STAKEOUT: Police operation, noon at ngayon

Wala pa kasing CCTV noon kaya't dapat matalas ang mata at pang-amoy ng mga operatiba sa paligid para makalutas ng krimen – ganito nalutas ang kaso ng pinatay na labor leader noong si Tita Cory pa ang ating pangulo – natukoy agad ang utak ng krimen dahil sa dugong kumapit sa seatbelt ng kanyang kotseng ginamit sa pagdukot at pagpatay sa labor leader. Naamoy kasi ng imbestigador 'yung lansa raw ng natuyong dugo sa loob ng kotse, kaya't dinala niya ang seatbelt sa crime laboratory sa Camp Crame at lumabas sa eksaminasyon na dugo ng labor leader 'yung nasa seatbelt ng kotse ng suspek na noon ay nasa isang talyer.

Isang hinahangaan ko namang magaling na imbestigador ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ang tinaguriang premier investigating arm ng PNP, ang sobra kung manghawakan sa tinatawag niyang "gut feeling" – marami raw kasi siyang nalutas na kaso dahil sa pagsunod niya sa kanyang "intuition" kapag siya'y nag-iimbestiga.

Nguni't sa totoo lang, ang galing niya sa "backtrack-investigation" ang pamatay niya sa paglutas ng mga kontrobersiyal na kasong hinawakan niya – halimbawa rito ang pagkakalutas niya sa kaso ng dalawang Hapones na pinatay at ibinaon sa gilid ng isang palaisdaan sa San Jose del Monte, Bulacan. Ang klasiko rito ay kung paano niya natagpuan ang lugar na ipinaglibingan sa mga biktimang Hapones batay lamang sa pinagtagni-tagning impormasyon mula sa kuwento ng mga taong huling nakausap at nakasama ng mga biktima at mga suspek sa kaso. Tiyaga at dedikasyon niya bilang imbestigador ang kapuri-puri sa trabahong niyang ito.

Pahimakas – sa tingin ko lang, kapag ang mga pulis sa ngayon, na magaling sa paggamit ng mga matatalinong gadget, ay mamanahin naman ang mga klasikong pamamaraan sa pag-iimbestiga ng mga pulis noon, nasisiguro ko na ang pinagsamang sentido komon at gadgets ay magiging mabisa sa larangan ng imbestigasyon laban sa anumang kasong kriminal. – Rappler.com

Dave M. Veridiano has been a police reporter for 30 years. He is a former senior news desk editor and currently writes a column for a daily tabloid. Email: daveridiano@gmail.com. Call or text him at 09195586950.