Sri Lanka

[ANALYSIS] Krisis sa Sri Lanka, kahawig ng nangyari noong Batas Militar

JC Punongbayan

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[ANALYSIS] Krisis sa Sri Lanka, kahawig ng nangyari noong Batas Militar

Reuters/govph/flickr

Matuto tayo mula sa kasaysayan. Kung ’di tayo matututo mula sa mga kamalian sa Sri Lanka ngayon, matuto tayo sa mga kamalian ng Batas Militar noon.

Umulit ang kasaysayan ng Pilipinas…sa Sri Lanka.

Noong Hulyo 9, sa gitna ng lumalalang krisis pang-ekonomiya, sumugod ang Sri Lankans sa tirahan ng kanilang pangulong si Gotabaya Rajapaksa (na lumisan ilang oras lang bago noon).

Nagulat ang madla sa karangyaang kanilang nakita.

Habang karamihan kasi sa Sri Lankans ay nagugutom at wala nang pera, napaka-luxurious pa rin ng pamumuhay ng lider nila. Sa loob ay may engrandeng staircase, mga malalawak na kuwartong tadtad ng chandeliers at mamahaling paintings, may grand piano, gym, swimming pool, atbp.

Sa kanilang inis at galit, ang mga tao’y nagpapicture sa mga pasilyo, natulog sa mga kama at sofa, kumain sa mahahabang lamesa, nakigamit ng gym, at lumangoy pa nga sa swimming pool.

Ugat ng krisis sa Sri Lanka

Pero bakit ganoon na lang ang poot nila kay Rajapaksa?

Dahil ang kanyang palpak na pamumuno at mali-maling mga polisiya ang siyang nagdulot ng pinakamalalang krisis pang-ekonomiya ng Sri Lanka mula noong lumaya sila mula sa mga British noong 1948.

Basically, wala nang pera ang Sri Lanka. Bangkarote na sila. Halos maubos ang kanilang reserba o reserves ng foreign currencies tulad ng dolyar (Figure 1).

In fact, sa sobrang pagkadesperado ng gobyerno nila para sa dolyar, nilimitahan na rin nila ang dolyar na puwedeng hawakan ng bawat ordinaryong tao roon. May multa kapag nahuling sobra-sobra ang hawak mong dolyar.

Paano ito nangyari?
Figure 1. International reserves ng Sri Lanka (million USD). Source: Trading Economics.

Una, nabaón sa utang ang Sri Lanka. Noong 2021, umabot na sa 119% ang kanilang “debt-to-GDP ratio,” mula 91% noong 2019. Ibig sabihin, noong 2021 ay mas malaki na ang utang nila kumpara sa kabuuang kita ng kanilang bansa.

Dahil dito, malaking bahagi ng kanilang reserves ang napunta lang sa pagbabayad-utang. At noong Mayo, nagdeklara ang kanilang gobyerno na ’di na sila makapagbayad-utang.

Ikalawa, samantalang umutang sila nang umutang, naging matumal din ang kita ng gobyerno. Nagbawas sila ng mga buwis noong 2019. Pero sa halip na palakasin noon ang paggastos ng mga tao (tulad ng inaasahan nila), sobrang nabawasan lang ang kita ng gobyerno.

Ikatlo, for the longest time ay masyadong mahal o “overvalued” ang kanilang salapi (Sri Lankan rupee) kontra dolyar. Ginagawa noong mura ang imports, pero ’pag masyadong maraming imports ay mabilis na mauubos ang dolyar na pambayad sa mga iyon.

Ikaapat, naubos din ang kanilang reserves dahil sa pagbagsak ng turismo ngayong pandemya. Bumagsak din ang remittances.

Epekto ng krisis

Ang kagipitan sa dolyares sa Sri Lanka ay isang textbook example ng tinatawag sa economics na “balance-of-payments crisis.”

Ito rin ang dahilan kung bakit wala nang pambili ang Sri Lanka ng basic necessities tulad ng pagkain, petrolyo, at gamot. Tuloy, maraming may sakit ang ’di magamot, maraming mga pampublikong sasakyan (bus, tricycle, atbp.) ang ’di makabiyahe.

May krisis din sa agrikultura dahil ipinagbawal ni Rajapaksa noong 2019 ang paggamit at pag-import ng pesticides at synthetic na fertilizers. Gusto niyang maging lider ang Sri Lanka sa organic farming. Pero ’di handa ang maraming magsasaka sa polisiyang iyon, at ’di nakapagsaka. Tuloy, may food crisis ngayon. Talamak ang kagutuman at kahirapan.

Sinusubukan ng Sri Lanka na mangutang ng emergency loan mula sa International Monetary Fund (IMF). Pero para ganahan ang IMF na magpautang, hinayaang humina ang Sri Lankan rupee kontra dolyar. Ngunit ang epekto, naging napakamahal ng imported goods.

Dahil sa mahal na imports at kawalan ng maraming basic commodities, umabot na sa kahindik-hindik na 54.6% ang inflation rate ng Sri Lanka. Halos mawalan na ng halaga ang pera nila.

Para awatin ang inflation, tinaasan na rin ng kanilang Central Bank ang policy interest rate nito upang ’di ganahan ang marami na mangutang at gumastos. Ngunit kung tuloy-tuloy ito, lalagpak lalo ang ekonomiya nila.

Parallels sa Batas Militar

Ang balance-of-payments crisis ng Sri Lanka ay lubhang kahawig ng economic crisis ng Pilipinas noong dekada ’80 sa ilalim ni dating pangulong Ferdinand E. Marcos.

Una, parehas ang mga sanhi:

Nagkulang tayo sa dolyares? Check. (In fact, paulit-ulit na problema ito sa dalawang dekada ng rehimeng Marcos.)

Nabaon tayo sa utang at naging bangkarote? Check. (Noong 1983, nagdeklara tayo ng “debt moratorium”– sinabi natin sa mundo na ’di na natin afford magbayad-utang.)

Mahina ang kita ng gobyerno? Check. (Grabe ang gastos ng diktadura, pero kulang-kulang naman ang kita. Kaya utang to the max ang matandang Marcos noon.)

Sobra-sobra tayong umasa sa imports? Check. (Pinanatili kasi ni dating pangulong Marcos ang ganitong import dependency para sa mga negosyo ng mga cronies at kapamilya.)

Nagkahawig din tayo sa mga epekto:

Mataas na inflation? Check. (In fact, nasa bandang 50% din ang inflation natin noong 1984.)

Rasyon sa petrolyo at bigas? Check. (Pero nagsimula ito noon pa lang dekada ’70 dahil sa world oil crisis. Pagdating naman sa bigas, naging palpak ang National Food Authority o NFA.)

Talamak ang kahirapan at kagutuman? Check. (Noong 1985, lagpas kalahati ng ating populasyon ang mahirap ayon sa mga pag-aaral. Nagkaroon din ng famine sa Negros.)

Nilimitahan ang paghawak ng dolyares? Check. (Ultimong mga OFWs, inutusan ni Marcos noon na ipadaan ang kanilang remittances sa “official channels” ng gobyerno. Kung ’di gagawin iyon ay baka bawiin ang kanilang work permit.)

Nangutang sa IMF? Check. (Pero naging matagal ang negosasyon kasi nadiskubreng nagsinungaling si Central Bank governor Jaime Laya at pinalobo ang statistics ng ating reserves para pagmukhaing ’di malala ang sitwasyon.)

Sadyang pinahina ang piso alinsunod sa IMF? Check. (Pero pinalala noon ang inflation, kaya umabot sa lagpas 50%.)

Tinaasan ang interest rates para labanan ang inflation? Check. (Pero dahil dito maraming sektor ng ating ekonomiya ang bumagsak ang produksyon o nagsara na lang, kaya tayo nauwi sa “recession” o pagbagsak ng kabuuang kita ng bansa.)

Marahil ang pinakakaibahan ng Pilipinas noong Batas Militar at Sri Lanka ngayon ay ’di naman tayo bumagsak dahil sa kakulangan ng turismo. Wala rin namang ban sa pesticides at synthetic fertilizers noong Batas Militar (pero bumagsak din ang investments sa agrikultura noong katapusan ng diktadura). Iba rin ang mga detalye ng korupsiyon noong panahon ng dating diktador at sa dynasty nina Rajapaksa.

Gayunpaman, ang sinasapit ng Sri Lanka ngayon ay dinanas na ng mga Pilipino apat na dekada na ang lumipas. Nanggaling na tayo riyan.

Noong napatalsik ang mga Marcos na siyang lumikha ng krisis, sumugod din ang mga Pilipino sa loob ng Malacañang at nag-tour doon. (May mga ilang eksena nito sa dokumentaryong The Kingmaker.) Doon nagulantang sila nang makita ang sandamukal na sapatos, gown, at vase ng pabango ni Imelda.

Natagpuan din ang bulletproof bra ni Imelda at mga adult diaper ni Marcos.

Magagaya ba tayo sa Sri Lanka ngayon?

Ang tanong: graduate na ba ang Pilipinas sa ganyang klaseng balance-of-payments crisis ngayong 2022? May tsansa pa bang maulit sa atin iyan?

Thankfully, mukhang malayong mangyari iyon.

Una, bagama’t lumalaki rin ang utang ng Pilipinas, karamihan naman noon ang domestic (nasa bandang 70%), at 30% lang ang external o foreign. Ibig sabihin, hindi dolyar ang bulto ng pagkakautang natin.

Ikalawa, bagama’t mabilis na bumababa ang reserves natin sa mga nakalipas na buwan (Figure 2), sapat pa iyon para bayaran ang mahigit 8.5 buwan ng imports. Ang warning level ay ’pag mas mababa na sa tatlong buwan.

Figure 2.

Gayunpaman, hindi ibig sabihin na maluwag na ang buhay sa Pinas: kinakaharap din natin ang matinding inflation sa ngayon, pati krisis sa agrikultura.

Bantayan din natin ang mga polisiya ng gobyerno, at ang developments sa ibang bansa tulad ng patuloy na pananakop ng Russia sa Ukraine. Kung lumala ang sitwasyon abroad, madadamay at madadamay tayo.

Higit sa lahat, matuto tayo mula sa kasaysayan. Kung ’di tayo matututo mula sa mga kamalian sa Sri Lanka ngayon, matuto tayo sa mga kamalian ng Batas Militar noon. – Rappler.com

JC Punongbayan, PhD is an assistant professor at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!
Boy, Person, Human

author

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.