Christmas in the Philippines

[REFLECTIONS] Wala bang thank you dyan?

Word and Life Publications

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[REFLECTIONS] Wala bang thank you dyan?
Ikapitong araw ng Simbang Gabi: Lahat tayo ay nangangailangan. Lahat tayo ay may dapat kilalanin bilang kaloob na dapat pasalamatan.

(Ang serye ng pagninilay na ito ay handog ng Word and Life Publications tagapag-limbag ng ‘Patnubay sa Misa’ at ‘Euchalette.’ Ito ay ibinabahagi ng Rappler bilang paghahanda sa Kapaskuhan.)

1 Samuel 1:24-28; Lucas 1:46-56

Ang mundo ngayon ay napupuno ng napakaraming mga “assuming.” Asyuming tayong lahat na magaling, na nakakaunawa, at nararapat bigyan ng karampatang atensyon, paggalang at pagpipitagan. Ilang buwan na ang nakararaan, isa na naming galit na galit na drayber ng pribadong kotseng pula ang nagbunot ng baril sa isang naka bisikleta at walang armas na kabataan, dahil lamang nadanggil nang bahagya ang kanyang kotse, kahit na siya naman ang wala sa tamang linya. Marami sa atin ngayon ang self-entitled. Ang mga tanyag ngayon sa balat ng lupa ay hindi mga televangelist, mga politico, o mga artista, kundi mga social media influencers. Sa daigdig na ito na nababalot ng mga ce-webrities (celebrities on the web, or more properly social media), ang isa sa mga naglalaho sa ating kultura ay ang kakayahang magpasalamat.

Tayong mga Pinoy ay hirap magpasalamat. Malimit, ito ay dahil sa maling pagpapairal ng kultura ng hiya. Hindi natural sa atin ang magbigay ng pasasalamat sa isa’t isa. Dinadaan na lang natin sa ngiti at wala nang iba.

Pero itong self-entitlement ang palagay kong tunay na naglibing sa ating munting kakayahan para magpahalaga at magpasalamat sa maliliit na kaloob na dumarating sa atin. Sa loob ng 47 taon kong pagtuturo, ito ang malinaw na napansin ko. Hirap ang mga kabataan na magpahalaga at magpasalamat. May paalaala ang mga pagbasa ngayon hinggil rito. Si Hannah ay hindi mayaman. Pero ang pagiging mahirap ay hindi dapat gamitin bilang palusot sa tungkuling magpasalamat. Ito mismo ang ginawa ni Hannah. Inialay niya sa Diyos ang kanyang anak bilang pagtanaw ng utang na loob.

Mahirap man tayo o mayaman, dapat nating sagutin ang tanong na ito: “Wala bang TY man lang diyan?” Walang sinuman ang sobrang hirap na walang anumang puedeng ipagkaloob sa kapwa. Wala rin naman sinumang sobrang yaman na wala ni anumang pangangailangan sa buhay. Lahat tayo ay nangangailangan. Lahat tayo ay may dapat kilalanin bilang kaloob na dapat pasalamatan.

Sabi ni Louis Evely maraming taon na ang nakalilipas: “Kung wala kang dapat pasalamatan sa Diyos, wala ni hibla ng pagiging Kristiyano sa iyong pagkatao.” – Word and Life Publications/Rappler.com

This reflection is part of the Patnubay ng Misa, which can be downloaded at the Word and Life Publications site.

Here are more reflections and stories about Christmas in the Philippines

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!