SONA 2021

[OPINYON] SONA naman magbago na ang Pilipinas

John Leo C. Algo

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] SONA naman magbago na ang Pilipinas

Illustration by Guia Abogado

'May pag-asa dahil patapos na ang isa sa mga pinakamasalimuot na panahon sa ating kasaysayan. Siguruhin nating hindi na ito mauulit...'

Ilang araw na lang, Pasko na…para sa mga DDS.

Malapit na ang huling State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte. Siguradong maraming tututok, dahil para sa ilan, walang ibang palabas sa telebisyon, habang ang iba naman, papalakpak sa bawat salita at paghinga ng Presidente, na para sa kanila’y isang diyos. At siyempre, mayroong manonood dahil gusto nilang makita kung paano babaluktutin ang katotohanan.

Walang dudang mas malala ang estado ng ating bansa ngayon kumpara noong 2016. Ang Pilipinas ay parang isang inaabusong asawa: kitang-kita ng lahat (ng ibang bansa) maliban sa kaniya na minumura, ginugulpi, at binubugbog-sarado siya, pero sa sobrang takot at pagiging sanay na sa ganitong pagtrato, ang tingin niya’y ganito ang mukha ng tunay na pagmamahal. 

Hindi tayo nasa Japan. Huwag tayong umasang aamin ng pagkukulang o pagkakamali ang ating mga opisyal sa harap ng publiko. Hindi lang ito nakikita sa panahon ni Duterte, kundi maging sa mga nakalipas na administrasyon. 

Ngunit iba ang atake ng kampo ng kasalukuyang Pangulo. Mas nakatuon ang atensyon sa pagkuha ng suporta ng publiko sa pamamagitan ng pag-atake sa mga elitista at sistema, na gustung-gustong marinig ng masa. 

Must Read

Duterte’s final SONA in hybrid format again due to persistent pandemic – Sotto

Duterte’s final SONA in hybrid format again due to  persistent pandemic – Sotto

Kahit pawang kasinungalingan at perwisyong totoo lamang, basta kontra sa mga mayayaman at mga pamilyang dominante sa pulitika, suportado agad. Kahit na kabilang ang mga Duterte sa mga mayayaman at political dynasty, magpapanggap pa ring hindi nila alam. At kahit alam nilang mali at bigo ang mga programa ni Duterte, iniidolo pa rin. 

Isipin nating maigi: lahat ng nababalitang mga troll at mga nagkakalat ng maling impormasyon ay mga sumusuporta kay Duterte o Marcos. Sa hilig ng mga Pilipino sa social media, bakit walang naibabalitang troll na sumusuporta sa oposisyon? Kung totoong popular si Duterte sa buong bansa na lagpas 90% batay sa mga survey, bakit kailangan pang magkalat ng fake news?

Asahan natin na gagamitin ni Duterte at ng kaniyang mga tagasuporta ang kaniyang huling SONA upang pabanguhin ang kanilang panig para sa darating na halalan. Hindi pa nga panahon ng kampanya, naglilitawan na ang kaniyang mga kaalyadong sabik na sabik nang tumakbo, katulad ng mga paulit-ulit at nakaiiritang mga patalastas ng Lazada at Shopee. 

Halimbawa: isang buwan nang tapos ang Father’s Day, bumabati pa rin sila sa telebisyon, sabay banat na kasama sa Build, Build, Build ang mga proyektong sinimulan ng nakaraang administrasyon. Ano ang susunod: remix ng “Nakaligo ka na ba sa dagat ng basura?”

Must Read

CONTEXT: Duterte’s economic team glosses over bad numbers in pre-SONA forum

CONTEXT: Duterte’s economic team glosses over bad numbers in pre-SONA forum

Alam naman natin ang tunay na kalagayan ng ating bansa. Bago pa tayo tamaan ng pandemya dulot ng COVID-19, hindi ganoong kaganda ang kalagayan ng maraming Pilipino. Palpak ang giyera kontra droga. Nakakahiya ang asal ng maraming opisyal sa pamahalaan, lalo na ng ilang mga kongresista at senador. Halatang iba ang pagtrato sa China at ang kanilang mga mamamayan, kumpara sa mga Pilipino sa sarili nating bansa. Patuloy ang sapilitang pagpapatahimik sa mga kritiko, lalo na sa mga miyembro ng media.

Lalong lumitaw ang kahinaan ng pamumuno ni Duterte sa panahon ng pandemya. Lagpas isang taong naka-lockdown ang Pilipinas, pero aabot sa ilang libo pa rin ang bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 araw-araw. Nang tumama ang mga bagyong Rolly at Ulysses sa kalagitnaan ng pandemya, lumabas na natulog ang Pangulong nakamandatong mamuno sa panahon ng krisis. Anong klaseng pinuno ang nagbibiro bagamat may posibilidad na tuluyang pumutok ang Bulkang Taal? 

Sa bawat pag-angal na nauubusan na ng pera ang gobyerno, papasok sa ating isipan ang mga proyektong nag-aksaya ng buwis ng taumbayan. Ang gintong kaldero noong SEA Games? Ang dolomite beach sa Manila Bay? Ang milyun-milyong pera mula sa Bayanihan Act na hindi man lang nagamit? 

Sa totoo lang, gustuhin man nating magbanggit ng magandang nangyari sa ating bayan sa nakalipas na limang taon, mahirap itong gawin, lalo na kung mahilig mag-angkin ng papuri at tagumpay ang kasalukuyang liderato. Sadyang higit na mas maraming kontrobersya, kapalpakan, at kahihiyan ang naganap sa pamumuno ni Duterte, sa kabila ng pagsisikap ng marami sa ating gobyerno, sa pribadong sektor, at ng mga mamamayan. 

Must Read

Duterte and Congress: Quick on controversial measures, slow on priority bills

Duterte and Congress: Quick on controversial measures, slow on priority bills

Kapag sinubukang tanungin ang mga DDS na patunayang hindi totoo na nangyayari ang mga ito sa ating bayan, walang ibang maririnig kundi “Inggit lang kayo,” “Mga dilawan!” o “The best talaga si Tatay Digong” na parang mga lorong kahapon lang natutong magsalita. Unti-unting nagiging bihira ang matinong usapan; nauuwi sa bastusan at batuhan ng paratang. 

Umabot na tayo sa puntong ipinagyayabang ang pagiging inutil at malakas ang loob ng mga opisyal na panatilihing mangmang ang mga Pilipino, katulad ng intensyong pag-aalis ng mga licensure exam. Tayo ay nasa puntong desperado ang maraming Pilipino sa pagbabago at tunay na mababa ang pananaw sa pamahalaan, sa kabila ng mga resulta ng survey. 

Bakit? Dahil wala mang pinagkaiba si Duterte o ang kaniyang mga kaalyado sa mga trapong matagal nang nagpapahirap sa Pilipinas, mas gugustuhin nila ng ganitong istilo ng pamumuno. Imbis na malasakit, puro malas at sakit ang dala sa mamamayan. 

Tignan natin ang ating pagpipilian para sa susunod na Presidente: anak ng Presidente, boksingerong walang alam sa pagiging epektibong opisyal ng gobyerno, dakilang alalay, at dating pulis na tumakas para umiwas sa pag-aaresto sa kaniya. Ito na ang ibig sabihin ng “iba,” kahit na wala silang pinagkaiba. Kahit na kitang-kita na palpak ang ganitong liderato, pinaiiral ang emosyon kaysa sa sentido kumon.

Dahil tayo ang nagluklok sa mga lider nating responsable sa mga hindi mabuting pangyayari sa ating bansa, may pananagutan tayo sa mga epekto ng nasabing pangyayari. Nangangahulugan din ito na tayo rin ang may kakayahan na baguhin ang takbo ng ating kapalaran, na siguruhing mararamdaman ng lahat ang likas-kayang pag-unlad ng ekonomiya, maaalagaan ang kalikasan, bibigyang-halaga at irerespeto ang buhay ng ating kapwa, at matatapos na ang pang-aabuso.

Oo, hindi natin masasabing maganda ang estado ng Pilipinas ngayon. Gayunpaman, dapat nating tignan ang ating kinabukasan ng puno ng pag-asa, pero hindi dahil sa epekto ng pamumuno ni Duterte. May pag-asa dahil patapos na ang isa sa mga pinakamasalimuot na panahon sa ating kasaysayan. Siguruhin nating hindi na ito mauulit at bumoto nang tama sa 2022. – Rappler.com

Si John Leo Algo ay isang citizen journalist at manunulat sa mga suliraning pangkalikasan at panlipunan mula noong 2016. Nagtapos siya ng MS Atmospheric Science sa Pamantasang Ateneo de Manila noong 2018.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!