[OPINYON] Kay Ma’am / Ser

Halimbawa, sa ilang reunion na dinaluhan ko (at marami ito, marami akong ka-batch sa high school, lalo na sa kolehiyo – 8 taon ba naman akong nagkolehiyo), mas naaalala namin ang titser na naglalawa lagi ang kilikili kapag nagtuturo, o walang suklay sa bahay, o laging kukur (kukurtinahin) ang suot, o may tumatalsik na likido sa tuwing bubuka ang bibig.

May mga titser na binentahan ako ng nilagang itlog o mani, pampatalino daw. Bumili naman ako. Takot ko lang maging uto-uto.  

May titser na lapitan mo pa lang, inaangilan ka na, parang manlalapa; mayroong nagpapatakdang-aralin o gawain na hindi makatao (o pakiramdam mo, hindi makatao).

Mayroong nagkuwento sa klase ng kaniyang talambuhay at karangalang kaniyang nakamit sa pananalumpati o pagsasayaw, at pilit itong iniuugnay sa leksiyon niya sa history, physics, o trigonometry. 

May titser na parang naka-mute tuwing magsasalita, binabasa mo lang ang buka ng bibig para makuha ang sinasabi; maraming amoy laboratoryo o pabrika ng Tiger Balm. 

May naningil ng halagang pambuo ng particle accelerator kahit pa ang proyekto ninyo ay dustpan na gawa sa lata.

Natatandaan ko, may nagbilad sa akin sa katirikan ng araw, balak yata akong gawing daing o danggit, but that was then, noong kinatatakutan pa ang disiplina ng titser. 

Hindi ako magmamalinis. Ganito ko natatandaan ang karamihan sa mga naging guro ko. At alam kong hindi maiaalis na maaaring sa perceived weakness ko rin ako matatandaan ng mga mag-aaral ko ngayong ako naman ang nagtuturo. Okey lang. Hindi puwedeng idikta kung paano ako maaalala, kung paano tayo maaalala. Tip sa mga bagong titser: alamin mo kung sino sa estudyante mo ang magaling manggaya sa kilos ng kanilang titser. Sila ang nakakakita ng quirks mo kapag nagtuturo. Manner of speaking, hand and body gestures, hawi sa buhok, kembot, lakad, et cetera.  

Pero dapat ko ring harapin ang katotohanan na hindi ko matututuhan ang mga sumusunod kundi sa aking mga guro. Random ito. At lubhang kakaunti: 

Namangha ako sa "Bababa ang baka, ang baka ay bababa" dahil sa pagsusumikap ni Mrs D na turuan akong magbasa noong Grade 1 – yes, hindi pa ako marunong magbasa noong Grade 1. Si Mrs D rin ang unang nagpadipa sa akin nang magkagulo ang klase dahil sa dala kong mga Matchbox (isang helicopter at dalawang kotse). 

Natuto akong magsulat nang kabit-kabit (kahit parang hieroglyphics) noong Grade 2 dahil kay Miss P, na madasalin dahil presidente yata ng block rosary sa amin sa Valenzuela.

Alam ko ang silbi ng stomata sa photosynthesis ng halaman dahil kay Miss E noong ako’y Grade 3. 

Si Miss P, na mahilig magpalaro sa amin dalawang beses isang linggo noong Grade 4, pero kamakailan ay nakita ko sa UST dahil nagpapa-dialysis daw siya sa ospital; wala na ang dating ngiti, pero naroon pa rin ang kinang sa matang taglay yata lahat ng mga dedikadong guro sa balat ng Earth. Si Miss P nga rin pala ang nagpa-Cub Scout of the Year sa akin dahil hindi ako takot sa dilim. 

Natutuhan ko ang magtasa ng lapis sa substitute teacher (dahil nanganak si Mrs D) na si Miss E, na humatak din sa patilya ko at kumurot nang pinong-pino, pero hindi ako ngumawa at tumitig pa ako sa kanya habang sinasabi ko sa isip na, “Hindi naman masaket” (na siyempre, masakit), but that was then. Bawal na ngayon ni kantiin ang bata.   

Natuto akong gumamit ng speedball (speedball, ano 'yun?) dahil kay Mr C. Si Mr C rin ang nagpa-Boy Scout of the Year sa akin sa elementary school, na kinamanghaan ko minsang nagmura (as expression, I believe) sa kakuwentuhan niyang titser na narinig ko kaya namulat akong puwede rin palang magmura ang mga titser.

Nalaman ko kung ilang kutsara ang katumbas ng isang tasa dahil sa home economics ko kay Miss M. Si Miss M din ang nagbabantay sa akin kapag nagtitinda ako ng lugaw sa mangkok na sartin sa kantin (ganda ng tugma) at nagturo sa akin ng kaibhan ng gayat sa tadtad ng sibuyas; naging magaling din akong magbunot ng sahig dahil sa kanya. Bunot is coconurt husk that we make kaskas sa floor-waxed floor to be made makintab, like, y’know, shiny.

Si Mrs (later Dr) P ang unang gurong kinakitaan kong puwede palang maging epektibo kahit mistulang effortless ang turo. Dahil sa kanya naging kasapi ako ng choir noong elementary kahit pa kaboses ko ang nilalagaring yero. 

Hanggang ngayon alam ko pa rin ang ilang bahagi at silbi ng makinang panahi, ang bobbin winder at spool pin and holder, halimbawa, dahil kay Miss C; ang parts of a microscope – ocular lens at coarse adjustment hanggang sa ilalim, ang base – buhat naman kay Mrs M. Dati, kaya kong i-drawing at markahan ang bahagi ng microscope at makinang panahi from memory. Ngayon, magse-search na lang sa internet. 

Kabisado ko ang "Every good boy does fine" sa music lesson dahil kay Miss O, kahit malabo pa sa tinta ng pusit na mapakinabangan ko sa buhay ang karunungang iyon. Well, walang silbi until now na isinusulat ko ito. He he. Si Miss O rin ang nagbilad sa akin noong high school sa Bulacan habang kainitan ng ala-unang araw dahil hindi ko alam ang kaibhan ng semento sa konstruksiyon sa cementum na part yata ng ngipin (health ang subject namin, pero hindi healthy ang mabilad sa araw nang tanghali – again, bawal na ito ngayon, himas-rehas ang aabutin ng titser). 

Si Miss V ang pinakamagandang titser ko dati. Sa kanyang panahon, may nag-student teacher dati na kinalimutan ko na ang pangalan dahil tinuruan kaming ang bigkas daw sa “soccer” ay saucer, at nang sabihin kong hindi tama – btw, in a constructive manner – nagalit.  

Nakagawa ako ng force measurer na gawa sa karton at garter, at nae-enumerate ko pa rin ang scientific method dahil kay Mrs A, na nagpa-Best in Science sa akin noong first year high school ako. Muli, wala akong nakitang malinaw na pakinabang sa mga naalala kong leksiyon ngayon maliban sa novelty of content ng espasyong ito.

Kay Mrs A (ibang Mrs A ng science), na nagturo sa akin ng math, natutuhan ko ang expanded method of addition; singkit si Mrs A, naikabit ko tuloy hanggang ngayon ang fallacy na kapag singkit, magaling sa math. 

Kay Mr A ko napagbiyak-biyak ang isang pangungusap at pagbabahagi nito batay sa Subject-Tense of the Verb-Object of the Preposition. Si Mr A ang may pinakamalupit na mood swing sa santinakpan na nakilala ko – muntik ko nang kamuhian ang English subject dahil sa mood swing niya.

Alam ko ang kasaysayan ng tunay na hieroglyphics dahil kay Mrs D.

Ang acute angle ay mga sulok na less than 90 degrees, totoo 'yan, sabi ni Mrs Y. 

Salamat kay Mrs. C, siya ang nagpaunawa sa akin ng malaking kaibhan ng chiffon cake sa siopao. 

Mrs F at Mrs Y, mga titser na hindi sinabi pero ipinakita na puwedeng maging maganda (guwapo, as in my case) kahit na nagkakaedad sa pagtuturo, at nagparamdam sa akin na huwag pakaseryosohin ang math dahil ang epekto nito, seseryosohin mo, which I did. Noon.  

Si Mr (later Dr) M, na hindi ko naging titser talaga, pero nagparamdam sa akin na pang-quiz bee ang gray matter ko noong third year.  

Si Mrs C, na hindi ko rin naman talaga naging titser, pero nagparamdam sa aking puwede akong magsulat dahil siya ang tagapayo ko sa mga essay writing contests. Naks. Sana mabasa niya itong pang-essay writing contest kong artikulo. 

Si Miss A, na nagpaunawa – passionately at that – na puwedeng unawain ang physics gamit ang wikang Filipino, at nagpamulat sa akin na pam-Physics Olympiad ang kara at angas ko (siya, kasama si Mrs P noong elementary, ang huwaran ko nang suungin ko ang bokasyong maging guro – wala eh, effortless sila, walang gigil). 

Dahil sa panggigil ni Mrs F, alam ko na ang formula para kuwentahin ang area ng mga flat na hugis sa mundo, at hindi ko pa ito nalilimot hanggang ngayon.  

Sa mga guro ko sa PNU (ang pambansang pagawaan ng mga titser sa bansa), marami sila, makulay, masalimuot, magagaling.

Sa mga guro ko sa De La Salle University sa Taft, noong MA at PhD, na nagparamdam at nagpaunawa sa akin na hindi matatapos ang pagkatuto. Na mawawala tayo sa sansinukob nang hindi kumpleto ang natutuhan at matututuhan. At hindi mo malalaman ang silbi ng bobbin winder ng makinang panahi kung magtuturo ka ng research o thesis o Seminar in New Media sa UST Graduate School. 

Sa napakaraming kaibigan, naging kasamahan, at kasalukuyang kasamahang guro. Sa mga gurong nakilala at makikilala pa lamang. 

Kay Mamang Binong, kapatid ng nanay ko at unang guro sa pamilyang may kasaysayang hindi nakakatapos sa pag-aaral, na retiradong guro ng San Pascual Elementary School sa Obando; sa Ditse ko sa San Diego Parochial School; sa Ate ko sa hindi ko malamang iskul sa Vietnam; sa aking kabiyak, kay Angela, sa Lucban Academy. 

At marami pang iba.  

Lubhang malaki ang impluwensiya ng aking mga guro sa akin. At kulang, lubhang kulang, ang isang araw ng pagkilala, o, as the case of this article, isang munting online column para kilalanin ang kanilang kadakilaan.

Napakapalad kong naliligid ako ng sangkaterbang guro, ang pinakadakilang paraan para pabutihin ang mundo. Kaya tama ang desisyon kong iwan ang showbiz patungo sa pagiging responsableng titser, hindi man halata. – Rappler.com  

Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, research, at seminar in new media sa Departamento ng Literatura at sa Graduate School ng Unibersidad ng Santo Tomas, research fellow din si Joselito D. delos Reyes, PhD, sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Siya ang coordinator ng AB Creative Writing Program ng Unibersidad ng Santo Tomas.