[OPINYON] Huling gabi sa piling ni Tita Cory

BIYERNES din ng gabi, eksaktong 11 taon na ngayon ang nakararaan, nakatanggap ako ng tawag sa cellphone mula sa isang kaibigan na kabilang sa mga trusted aide ni former president Corazon “Tita Cory” Aquino na kasama sa nagbabantay sa dating pangulo na nakaratay sa Makati Medical Center (MMC).

Ang maikling mensahe nang tumawag sa cellphone: “Koyang Dave, mag-off muna ako ng cellphone, call or text na lang kita later… nakakalungkot pero baka ito na, pero 'wag naman sana!”

Ang agad nagpatay ng cellphone sa kabilang linya ay si P/Cpl. Jimmy Castro na mas kilala sa alias na “Caster” ng mga reporter na nagko-cover sa Malacañang beat.

Nasakyan ko agad ang gusto niyang ipahiwatig, kaya mula sa oras na iyon na halos maghahatinggabi na, di na ako mapakali sa katitingin sa aking cellphone – nag-aabang sa masaya o malungkot na balita mula kay Caster.

Naka duty ako noon sa GMA newsdesk bilang senior news editor. Alumpihit ako sa kahihintay sa tawag o text ni Caster, na pakiwari ko’y magiging isang malungkot na balita para sa buong bansa, lalo na sa mga taong nagpunta sa EDSA noong Pebrero 22-25, 1986 at nakipaglaban na mabalik ang ninakaw sa ating demokrasya, sa pamamagitan ng “bloodless revolution”.

Food tester

Hindi basta-basta aide lamang ni Tita Cory si Caster.

Siya ang tinatawag na “food tester” – hindi food taster na gaya nang nakagawian na tawag sa kanya ng marami – ang tanging presidential aide na makakapigil sa pangulo na 'wag isubo ang anumang pagkain o inumin na gusto nitong kainin o inumin.

Nang matapos ang term ni Tita Cory noong 1992, bumalik sa dati niyang trabaho si Caster bilang isang matinik na “intelligence operator” sa PSG at dito napadalas ang aming pagkikita, lalo na kapag may mga malalaking operasyon na tinatrabaho ang grupo niya.

At ito ang siste, nang mapabalita na may malubhang sakit si Tita Cory at nakaratay sa MMC nagulat ako parang bantulot na magdesisyon si Caster kung pupunta siya para dalawin man lang ang dating pangulo na pinagsilbihan niya ng halos anim na taon.

Nagdadalawang-isip siya dahil baka masamain ng mga kasama niya, lalo na ng bagong boss nila, ang gagawin niyang pagdalaw at maapektuhan pa ang kanyang trabaho.

Naiintindihan ko si Caster – ganun talaga ang kalakaran sa pulis at militar, kailangan na makuha mo ang buong tiwala ng mga boss at mga kasamahan, para manatili ka sa trabahong nakagamayan mo na.

Nang matapos ang aming kuwentuhan at maghiwalay, pinabaunan ko siya ng ilang salitang may pangungunsensya: “Palagay ko pards ay hindi mo kakayanin na 'di makita man lang, sa kanyang magiging huling sandali, ang naging nanay mo sa Palasyo ng Malacañang sa loob ng anim na taon!”

Makaraan lang ang halos dalawang linggo, tinawagan ako ni Caster para magkita kami sa lobby ng MMC. Pumunta pala siya agad sa ospital matapos ko siyang kunsensiyahin at pinag-stay na siya roon ng pamilya upang magbantay sa nakaratay na dating pangulo.

Nagkita kami sa parking area ng ospital at dinala niya ako sa 9th Floor at nagkuwentuhan kami sa loob ng Chapel sa naturang palapag. Di kalayuan dito ang R-920 na may guwardiyang unipormado.

Sa R-920 na may nakapaskel na "NO VISITORS ALLOWED," nakaratay si Tita Cory dahil sa sakit na cancer. Ayon kay Caster, ilang araw ng tila nawawala sa wisyo si Tita Cory, subalit kinakitaan pa rin ng labis na pag-aalala sa kanilang mga aide na salit-salit sa pagbabantay sa loob ng kuwarto.

“Kausap ko si Tita Cory kanina, parang namamaalam na siya, 'di ko kinaya Koyang Dave,” ani Caster na nangingilid ang luha sa mga mata.

Makaraan ang ilang minutong huntahan, lumabas ako ng ospital at sa mismong lobby pa ng MMC dumaan. Nakita ko rito ang mga kasamahan ko sa media – pero di nila ako napansin – na ilang araw na ring nagbabantay sa naturang lugar. Naghihintay sila ng balita hinggil sa kalagayan ni Tita Cory.

Text message

Ganap na 3:26 ng madaling araw, Agosto 1, 2009 nang matanggap ko ang text ni Caster: “Tapos na trabaho ko Kuya Dave – wala na siya!”

Tinawagan ko si Caster pero naka-off na ang cellphone niya.

Mula ng mga oras na iyon, naging maagap ang coverage team ng GMA7 kaya’t madaling araw pa lamang ay naka-on air na ito at live na ibinabalita ang pagpanaw ng tinaguriang “Ina ng Demokrasya” ng ating bansa na si Tita Cory, habang natutulog (Sign 0ff) pa ang ibang broadcast station sa bansa. – Rappler.com