[EDITORIAL] #AnimatED: Ang nagpapa-bully, lalong binu-bully!

Sa puntong ito, kababayan, nabalitaan mo nang binangga ng isang barkong Intsik ang isang bangka ng mga mangingisdang Pinoy. Ito ang buod ng mga pangyayari:

Ito'y hit-and-run sa karagatan. Habang lumulubog ang bangkang gawa sa kahoy, tumalilis papalayo ang mga Intsik (matapos magpatay ng ilaw) at inabandona ang mga binangga.

Nilabag ng mga Intsik ang pandaigdigang batas ng karagatan ng pagsaklolo. Nasa malaking panganib ang taong nalaglag sa dagat, lalo na sa open sea. Sa buong mundo, may tinatalimang batas ang lahat ng pumapalaot: dapat mong saklolohan ang “man overboard,” sinuman siya, saan mang bansa siya nagmula. Nilabag ito ng mga Intsik, big time!

Nagsisinungaling ang mga Instik. Sabi ng pahayag ng Tsina, hindi raw sila naka-rescue dahil “natakot sila sa 7-8 fishing boat na pumaligid sa kanila.” Ano 'ka mo? Walang ibang sasakyang pandagat noong gabi ng June 9 sa kinaroroon ng F/B Gem-Ver maliban sa Yuemaobinyu 42212. Pinatunayan ito ng satellite images

Nilabag ng mga Intsik ang exclusive economic zone ng Pilipinas. Ito ang area 200 nautical miles mula sa baybayin. Inamin mismo ng pahayag ng bansang Tsina na nagsasagawa ang barkong Yuemaobinyu 42212 ng "light purse seine operation" sa Recto Bank.

Uulitin natin: Pilipinas ang may eksklusibong karapatang mangisda sa Recto Bank, na sakop ng ating  Exclusive Economic Zone – isang kasunduan na inilatag sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at pinagtibay ng korte sa The Hague.  Sabi nga ni dating Pangulong Benigno Aquino III, "Kapag tumapak ka sa Recto Bank, para ka na ring tumapak sa Recto Avenue."

Ito'y bahagi ng matagalang intimidation ng Tsina. Pagmasdan mo ang larawan ng F/B Gem-Ver. Kung baga sa kotse, medyo kakarag-karag. Ang barko ng mga Intsik, ang Yuemaobinyu 42212, ay magara at bakal ang hull o katawan. May mga equipment ito na state-of-the-art. Walang kalaban-laban ang Gem-Ver sa maskulado nilang mga barko.

Ayon kay Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio, "malamang ay Chinese maritime militia" ang bumangga sa kawawang Gem-Ver dahil ito lamang ang may "reinforced steel hulls."

Gawain ng milisyang pandagat na ito na mambangga ng mga fishing boat – bagay na lagi nilang ginagawa sa mga Vietnamese – upang manindak at igiit ang di makatarungan nilang pananakop sa buong South China Sea gamit ang baluktot na lohika ng kanilang "9-dash line." (WATCH: How a Chinese ship sank a Vietnamese boat in 2014)

Bakit pinagnanasahan ng Tsina ang Recto Bank? Ayon sa pag-aaral ng mga geologist, hitik ito sa langis at natural gas. (BASAHIN: Recto Bank: Why China covets what belongs to the Philippines)

Ito ba ang pinagpipitagang asta ng isang kaibigan? Kung ganito ang kaibigan, hindi na natin kailangan ng kaaway! Ang laking kabaliktaran sa kilos ng mga Vietnamese na nag-rescue!

Ayon na rin kay Romulo Festin, ang mayor ng San Jose, Occidental Mindoro, na bayan ng mga mangingisda, masyadong malambot ang pamahalaan sa mga Intsik. "Kung wala man tayong muscle sa giyera eh sa bunganga man lang at sa tinatawag na proper court kung saan dapat dalhin 'yan.”

Ayon sa batikang mamamahayag na si Manny Mogato na nag-cover ng mahabang panahon sa Asya, dapat nang tigilan ng Pilipinas ang "maamo" nitong reaksyon sa bullying ng Tsina sa karagatan.

Kung saksakan ng anghang ang bunganga ni Presidente Rodrigo Duterte sa Estados Unidos, European Union, at United Nations, tila maamong tupa siya sa harap ng mga Intsik.

Black and white lamang ang tingin ni Duterte sa conflict natin sa Tsina – kung hindi tayo papalag, magpaka-doormat tayo.

Pero ito ang leksiyon ng Vietnam: sa kabila ng 'di matinag na paninindigan nito na sila ang may karapatan sa Paracels Islands, patuloy itong tumatamasa ng Chinese investment. Kailan ba maaarok ng Duterte administration na hiwalay ang negosyo sa pulitika ng mga Instik? At basta "good business" na manatili dito, hindi sila aalis.

Nag-tresspassing, nang-agaw ng yamang-dagat, nang-hit-and-run, nang-abandona ng malulunod na mangingisda, at nagsinungaling pa sa tunay na pangyayari! Pero, teka, pinag-aaralan daw ng Pangulo ang problema kaya siya patuloy na tahimik. Huh?

Mga kababayan, simple lang ang isyu sa binangga at pinalubog na barkong Pinoy sa Recto Bank: ang nagpapa-bully, lalong binu-bully!

Mayroong nuanced, calibrated at 'di nakapanliliit na tugon sa ganitong sitwasyon. Bagay na hindi kayang arukin ng isang Teddyboy Locsin na nagsabing "Fuck the international community" at walang naidadagdag na dunong sa usapin.

Tigilan na natin ang malaaliping asta sa harap ng higanteng walang modo, brusko at mapanlinlang. Tigilan na natin ang victim mentality na ito.

Panahon nang patunayan ng liderato ngayon na paninindigan nito ang ating soberanya – at karag-karag man ang ating mga sasakyang pandagat – hindi karag-karag ang ating karangalan. – Rappler.com