Ngayong umalis na ang Papa

"Bakit naman?" tanong ng ilang kapwa kolumnistang, tulad ni Pangulong Aquino, ay nagkamaling maghayag ng kritisismo sa Simbahan at sa gayon ay tumanggap ng batikos, mura, pagbabanta at panghihiya. 

"Bakit?" tanong ng mga kaibigan kong LGBT na hanggang ngayon ay hindi pa rin tinatanggap ng Simbahang Katoliko. 

"Bakit?" tanong ng mga kaibigan kong pro-RH nang inulit ni Pope Francis ang anti-RH na posisyon ng Simbahan.

"Ano ba yan?" tanong naman ng isang kritiko ng media nang marinig ang mala-panatikong pagtatalak ng mga reporter na tila nawalan na ng tinatawag na "journalistic objectivity."

"Haay nakow," sambit naman ng isang kaibigang Muslim nang marinig niya nang isa pang ulit ang mga salitang, "Ang Pilipinas ay isang bayang Kristiyano."

"Salamat naman at naiba tayo," sabi ng pinakamatalik kong mga kaibigan habang nasa kasal ng anak ng isa sa amin. Ginanap ang kasal sa isang simbahang Potestante. Kaunti lang kami. Tahimik ang kapilya. Hindi ma-garbo ang misa at ang reception. Higit na masaya at makahulugan dahil pinagtulung-tulungan ng lahat.

Natutuwa sa Papa

Nagtatalo ang sarili kong damdamin. Nanood at nakikibalita ako dahil kasama ako sa isang online na talakayan ng Rappler-Viber hinggil sa bisita ni Pope Francis sa Pilipinas. Sinubok kong damhin ang damdamin ng mga pumila, naki-Misa, sumayaw, umiyak at tumawa.

Hindi ko maiwasang matuwa sa Papang ito na tila may puso para sa mahirap. Irehe ako, tiyak na hindi banal. Kung paniniwalaan ang mga anti-RH – na nabuhayan ng bisita ng Papa kung kaya't nag-iwan na naman sa aking social media accounts ng mga mensahe – isa akong demonyo. 

Nguni't ilang beses din akong napaiyak nang masaksihan ang pagdurusa ng mga biktima ng Yolanda. Nadudurog din naman ang puso ko sa harap ng opresyon at pananamantala. Kaya't ikinatutuwa kong nabibigyan ni Pope Francis ng emosyonal na tulong at pag-asa ang milyun-milyong nagdurusa.

Hangarin ng taumbayan

Sang-ayon ako kay Pope Francis, na hindi dapat husgahan ang pamamaraan ng bawa't isang naghahanap ng kabanalan. Tinatanggap ko na para sa karamihan ng mga Filipino, ang paraang ito ay pananalig sa Diyos, at sa partikular, kay Jesus. Bilang isang development worker, nakikita kong ang lakas loob ng marami ay nanggagaling sa ganitong pananalig.

Nakikita ko ring ang pananalig na ito ang siyang nag-uudyok sa maraming magsikhay para sa kabutihan ng sarili, pamilya, pamayanan at bayan. Sa harap ng kawalan ng mga batayang pangangailangan sa buhay, kawalan ng mga serbisyo ng pamahalaan, at kawalan ng malasakit mula sa mga lider at makapangyarihan, kabutihan ang makapagpahayag ng ating mga hangarin – para sa hustisya, para sa buhay na maginhawa, para sa isang lipunang mapagkalinga.

Ang mga hangaring ito ang naririnig ko tuwing sumisigaw ang taumbayan ng, "We love you, Pope Francis." (Mahal ka namin, Pope Francis.)

Sa harap ng ganitong sigaw ng bayan, huwag sana magkamali ang mga makapangyarihan.

Baka akalain nilang tanga at panatiko ang lahat ng pumila at humanga. Akala nila'y kung makalapit lang sila sa Papa sa pamamagitan ng kanilang ka-epalan, mapagkakamalan na silang banal – makakalimutan na ang kanilang pagnanakaw at kapabayaan.

Sa online na talakayan namin sa Rappler-Viber, may nagtanong sa amin, "May pagbabago kayang mangyayari sa Simbahan at gobyerno dahil sa bisita ni Pope Francis?" Walang sumagot ng "oo." 

Hindi naman kasi mangmang ang mamamayan. Hindi ito ang unang bisita ng Papa sa Pilipinas. Hindi lamang ito ang Papang tinanggap nang buong galak. Anupaman ang pag-asa at kabutihang hinimok ng bawa't bisita, laganap pa rin ang pang-aapi at kahirapan sa lipunang Pilipino.

Nasa atin ang pagbabago

Kaya't ngayong nakaalis na ang Papa, naiiwan sa ating lahat na isakatuparan ang mga hangarin at sentimyentong hinimok niya. Nasa sa atin ang pagbabagong pinapangarap natin.

Nasa sa ating ipagpatuloy ang laban sa katiwalian. Suportahan natin ang Freedom of Information bill upang maging bukas ang lahat ng gawain ng gobyerno sa publiko at mabawasan ang kakayanang ikubli ang katiwalian. Tiyakin ding mabigyan ng sapat na hustisya ang mga nasasakdal tulad nila Enrile, Revilla, at Estrada. Anupaman ang pag-asta ng pagiging relihiyoso, hindi pagkiling sa pagka-ipokrito at katiwalian ang naging selebrasyon ng mga Katoliko.

Higit sa lahat, tiyakin nating hindi magnanakaw at abusado ang ihahalal bilang presidente sa darating na eleksyon nitong 2016. Huwag naman sanang iboto yung taong ginamit ang posisyon niya sa lokal na pamahalaan ng Makati upang magpakayaman. 

Nasa sa atin din ang paniningil sa gobyernong Aquino sa kapalpakan nito sa repormang agraryo. Itaguyod natin ang sapat na suweldo at kaseguraduhan sa trabaho para sa lahat. Mabisang paraan ito upang maibsan ang kahirapan at hindi na mapilitan ang mga kababayang maghanap ng kanilang kapalaran sa ibang bansa. Pundamental sa pagkamit ng panlipunang hustisya o "social justice" ang mabigyan ng lupa ang magsasaka at marangal na trabaho ang lahat.

Ipaglaban din natin ang komprehensibo at libreng serbisyong pangkalusugan, kasama na ang reproductive health. Nasa sa atin ang patuloy na pag-usig para sa edukasyon na abot-kaya at mataas ang kalidad. Sa ganitong paraan mapapangalagaan ang kapakanan ng mga kabataan.

Nasa sa atin ang pagbabago ng kultura upang mawala ang karahasan sa kababaihan. Nasa sa atin ang pagtitiyak na magtagumpay ang kasunduan sa pagitan ng gobyerno at Bangsamoro. Ito'y mga hakbang patungo sa kapayapaan sa loob ng mga tahanan at sa bayan.

Bilang sariling panata, higit kong yayakapin ang mga taong hindi pa kayang yakapin nang lubos ng Simbahang Katoliko. Nasa isip ko ang mga lesbian, gay, bisexual at transgender na mga kapatid. Nasa isip ko ang mga babaeng disgrasyada sa anumang paraan – single mother, dibursyada, puta, gumagamit ng kontrasepsyon, nagpalaglag upang makaraos sa matinding pagsubok. 

Bilang pagtugon sa panawagan ni Pope Francis, pinapatawad ko ang lahat ng mga Katolikong nagmura at lumait sa akin, sampu ng aking mga kasamahan, sa panahon ng kampanya para sa RH Law. Hindi lang ang Pangulong Aquino ang nasaktan sa panghuhusga nila. Kung matutulad ang artikulo kong ito sa mga nakaraang artikulo, tiyak na may magagalit na naman sa mga Katoliko. Tinatanggap ko ito.

Kontribusyon ko ito sa kaganapan ng espiritwalidad ng ating bayang binubuo ng iba't ibang opinyon, pananampalataya, wika at kultura. 

Bilang pagbibigay-galang sa lahat ng relihiyong Pilipino, mag-aambag ako ng lahat ng aking makakaya tungo sa isang mapayapa, progresibo at makatarungang bayan. – Rappler.com