co-host sa isang grand exodus.

Ayon sa source ng Rappler, ang tatlong TV host na kumikita raw bawat isa ng nasa P9 milyon kada buwan ay malamang pumunta sa TV5, kung saan matutungkab sa time slot ang isa pang sikat (pero tila hindi kasing sikat) na noontime show, ang Showtime, na ililipat daw sa late afternoon time slot. Tsk, tsk, ganyan talaga ang buhay ng telebisyon, dog-eat-dog.

Panahon nang pag-usapan ang pamana na misogyny, sexism, toilet humor, at pambobobo ng pinakasikat na trio sa Philippine entertainment. Panahon na ring pag-usapan kung papaano hinuhubog ng telebisyon, at ngayon ng internet, ang values natin bilang isang bayan.

Kung totoong aampunin ng TV5 sina TVJ, ito ang pagkakataon ng mga manonood na sabihing, “We deserve better.” – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!