teachers in the Philippines

[OPINYON] Piniling pagtuloy ng mga guro

Riz Supreme

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] Piniling pagtuloy ng mga guro
'Sana tayo rin ay magkaroon ng ganitong tapang: ang piliing magpatuloy araw-araw'

Tinulak tayo ng pandemya sa panibagong paraan ng pamumuhay: kinailangan nating mangapa sa dilim at humarap sa bawat araw nang walang katiyakan sa kinabukasan. Marami sa atin ang nakatuon na lang ang pansin sa paniniguradong makalalampas tayo sa krisis na ito kasama ang ating mga minamahal sa buhay. Pero gaya ng mga medical frontliner na pinipiling ilagay ang sarili nila sa panganib para sa kapakanan ng iba, nakatuon ang pansin ng kaguruan ‘di lamang sa sarili nila’t mga minamahal, kundi maging sa mga studyante kinakailangang maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral.

Una: si Toni. Siya ay isang guro sa private school. Bata-bata si ‘Cher Toni kasi kaka-graduate niya pa lang mula kolehiyo noong 2018. Mahirap tapatan ang energy ni ‘Cher Toni — laging aktibo ang pinagagawa niya sa kanyang klasrum at lagi rin siyang aktibo sa paggawa ng mga proyekto para sa ikagaganda ng pag-aaral ng mga bata. Sabik siyang makapaglingkod sa school kung saan siya nagtuturo kasi ito rin mismo ang school kung saan siya nag-aral ng elementarya. Pag-give back ang pangunahing layunin niya sa pamamalagi sa school na ito. Bonus na lang ang work experience na makukuha niya rito bilang paghahanda para sa pagpapa-rank sa DepEd. 

Pangatlong taon niya na sana ito sa school pero noong unang araw ng Agosto, nag-anunsyo ang kanilang school na hindi muna ito magbubukas sa darating na taon. Matumal ang enrollment sa school nila dahil ang karamihan ng magulang ay nasa pag-iisip na, “Kung distance learning lang din naman, edi sa public ko na i-eenroll ang anak ko. Wala pang tuition-tuition dun.” Dahil sa kakulangan ng mga enrollees, nagpasya ang administrasyon ng school ni ‘Cher Toni na magsara na lamang sila sa taong ito. Kapag walang pumapasok na revenue mula sa tuition fee, wala ring maipapasweldo ang school sa mga guro at personnel na nagtatrabaho rito. 

Gusto sanang makalipat ni ‘Cher Toni sa public school pero mahaba kasi ang proseso ng ranking sa DepEd. Inaasikaso niya na ang mga kahingian pero hindi niya alam kung kailan siya matatanggap at mabibigyan ng item. Hindi na siya makahihintay nang matagal dahil breadwinner siya ng kanyang pamilya, kaya nagpupursigi siya ngayon sa part-time na pag-tutor at pagbebenta ng mga damit at gamit sa Facebook.

Ikalawa: si Frankie. Siya ay isang guro sa public high school. Kamakailan, binigyang diin ng DepEd ang kahalagahan ng edukasyong inclusive para sa mga learners with special needs (LSENs). Noong 2009 pa talaga may polisiya tungkol dito, pero sa panibagong puwersang dala ng DepEd ay mas napagtuunan ito ng pansin. Ang school ni ‘Cher Frankie ay walang hiwalay na section para sa LSENs kasi wala silang special education (SPED) teacher. Pero buhat ng mga puwersa sa DepEd noong 2018, nagkaroon sina ‘Cher Frankie ng SPED training para kina ‘Cher Frankie at sa kanyang mga kapwa guro. Nagkaroon din sila ng LSENs enrollees na pumasa sa entrance exam at sinali sa mga sections ng school. 

May mabuting puso si ‘Cher Frankie at mahal niya ang kaniyang mga studyante pero nahirapan talaga siya sa pagturo sa dalawa niyang LSENs sa klase. Minsan, nang tumakbo si Cris (ang isang LSEN ni ‘Cher Frankie) palabas ng klasrum dahil siya’y na-trigger sa nakuha niyang score sa isang exam, naisip ni ‘Cher Frankie ito: “Hahabulin ko ba siya at iiwan ang natitira kong 49 na studyante o hahayaan ko na lang siya?” Sa kabila nito at ng pagod ni ‘Cher Frankie, inatasan niya ang 49 niyang studyante na ipagpatuloy ang seatwork at ibinilin sa guro ng katabing klasrum ang mga studyante para mahabol niya si Cris.

Iilang SPED training session lang ang binigay kina ‘Cher Frankie kaya minabuti niyang ipagpatuloy ang pagbabasa, pagtatanong, at panonood ng mga video tungkol sa SPED tuwing may free time siya. Sa mga nakalipas na buwan, habang nasa quarantine, nagkaroon ng kaunting dagdag na oras para dumalo sa mga online training at webinar patungkol sa pagtuturo at sa SPED ngayong distance learning. Ibang klase talaga ang sipag at puso ng mga guro, kahit na gaano ka-overworked at underpaid sila.

Ikatlo: si Pat. Siya ay isang guro sa public elementary school. Grade 3 ang hawak niya. Tatlo sa kanyang 56 na studyante ay hindi pa marunong magbasa nang Filipino kaya nahihirapan silang makasunod sa klase. BS Education major in Mathematics talaga ang tinapos ni ‘Cher Pat, pero gagawin niya ang kinakailangan para sa mga studyante niya. Pagkatapos ng tuloy-tuloy na 6 na oras ng pagtuturo at pag-aalaga sa mga bata, naglalaan si ‘Cher Pat ng isang oras para mabigyan ng karagdagang atensyon ang 3 niyang non-readers. Bukod pa rito, gumagawa rin siya ng lesson plans, visual aids, long forms, at nagwawasto pa ng mga exam o quiz. Lahat ng ito, mula pag-tutor hanggang sa pag-check, ay ginagawa ni ‘Cher Pat sa labas ng oras na sinasama sa sweldo. Ika nga ng iba, teaching is a labor of love.

Limang taon nang nakahiwalay si ‘Cher Pat sa kanyang asawa at dalawang anak: taga-Romblon kasi talaga sila pero sa Quezon City ang item na binigay sa kanya noong 2015. Mula noon, nakikitira si ‘Cher Pat sa mga kamag-anak sa Quezon City o ‘di kaya’y nag-rerent ng maliit na apartment kasama ang mga co-teacher niya. Nakakauwi lang si ‘Cher Pat sa kanyang pamilya tuwing Pasko kasi mahaba-haba ang bakasyon noon at wala masyadong kinakailangang daluhan na training o event sa school. Minsan, nakakauwi rin siya tuwing summer break.

Pero nang mawalan ng klase sa Metro Manila noong March 10 at nagsimula ang sari-saring bersyon ng quarantine, lumiit nang lumiit ang posibilidad na makabalik pa si ‘Cher Pat at ang kanyang mga studyante sa school. Nang opisyal na ideklara ng DepEd ang wakas ng SY 2019-2020, agarang umuwi si ‘Cher Pat sa Romblon para makapiling ang kanyang pamilya. Kinalaunan, kinailangan niyang makasali sa Virtual In-Service Training ng kanilang school. Maykaya naman sina ‘Cher Pat sa Romblon pero mahina kasi ang signal doon kaya umaakyat siya sa lumang tree house sa kanilang lugar para lang makibahagi sa mga required training at meeting. May mga butas ang bubong ng tree house at makupad na ang laptop ni ‘Cher Pat, pero tumuloy siya para sa mga anak niya, para sa mga studyante niya, at syempre, para sa bayan. Maunawain naman ang mga bisor at kapwa guro ni ‘Cher Pat, kaya lalo siyang na-engganyong magpatuloy: kasi alam niyang hindi siya nag-iisa.

Tulad nina ‘Cher Toni, Frankie, at Pat, ginagawa ng lahat ng mga guro, school personnel, opisyales, at manggagawa sa DepEd ang lahat ng abot ng kanilang makakaya para masigurado ang pagpapatuloy ng edukasyon sa darating na taon: hindi lang dahil iniutos ito sa kanila o dahil kinakailangan nila ang kabuhayan, ngunit dahil alam din nila kung gaano kahalaga ang edukasyon para sa tuloy-tuloy na development at growth ng mga bata. Hinaharap nila ang mga hamong ito nang mulat ang mata sa kahirapang dulot ng pandemya at sa kakulangan ng gobyerno, pero pinipili pa rin nilang magpatuloy. Sana tayo rin ay magkaroon ng ganitong tapang: ang piliing magpatuloy araw-araw. – Rappler.com

Isang guro ng pagbasa sa pampublikong paaralan si Riz Supreme. Makiisa ka sa kanyang kilos para sa bata at bayan sa pamamagitan ng pag-aabot ng tulong o paglilingkod bilang guro.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!