Philippine languages

[OPINYON] Pagsulyap sa Buwan ng Wikâ at kasaysayan

Jovito V. Cariño

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] Pagsulyap sa Buwan ng Wikâ at kasaysayan
'Kailangan natin ang wikâ bilang salamin upang higit nating makilatis kung sino tayo'

Dahil sa tindi ng krisis na hinaharap natin ngayon, hindî malayông lumipas ang Agosto, ang kinikilalang Buwan ng Wikâ, na hindî man lámang namamalayan ng karamihan.  Mahirap nang asahan ang madlâ na magkaroon ng interes sa wikâ habang ang isip nila ay pilit hinihila ng alinlangan at pangamba na hatid ng pandemya at ng kakambal nitong dagok sa ating ekonomiya. Sinánay táyo ng kahirapan sa bansâ na maniwalâng ang kalinangán ay walâng puwang kapag walâng laman ang sikmurâ. 

Sa mga pelikula o teleserye na ating napapanood, hindî kailanman naihanay ang pagbása ng nobela o pagkathâ ng tulâ, maging ang pagtatanghal ng mga dulâ o paglikhâ ng mga awitin bilang sagot sa gutom o pumapalyang kalusugan.  Mas mamatamisin pa ng mga karakter na nasasaksihan natin na tiim-bagáng gumawâ ng labag sa batas para lámang maibsan o kaya’y pansamantalang matugunan ang matinding pangangailangang kinasasadlakan niya o ng kanyang mga mahal sa buhay.  Bandang hulí, ang mga karakter na ito ang tinatanghal na bida o bayanî ng istorya.  Sila ang nagiging kamanghâ-manghâ at kabilib-bilib dahil sa kakayanan nilang malampasan ang kanilang argabyadong kalagayan kahit na, sabi nga ng iba, hindî sila nakatapos o kayâ, walâng masyadong pinagaralan.  

Matagal nang biktima ang wikâ ng ganitong prehuwisyo. Higit pa itong pinalalâ ng ating mga paaralan at iba pang institusyon sa pamamagitan ng pagtataguyod sa wikâ na tíla isang palamutî lámang sa halip na mismong binhîan ng ating pagkatao at pagka-mamamayan.  Hindî kataká-taká na tuwing buwan ng Agosto, biglâ na lámang nagkakaroon ng balágtasan o kayâ patímpalak sa talumpátî o sapilitang pagsusuot ng barô at sáya na para bang ang bisâ ng wikâ ay agarang sasanib sa mga gurô at estudyante na lalahok sa mga programang ito.  Totoo na epektibo ang mga ganitong palatuntunan bilang pamukaw ng atensyon ng publiko kung paanong epektibo rin sila na i-kondisyon ang mga tao para tingnan ang wikâ bilang isa lámang sa mga karaniwang bagay na nakalapat na sa kani-kaniyang takdâng buwan gaya ng pusô kung Pebrero, bulaklak kung Mayo, rosaryo kung Oktubre, kandilâ kung Nobyembre at parol kung Disyembre. 

At dahil nasánay na ngâ táyo sa ganito, nalimutan natin na bago pa gamitin ang wikâ sa ating mga paaralan o malimbag sa ating mga libro, ang wikâ ay wikâ na ng ating pagkabatâ, ng ating mga musmos na pangarap, ng ating unang pag-ibig, ng ating mga paslit na simulâin.  Ito ang wikâ na binibigkas natin sa ating mga panaginip, na nangungusap sa atin kapag tayo’y kinakabahan o natutuwâ, na kasangkapan natin sa ating pagpapasya, na nagsisilbing tulay pabalik sa ating mga ala-ala.  

Mahirap mang aminin pero, ang totoo, matagal na táyong nawalay sa wikâ at ang pagkawalay na ito ang siyang dahilan kung bakit kailangan pang maglaan ng isang tangîng buwan para paalalahanan táyo ng isang likas naman talagang sa atin at nasa atin.  Hindî paaralan ang punlâan ng wikâ; ang totoo, dinadala natin ang wikâ sa ating mga paaralan upang ito ay payabungin, pabungahin, at sa hulí’y maihasik pa sa pamamagitan ng pagaaral, malayâng pakikipagugnayan, at pakikisangkot.  Higit pa, samakatuwid, sa pagoorganisa ng mga de-kahong palatuntunan at mga pagdiriwang na iniuutos ng DepEd at CHED, malaki ang papel ng mga institusyong pang-edukasyon upang mas mapalawig pa ang pagunawâ at pagpapahalaga sa wikâ bilang pandayan ng ating pambansâng kamalayán at pambálanang imahinasyon. 

Upang matupad ito, kailangan talagáng isulong ng pamahalâan ang isang urî ng edukasyon na magpapatibay sa pagkatao at pagka-mamamayan ng mga magaaral kasabay ng pagpupundar ng mga kagalingang kailangan nila sa kanilang magiging trabaho balang araw.  Mahalagang bigyang-diin ang pang-abay na “sabay” lalo pa’t ang maka-merkadong pagkíling kapwâ ng pandaigdigan at lokal na edukasyon ay madalas na taliwás sa adhikâin ng wikâ:  ang makataong kalinangan. 

Masarap sanang isipin ang pagdating ng araw kung kailan ang bawat komunidad sa buong bansâ, mulâ Tawi-Tawi hanggang Aparri, ay hindî na magmimistulang dayuhan sa kani-kaniyang mga tulâ, dasal, awit, kwentong-bayan, dulâ, sawikâin at iba’t iba pang panitikang anyô na maaaring bigkasin at basahin.  Magiging bahagî na ang mga ito hindî lámang ng mga pana-panahong patimpalák kundî pati na rin ng ating mga karaniwang kwentuhan at talakayan.  Ang mga pelikula at teleserye na kinahuhumalingan ng marami ay dito na rin hahangô ng inspirasyon.  Magkakaroon ng bagong buhay ang mga tradisyonal na panitikan gaya ng Darangen, lajî o ambahan pati na rin ang mga sinaunang kwento gaya ng kina Urduja at Lam-ang.  Dadami ang salin ng mga akdâ ng mga tulad ni Magdalena Jalandoni, Ramon Muzones, Juan Crisostomo Soto, Leona Florentino, at Isabelo de los Reyes.  Sa pagbasa ng kanilang mga obra, pauntî-untî, matututo táyong kilalanin át igalang ang isa’t isa sa tulong ng mga wikâ na kumakatawan sa atin at kinakatawan natin.  

Must Read

Lloyd’s offers million-euro reward for stolen Cannes jewels

Sa paglaganap ng pagunawâ at pagpapahalaga sa wikâ, sisigla din ang isang makabayan at makataong kamalayán. Kung kasangkapan man ang wikâ, kasangkapan ito hindî gaya ng sipilyo o salawal na maaaring malumâ, malimutan, o pagsawâan.  Mas mabuti marahil ihambing ang wikâ sa isang salamin, ang kasangkapan na sabay nagsisiwalat ng ating imahen bilang kamukhâ at kaibá natin.  Ito ang dahilan kung bakit ginamit nila Lopez Jaena, del Pilar, at Rizal ang wikâng Kastilâ kontra sa mga Kastilâ o ni Renato Constantino ang wikâng Ingles laban sa mga Amerikano.  Kailangan natin ang wikâ bilang salamin upang higit nating makilatis kung sino tayo. 

Ang mga kulturang gaya ng sa Grecia, Alemania o Francia ang makapagpapatunay ng angking kakayanan ng wikâ na magtaguyod ng isang kamalayáng magsisilbing matibay na pundasyon ng pagka-mamamayan.  Matatandâan na ang pagka-mamamayan ay isa sa mga sentral na ideya na pinagmulan ng modernang politika.  Hindî ito lingid sa mga tulad ni Andres Bonifacio at Emilio Jacinto na noon pa lang ay kumilala na sa kapangyarihan ng wikâ bilang bigkis ng katipunan ng mga mamamayang naghahangad ng isang bayan kung saan ang tangîng naghaharî ay kalayâan.

Hindi kataka-taka na sa pagdating ng kalaban ng kalayâan, isa sa mga una nilang pinupuksâ ay ang ating pagkakakilanlan bilang mamamayan.  Tinatawag tayong “botante” o mga “nasasakupan.”  Binabansagan tayong DDS o mga Dilawan. Binabawalan tayong magsalitâ. Sinisikil ang daloy ng malayâng pagbabalitâ. Kailangan nilang gawin ito dahil kapag hindî na natin kílala ang ating sarili bilang mamamayan, mananamlay na rin ang ating kamalayán at mithî na manatilîng malayâ.  Sino mang umimik upang igiit ito ay ituturing na pasaway o reklamador.  Pauntî-untî, igagapos nila ang ating mga dilâ, ititikom ang ating mga bibig hanggang ang wikâ ay maging buntong-hininga na lamang habang sinasaksihan natin kung paano dahan-dahang malansag ang lahat ng inaakalâ nating mahalaga. 

Ang hámon ng pagsulyap sa wikâ ay laging nakatuon sa pagtataguyod ng malayâng kamalayán at maláy na pagka-mamamayan.  Marahil nagkataon lámang na sa Agosto rin, sa tinuturing na Buwan ng Wikâ, sabay nating ipinagdiriwang ang Buwan ng Kasaysayan na minamarkahan ng dalawang dakilâng yugtô ng ating pagkamúlat bílang isang bayan: ang Sigaw sa Pugad Lawin sa Agosto 23 at ang pagpaslang kay Ninoy Aquino sa Agosto 21. Tinandâan na para sa atin ng kalendaryo ang hindî matatawarang ugnayan ng wikâ at gunitâ. Ito ang ating kailangang matyagan laban sa kanilang nagtatangkâng ilihis ang ating kasaysayan at sa mga naghahasik ng tákot upang tayo’y magsawalâng-kibô na lámang. 

Totoo na hindî wikâ ang sagot sa gutom at krisis pang-kalusugan dahil hindî talaga wikâ ang kailangang lunas sa mga suliraning ito. Gayunman, hindî pa rin masasabi na walâng kaugnayan ang wikâ sa paglutas ng mga problemang nabanggit. Sa isang pandemya, ano mang medikal o ekonomikong hakbang ay laging naka-angkla sa pamamahalâng politikal.  At sa politikal na lárang, laging dawit ang wikâ.  Mas epektibo sana ang tugon sa krisis kung nagagamit ang wikâ sa paglalahad ng tamâ at hindî sa pagpapakalat ng huwad at mapanlinlang.

Nakalulungkot na sa halip na maging daluyan ng malinaw na pang-unawâ, tíla nagiging tabing pa ang wikâ upang hindi natin mapansin ang dapat makita at matiyak ang dapat mabatid. Kapag ito’y tinutulan, hinihimok pa tayong pikit-matang tanggapin kahit ang malî at tratuhin ang walâ-sa-lugar na isang birô o katatawanan lamang. Ang akalâ siguro ay naghahanap táyo ng payaso.  Mahirap ang buhay sa Filipinas pero sa tingin ko, hindî payaso, o kayâ berdugo, ang kailangan ng bayan. – Rappler.com

Si Jovito V. Cariño ay miyembro ng Departamento ng Pilosopiya, Unibersidad ni Santo Tomas.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!